Inday TrendingInday Trending
Sa Ilang Beses na Pinautang ng Babaeng Ito ang Matalik na Kaibigan ay Hindi Nito Nagawang Magbayad, At Ito Pa ang Nagalit nang Tanggihan Niya

Sa Ilang Beses na Pinautang ng Babaeng Ito ang Matalik na Kaibigan ay Hindi Nito Nagawang Magbayad, At Ito Pa ang Nagalit nang Tanggihan Niya

“Bes pautangin mo naman ako parang-awa mo na. May sakit kasi si mama kailangan lang niya ng panggamot,” nagmamakaawang-tinig ni Marla. Naaawang hinawakan naman ni Karen ang kamay ng kaibigan, “Hindi mo na kailangang magmakaawa, bes. Papahiramin naman kita.” Parehong estudyante palang ang magkaibigan. Pero simula noon ay si Karen na ang palaging takbuhan ni Marla. Iba-iba na rin ang naging dahilan nito sa pangungutang. Noong una’y allowance, sumunod ay ang tuition fee pa mismo nito at hindi niya na halos matandaan ang mga dahilan ng naging sunod-sunod na pangungutang nito. Hanggang sa makagraduate sila ng kolehiyo ay naging “thank you” nalang at “promise, babayaran kita” ang karamihan sa bayad ng kaibigan. Ngunit hindi pa doon nagtatapos ang lahat. Dahil nauna siyang magkatrabaho ay hindi pa rin siya nakaligtas sa pangungutang ng matalik na kaibigan. Hindi niya alam kung bakit, pero tila nahihipnotismo siya sa maamong mukha ng kaibigan. Hindi niya mapigilan ang sariling pautangin ito dahil sa awa. “May sakit kasi si mama…” “Si Totoy kailangan paospital…” “Nakagat si Nene ng aso…” Kaya naman pati siya ay kinagat na ang mga dahilan nito at patuloy pa rin sa pagpapahiram sa kaibigan. Mabuti nalang at maganda ang trabaho niya, maganda ang pasahod at sa huli’y naipadala pa siya sa Guam, USA upang doon madestino ng trabaho. Naisip niyang sigurong nasa malayo na siya ngayon ay tatantanan na siya ng pangungutang ng kaibigan. “Bes, pautangin mo naman ako.” Napanganga nalang si Karen sa chat ni Marla sa Facebook, “Hanggang dito ba naman?” Napagdesiyunan niyang tanggihan na ito. Sa hirap kasi ng inaabot niya sa pagtatrabaho sa ibang lahi ay hindi na biro ang mamigay nalang siya ng pera. Bawat sentimo ngayon na pinaghihirapan niya ay tinitipid niya na. “Pasensya na bes, medyo gipit ako ngayon eh. Di muna kita mapapahiram.” Nakita niyang agad nitong na-seen ang message at nagta-type na rin ng reply, “Okay ‘di naman ako umaasang pauutangin mo. Mataas ka na nga pala ngayon, nasa abroad ka na.” Nagulat siya sa sinabi nito. Pero sinubukan niya pa ring magpakumbaba, “Sorry talaga ah. Next time kapag nakaluwag-luwag ako, hindi na kita pahihindian.” “Huwag na ‘di bale nalang. Saksak mo sa baga mo ‘yang dollars mo. Para lang sa dolyar, pinakita mo totoong ugali mo. Madamot!” Doon na napuno si Karen, “Ako pa talaga ang madamot, Marla? Ilang taon kong tiniis ang panghuhuthot mo sa akin ng pera. Sa singkwentang beses ‘ata na pangungutang mo sa akin, dalawang beses ka lang nagbayad.” Hindi na siya sinagot nito, sa halip ay parang ininsulto pa siya nang sumagot ito ng “OK. Hahaha”. Hindi niya lubos maisip na kayang itapon ng kaibigan ang pinagsamahan nila dahil hindi lamang niya ito napagbigyan. “Siguro nga ito na ‘yung sign ni God para tapusin ko na pagiging martir kong kaibigan sayo. Sayang, totoo pa naman lahat ng kabutihang pinakita ko sayo. Pero sa tingin ko dito na natatapos ang lahat. Magsumikap ka bes, para ‘di ka palaging nakaasa sa iba.” Matapos noon ay binlock niya na ang kaibigan. At wala na ring narinig na balita tungkol dito. Lumipas ang maraming taon na hinintay niyang humingi ito ng tawad sa kanya. Pero tila isa itong bato. Napakasakit maisip na ginamit lamang siya nito sa pansariling kapakanan. Hindi siya nito tinuring na matalik na kaibigan. Ang karanasan na ito ay ginamit niya upang mas magsumikap sa buhay. Ayaw niyang maging katulad nito. Hindi siya aasa sa ibang tao upang mabuhay. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement