Inday TrendingInday Trending
Binabalewala ng Ginoo ang mga Liham ng Kaniyang Ina; Bandang Huli’y Isa-Isa Rin Niya Pala Itong Babasahin

Binabalewala ng Ginoo ang mga Liham ng Kaniyang Ina; Bandang Huli’y Isa-Isa Rin Niya Pala Itong Babasahin

Sariwa pa rin sa mga alaala ni Ken kung paano siya iniwan ng kaniyang inang si Loreta sa mag-asawang Natty at Arman. Nakilala ito ng kaniyang ina noong namamasukan pa ito bilang kasambahay sa Maynila.

Ang sabi pa noon ni Loreta sa anak ay mamamasyal lang daw sila. Ngunit hindi akalain ng batang si Ken na ito na pala ang huli nilang pagkikita. Labis ang pagtangis noon ng bata habang pinapanood niya ang paglisan ng ina. Araw-araw siyang sumusulat dito ngunit ni isa ay wala man lamang bumalik.

Ngayon ay nagbago na ang buhay ni Ken. Isa na itong ganap na inhinyero sa opisina ng kaniyang kinilalang ama. At araw-araw ay nakakatanggap naman siya ng sulat mula sa inang si Loreta.

“Ken, may dumating ka na namang sulat. H-hindi mo man lang ba ito babasahin?” tanong ng asawang si Joyce.

“Hayaan mo na ‘yan. Itapon mo kung gusto mo, pero wala na akong pakialam diyan!” galit na tugon ng ginoo.

“Ken, hanggang kailan mo ito gagawin sa nanay mo? Bakit ba ayaw mong basahin ang mga sulat niya. Baka mamaya ay may mga importante siyang sinasabi sa iyo. Kahit ano ang gawin mo, pagbali-baliktarin mo man ang mundo ay siya pa rin ang nanay mo. Kaya subukan mo man lang buksan ang liham niya,” pilit muli ng ginang.

“Aanhin ko ang mga sulat na iyan ngayon, Joyce? Ngayong maayos na ang buhay ko at may mapapala na siya sa akin ay ngayon niya ako kakausapin? Ilang taon akong naghintay sa mga sulat na hindi naman dumating! Sa mga eksplanasyon na kahit kailan ay hindi ko narinig sa kaniya! Ngayon ay bigla na lang siyang babalik sa buhay ko? Hindi ko na hahayaan pang saktan niya akong muli. Si Mommy Natty lang ang ina ko at wala nang iba!” mariing sambit pa ni Ken.

“Sana ay maghilom na kung ano man ang sakit na nararamdaman mo sa puso mo bago mo pa pagsisihan ‘yan. Ilalagay ko ito ulit sa drawer, baka sakaling isang araw ay magbago ang isip mo,” sambit muli ng misis.

“Tiyak kong wala akong pagsisisihan dahil matagal na akong nakapagdesisyon. Hindi ko na siya tatanggapin pang muli sa buhay ko,” dagdag pa ng ginoo.

Iniipon lang ni Joyce ang mga liham na ipinadala ng ina ni Ken. Naniniwala kasi siyang isang araw ay magkakaroon ng pagpapatawad sa puso ng kaniyang mister.

Kinabukasan ay tila may malaking pagbabago. Ni wala man lang isang liham na dumating mula sa kaniyang ina.

“Sa loob ng ilang buwan ay parang ngayon lang ata natigil ang mga liham ng nanay mo, Ken. Hindi ka ba nagtataka kung ano ang nangyari sa kaniya?” nag-aalalang tanong ni Joyce.

“Baka sa wakas ay naisipan na rin niyang hindi ko naman binabasa ang mga sulat niya. Baka nagsawa na. Mabuti naman!” sagot naman ni Ken.

“Iba ang kutob ko, Ken. Bakit kaya hindi ka magbukas ng isang liham para lang malaman natin kung ano ang nais niyang sabihin?”

“Baka sinadya ng babaeng iyan na ‘wag magpadala ng sulat ngayon. Taktika niya para mapansin ko siya. Wala ni katiting na pag-aalala akong nararamdaman. Bahala siya kung ano ang gusto niyang gawin. Mas mainam nga ‘yan na hindi na niya ako inaabala,” saad pa ni Ken.

Napapailing na lang si Joyce. Kung p’wede lang ay siya na lang ang magbasa ng mga sulat ng ina nito.

Sumunod na araw ay muling hinintay ni Joyce ang liham na darating, ngunit ni isa sa mga sulat ay hindi galing sa ina ng asawa.

Makalipas ang ilang araw ay may dumating muling sulat mula kay Loreta. Agad na dinala ni Joyce sa asawa ang naturang liham.

“Ken, sa tingin ko ay kailangan mo nang basahin ang liham na ito. Mula ito sa iyong ina. Ngunit may nakalagay na huling liham. Ken, bigyan mo naman ng pagkakataon ang nanay mo kahit ngayon lang. Ilalagay ko ang liham na ito sa ibabaw ng mesa mo. Sana ay basahin mo,” saad ng misis.

