Inday TrendingInday Trending
Kahit Labis na Nagmamakaawa, Hindi Pinautang ng Matanda ang Nanay na Agaw Buhay ang Anak, Ilang Sandali Lamang ay Nag-iba ang Ihip ng Hangin

Kahit Labis na Nagmamakaawa, Hindi Pinautang ng Matanda ang Nanay na Agaw Buhay ang Anak, Ilang Sandali Lamang ay Nag-iba ang Ihip ng Hangin

“Wala akong pera sa iba ka na mangutang!” Narinig na naman ng mga kapitbahay ang masungit na tinig ni Aling Lily. Kilala itong nagpapautang ngunit piling-pili lamang ang pinapautang nito. Sisiguraduhin niya munang may trabaho at may pambayad ang sinumang papahiramin niya ng pera. Ngunit kahit na ganoon, ay sumusubok pa rin ang mga taong gipit na umutang sa ginang. Tulad na lamang ni Jelly na nawalan ng trabaho at nagkasakit ang anak. Kaya napilitang manghiram ng pera kay Aling Lily. “Sige na naman po, Aling Lily. Isang libo lang po ang kailangan ko. Kailangan na po talagang ipa-confine ng panganay ko. Dengue po ang sakit niya kaya parang-awa niyo na po. Babayaran ko rin po sa katapusan,” umiiyak na ang ina kasama ang bunso nitong anak. “Katapusan? Kailan kaya ‘yun? Katapusan ng mundo?” pangungutya pa ng matanda. Halos lumuhod na si Jelly sa pagmamakaawa kay Aling Lily pero tila kasing-tigas ng bato ang puso ng matanda kaya naman hindi talaga nito magawang maawa sa mag-inang nasa harapan niya. “Sa iba ka nalang mangutang Jelly. Alam mo naman na ang kaisa-isang patakaran ko sa negosyong ito ay papahiramin ko lamang ang mga taong may kakayahang mangutang.” Iyak na nang iyak si Jelly. Bilang isang ina ay lahat gagawin niya upang mailigtas ang kanyang anak. Lahat na kasi ay nasubukan niyang hiraman pero isa lamang sa mga inutangan niya ang nagawang magpahiram sa kanya. Ngunit kakarampot na 300 pesos lamang ang napahiram sa kanya. Kulang pa iyon pamibili ng gamot ng anak. Matagal nang yumao ang kanyang asawa at kakatanggal lang din niya sa trabaho dahil end of contract na siya. Hindi niya magawang makapag-apply dahil walang magbabantay sa anak niyang may sakit. “Pagbigyan niyo na po ako kahit isang beses lang Aling Lily. Gagawin ko po lahat ng gusto niyo. Kung hindi po ako makabayad, ipa-baranggay niyo po ako.” Umiling ang matanda, “Nakakaawa ka. Tignan mo nga ‘yang itsura mo. Alam mo, kung meron lang talaaga akong cash ngayon ay naibigay ko na sayo,” pagsisinungaling pa ng matanda. Kahit piso ay ayaw niyang isugal sa babaeng walang trabaho, “Kaso nahiram na ni Pedro ‘yung huling sentimo ko. Sige na umalis na kayo.” Lugmok na tumayo si Jelly. Papaalis na sila nang maramdaman niyang hinila ng anak ang damit niya, “Teka lang po, mama.” May dinampot ang bata, “Sa inyo po ba ito?” Nanlaki ang mga mata ng matanda ng makitang hawak ng bata ang bukas na bag niya, andun lahat ng mga pera niya! “Nalaglag niyo po, lola.” Napatikhim ang matanda at simpleng tumingin sa mag-ina. Tila nahiya ito bigla. May kirot na sumiil sa puso ni Jelly. Pero hinayaan niya nalang iyon at tinalikuran na si Aling Lily. “Huwag kang mag-alala anak, gagaling si kuya mo. Gagawa si mama ng paraan. Kahit ano gagawin ko, gumaling lang siya.” Buong akala ni jelly na magbabago pa ang isip ng matanda nang mahuli nila itong nagsisinungaling. Ngunit laking panlulumo niya nang talikuran sila ng matanda. Tila wala itong narinig sa mga pagsusumamo niya. Sarado ang isip nito at napakatigas ng puso. Umalis na lamang sila mag-ina at dahil sa kawalan ng pera, naglakad na lamang sila papalayo sa marangyang tahanan ni Aling Lily. Napadaan sila sa isang bukas na simbahan. Niyaya ni Jelly ang anak na magdasal kasama niya. Umiiyak na nagsusumamo si Jelly habang nagdadasal. Gusto na niyang matapos ang malaking problema na ito. Gusto na niyang gumaling ang anak at maiuwi na ito sa bahay. Gusto na niyang maging masigla muli ang bata upang makapaglaro at makapag-aral tulad ng ibang mga bata. Hanggang sa may humawak sa likod niya… si Aling Lily. “Tanggapin mo na ito, Jelly. Hindi ako matahimik nang umalis kayong mag-ina. Pasensya ka na at nagpakain ako sa kinang ng pera. Mas kailangan ito ng anak. Lumakad ka na, ipagamot mo na ang anak mo at baka mapano pa iyon.” Agad palang inutusan ng matanda ang driver na ipagmaneho siya at sundan ang mag-ina. Mas naantig daw ang puso nito nang makitang sa simbahan sila pumasok. “Madalas akong magsimba. Buwan buwan akong nagbibigay sa simbahan na ito kahit hindi ko nalalaman kung saan napupunta ang perang ibinibigay ko,” pag-amin ng matanda. “Ngayon ay malinaw sa akin na sa mabuti mapupunta ang perang ito. Wag mo nang bayaran. Sagot ko na ang gastusin.” Sa huling mga salita ng matanda napa-iyak si Jelly at agad na humarap siya sa altar ng simbahan upang magpasalamat. Ilang segundo pa lamang siyang nagdarasal ay dininig na kaagad ng Panginoon ang panalangin niya. At ang higit sa lahat, nalaman ni Jelly na mabuting tao si Aling Lily. Sadyang maingat lamang ito sa perang pag-aari niya. Mali ang naririnig niyang chismis tungkol dito at handa siyang linisin ang pangalan ng matanda sa lahat ng taong kilala niya na walang habas na hinuhusgahan ang pagkatao nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement