Bilang Parte ng Kanilang ‘Prank’ ay Binuhusan ng Babae ng Tubig ang Isang Lalaking Napagkamalan Niyang Rider; Ito pala ang Aabutin Niya

Bilang Parte ng Kanilang ‘Prank’ ay Binuhusan ng Babae ng Tubig ang Isang Lalaking Napagkamalan Niyang Rider; Ito pala ang Aabutin Niya

FunKarmaStories

Tawang-tawa na si Jamaica hindi pa man niya naisasagawa ang plano niyang gawin sa isang lalaking namataan niyang naka-ub-ob at mukhang natutulog sa sarili nitong braso habang nakaupo sa motorsiklo nito. Bilang parte kasi ng kanilang ‘prank’ sa isa sa mga content sa ginagawa nilang vlog ay napagplanuhan nilang buhusan ng tubig ang mga taong makakasalubong nila sa kalsada para lang makita kung ano ang magiging reaksyon ng mga ito.

Matagal nang ginagawa nina Jamaica ang bagay na ito. Ito na rin ang nagsisilbi nilang pinagkakakitaan kahit pa nga kung tutuusin ay hindi marangal ang trabahong kanilang ginagawa. Nandadamay kasi sila ng mga taong mapagti-trip-an nila para lang magkaroon ng content sa kanilang vlog.

“Dalian mo na, Jamaica! Kaya mo ’yan!” tatawa-tawang pangangantiyaw din naman ng kaibigan at camera woman niyang si Jesi na game na game ding sumang-ayon sa kalokohang ’yon. Humagikhik muna si Jamaica bago niya itinapat sa ulo ng natutulog na lalaki ang plastik na botelyang may lamang malamig na tubig pagkatapos ay unti-unti niya iyong ibinuhos dito.

Agad na naalimpungatan ang lalaki dahil sa ginawa ni Jamaica at nabungaran ang humahalakhak na mukha ng dalawang vlogger na hindi niya nagustuhan.

Napamura pa ito bago sila sinigawan. “Sa tingin n’yo ba nakakatuwa ’yang ginagawa n’yo sa mga tao?!” galit na anas ng lalaki sa dalawa.

“Sorry, kuya. Nagba-vlog lang naman po kami. Mag-hi ka sa camera, o!” animo walang pakialam na sagot naman ni Jamaica na tila hindi naiintindihang mali ang ginagawa niya.

Ang totoo kasi ay makailang ulit nang nasita, nasigawan at inaway ng mga biktima nila sina Jamaica at Jesi dahil madalas sa content ng kanilang vlog ay hindi nakakatuwa. Ganoon pa man ay wala namang ni isa sa mga ito ang nagbigay sa kanila ng matinding leksyon kaya naman nasanay silang huwag na lamang magpaapekto sa galit ng mga tao. Para sa kanila ay katuwaan lang naman ito.

“Anong vlog? Sa tingin n’yo ba magandang gawing content ’to? Nakakaistorbo kayo ng mga tao. Nakakainit kayo ng ulo, ’tapos sasabihin n’yo, para lang naman ’to sa vlog?!” Napahilamos pa sa sarili ang lalaki.

“Ang arte mo naman, kuya. Sabing vlog lang, e. KJ!” komento naman ni Jesi. “Akala mo naman kung sino kang mayaman, e, rider ka lang naman.”

Dahil doon ay lalong napikon ang lalaki. Dinukot nito mula sa kaniyang bulsa ang telepono nito at nagsimulang makipagtawagan. Dahil doon ay naisipan nang tumakas nina Jamaica at Jesi, ngunit bago pa man sila makatakbo ay dalawang nakamotor na mga awtoridad na ang humarang sa kanila at iniimbitahan na sila sa presinto!

“Public disturbance ’yang ginagawa n’yo, hindi n’yo ba alam ’yon?” tanong ng mga pulis sa kanila na agad namang ikinanginig ng tuhod ng dalawa.

“P-po? E, nakaharang naman po kasi ’tong rider na ’to sa daan. Hindi po ba at bawal din ’yon?” paghahanap pa ni Jamaica ng butas ngunit sinagot lang siya ng pulis ng isang iling.

“Papaanong magiging bawal, e, ’yang rider na tinutukoy mo ay siyang may-ari ng lugar na kinalalagyan ng motorsiko niya! Siya si Attorney Buenafe na siyang napili n’yong biktimahin sa ‘prank’ n’yong hindi naman nakakatuwa. Ngayon ay sinisigurado ko sa inyong madadala kayo sa paggawa ng mga kalokohan n’yo.”

Sa narinig ay nanlaki ang mga mata nina Jamaica at Jesi. Hindi sila makapaniwala na ang napili pa pala nilang biktimahin sa kanilang prank ay isang abogado! Dahil doon ay timbog sina Jamaica at Jesi at ngayon ay magpapalipas sila ng gabi sa selda.

Nang malaman iyon ng kanilang mga followers sa iba’t ibang social media account ay nagsimula na rin silang i-unfollow ng mga ito. Masiyado na kasing naging sobra ang kanilang mga prank na pati ang isang propesyonal ay nagawa nilang idamay dito. Ngayon ay siguradong titigil na ang dalawa sa kanilang ginagawa dahil wala na rin namang manunuod ng kanilang mga vlog na nakakaperwisyo lang sa iba.

Kalaunan ay talagang wala nang nanunuod sa kanilang mga videos kaya naman dahil doon ay napilitan na lang sila na maghanap ng marangal na trabaho. Sa isang iglap ay nawalan ng saysay ang lahat ng kanilang mga pinaghirapan dahil lang sa isang maling hakbang na hindi nila inisip ang magiging resulta. Isang malaking leksyon ito para sa kanila.

More Stories