Hindi pinansin ni Ken ang kaniyang asawa hanggang sa makaalis ito ng kaniyang opisina.

Tinititigan lang ni Ken ang sulat ng ina. Ilang beses din siyang nagtangkang buksan ang liham ngunit natatakot siyang masaktan muli.

“Bakit ba patuloy mo pa rin akong sinasaktan kahit na tuluyan na kitang inalis sa buhay ko? Wala ka nang bilang sa akin. Ang nagdudugtog na lang sa atin ay ang pagluwal mo sa akin ngunit hindi ka naging isang ina,” saad ni Ken.

Ngunit hindi rin nakatiis ang ginoo. Kinuha niya ang liham at saka binasa ang nakalagay rito.

“Huling liham?”

Dahan-dahang binuksan ni Ken ang sulat ng ina.

At doon ay tumambad sa kaniya ang masakit na katotohanan.

Ken, ako ang Tiya Sally mo. Sa tingin ko ay kailangan mo nang magpunta rito dahil malubha na ang kalagayan ng nanay mo. Baka hindi mo na siya maabutan pa. Wala siyang bukambibig kung hindi ang pangalan mo. Baka ang hinihintay na lang niya ay ang pagpapatawad mo.

Hindi alam ni Ken ang kaniyang naramdaman ngunit naging mabilis ang mga sumunod na nangyari. Kahit na ubod ng sama ng loob ng ginoo sa kaniyang ina ay dinala pa rin siya ng mga paa sa piling nito.

Hindi siya makapaniwala nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng kaniyang ina. Nakatira lamang ito sa isang barong-barong. Tanging mga sirang yero lang na pinagtagpi-tagpi ang bumubuo sa kabahayan nito habang ang ginoo naman ay ligtas sa bahay na bato.

Naroon si Sally ng mga panahon na iyon at nakita si Ken na nakatayo sa labas ng tinutuluyan ng ina. Umiling ang ginang.

“Huli na ang lahat, Ken, wala na ang iyong ina. Binawian siya ng buhay kaninang umaga habang binabanggit ang pangalan mo,” malungkot na bungad ni Sally.

Pagpasok ng barong-barong ay bumungad agad kay Ken ang wala nang buhay na katawan ng ina na nakatalukbong ng kumot.

“Siguro nga ay ganito talaga ang nakatadhana sa ating dalawa. Bakit kasi hindi mo ako binalikan? Ni hindi mo man lang ako pinilit na kunin sa kanila. Anak mo ako, bakit mo ako pinamigay?” bigla na lang tumulo ang mga luha sa mata ni Ken.

“H-hindi ginusto ng nanay mo na ipamigay ka. Ngunit wala talagang magandang buhay ang naghihintay para sa iyo sa piling niya. Alam niyang hindi ka niya kayang buhayin kaya nang makakita siya ng pagkakataon, masakit man sa kaniya ay sinunggaban na niya kaagad,” paliwanag ni Sally.

“Sumulat ako sa kaniya araw-araw ngunit wala man lang sulat na bumalik sa akin! Hindi siya nagpaliwanag! Araw-araw akong naghintay, tiya!” pagtangis pa ng ginoo.

“Hindi marunong magsulat at magbasa ang nanay mo. Hindi mo ba binubuksan ang mga liham na galing sa kaniya? Ako ang nagsusulat ng mga iyon. Ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na basahin ito. Tinago niya ang mga liham mo, Ken. Araw-araw ko itong binabasa sa kaniya paulit-ulit at ngayong nagkaroon na siya ng lakas ng loob ay isa-isa niya itong sinasagot at ipinapasulat sa akin,” paliwanag pa ni Sally.

Napaluhod na lang si Ken sa sobrang pagsisisi.

Pag-uwi ng bahay ay isa-isang binuksan ni Ken ang liham mula sa ina. Kalakip nito ang sulat na ipinadala niya noon sa kaniyang Nanay Loreta. Tulad ng sinabi ng kaniyang Tiya Sally ay isa-isa itong sinagot ng kaniyang ina. Ikinuwento rin ni Loreta ang kaniyang naging buhay at kung gaano siya nangungulila sa anak.

“Sana, isang araw ay mawala na rin ang galit mo sa akin, anak. Ginawa ko lang ang alam kong tama. Lagi mong irespeto ang mga nagpalaki sa iyo. Ibigay mo sa kanila ang pagmamahal na nais mong ibigay sa akin ngunit hindi ko kailanman nasuklian. Huwag mong kalilimutang palagi kitang mahal, anak,” sambit ni Loreta sa isa sa kaniyang mga liham.

Napayakap na lang si Ken sa liham ng kaniyang tunay na ina. Natandaan niya ang mga sinabi ng kaniyang asawa, kung nakinig lamang siya ay hindi pa sana huli ang lahat para sa kanila ng kaniyang nanay.

Labis ang pagsisisi ni Ken dahil hinayaan niyang lumaki ang galit sa kaniyang puso. Ngayon ay wala nang nalalabing oras upang muli niyang mahagkan ang inang walang ibang hangad kundi ang mapabuti ang buhay niya.

Advertisement