Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Lalaking Ito na Beki ang Kaniyang Kapatid; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Kaniyang Isip

Hindi Matanggap ng Lalaking Ito na Beki ang Kaniyang Kapatid; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Kaniyang Isip

Napapalatak na lamang si Harry habang iiling-iling, pagkababang-pagkababa pa lamang niya sa hagdanan galing sa kaniyang silid. Paano’y naabutan na naman niya ang kapatid na si Dante habang nakaharap sa salamin at naglalagay ng kolorete sa mukha.

“Kalalaking tao, nagpipintura ng mukha,” hindi maiwasang parinig ni Harry sa kapatid na si Dante na bagaman lumingon sa kaniya ay mabilis na nagbawi muli ng tingin.

“Si kuya, bad trip na naman. Huwag ka laging nakasimangot, sayang ang kaguwapuhan,” ngunit imbes ay pabirong tugon lamang sa kaniya ni Dante na lalo namang nakapagpainit ng kaniyang ulo.

Hindi naman siya sumagot, bagkus ay umiwas na lamang at lumabas ng bahay. Ayaw niyang makita ang mukha nito, dahil naiinis lamang siya.

Hindi matanggap ni Harry ang kinahinatnan ng kapatid. Noon pa man ay may naikikita na siyang senyales na may pusong mamon ang ang kapatid niyang ito, ngunit pinili niya iyong balewalain. Hindi niya naman akalain na sa kaniyang pag-uwi galing sa ibang bansa ay ganito na ang aabutan niyang sitwasyon. Hindi niya akalaing magagawang magladlad ni Dante, sa kabila ng pagiging kimi at mahiyain nito noon.

Samantala, napabuntong hininga na lang si Dante pagkalabas ng kaniyang kuya. Hanggang ngayon ay alam niyang hindi pa rin natatanggap nito ang kaniyang pagkatao. Hindi niya alam kung ano ang gagawin upang patunayan sa kapatid ang kaniyang sarili, lalo pa at hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya rito.

Dahil doon ay naisipan niyang bumukod. Gusto niyang tumayo sa sariling paa. Gusto niyang ipakita sa kaniyang Kuya Harry na kaya niyang maging matatag kahit pa malambot at lalamya-lamya siyang kumilos.

Ngunit hindi naging ganoon kadali ang pagsabak ni Dante sa bagong yugto ng kaniyang buhay. Hindi pa kasi siya tapos sa pag-aaral kaya naman kinakailangan niyang i-adjust ang kaniyang oras upang makapagtrabaho. Paano kasi, magmula nang siya ay umalis sa bahay ng kaniyang Kuya Harry ay pinutol na rin nito ang lahat ng suporta sa kaniya. Sa paglipas ng panahon, kahit papaano ay nasanay naman si Dante sa kaniyang buhay. Kalaunan ay naging madali na rin sa kaniya ang lahat.

Hanggang sa dumating ang araw na nakapagtapos na si Dante ng pag-aaral, sa wakas. Hindi lang basta naka-graduate dahil nagtapos siyang nagkakamit ng parangal! Dahil doon ay mabilis siyang nakahanap ng magandang trabaho na talagang ikinagulat ni Harry.

Hindi niya akalaing kakayanin ng kapatid niya na mamuhay nang mag-isa. Bukod doon ay nakikita rin niyang naging maganda at maayos ang naging buhay nito pagkatapos nitong magsumikap.

Ngunit ganoon pa man ay pilit pa rin itong tinikis ni Harry. Itinago niya ang namumuong paghanga sa kapatid dahil lamang talagang hindi niya matanggap ang pinili nitong pagkatao.

Lumipas pa ang ilang taon at nanatiling malamig ang pakikkitungo ni Harry kay Dante, lalo na nang unti-unti siyang makaramdam ng hindi maganda sa kaniyang katawan. Nang siya ay magpasuri sa doktor ay lumalabas na mayroon siyang malubhang sakit… at hindi iyon agad na natanggap ni Harry.

Labis na ikinalungkot ni Harry ang nalaman. Dahil doon ay nagsimula siyang maging bugnutin na siyang lalo namang naging dahilan upang palagi niyang pag-initan ang kapatid na si Dante.

Ngunit ganoon pa man, kailan man ay hindi siya sinukuan ng kapatid. Nanatili ito sa kaniyang tabi magmula nang siya ay magkasakit kahit pa halos araw-araw ay puro pang-iinsulto na lamang ang natatanggap nito sa kaniya.

Kahit pa hanggang sa unti-unti na talagang bumagsak ang katawan ni Harry at dumating sa puntong hindi na niya kayang kumilos nang mag-isa ay nanatiling matatag at hindi sumusuko si Dante para sa kaniya. Doon, sa wakas ay nakita na ni Harry ang bagay na dati ay hindi niya mapansin kay Dante.

May pusong mamon nga ang kaniyang kapatid ngunit ang pusong iyon ay punong-puno ng pagmamahal sa kapwa. Kailan man ay hindi ito naging sakit ng ulo niya o ng kanilang mga magulang dahil si Dante ay marunong magpahalaga ng paghihirap ng iba. Kung tutuusin ay mas naging lalaki pa nga ito kaysa sa kaniya dahil kaya nitong harapin nang buong tapang ang katotohanang siya ay naiiba sa kabila ng kawalan niya rito ng suporta… at higit sa lahat ay hindi ito nagtanim ng galit sa kaniya anuman ang nagawa niya noon.

Dahil doon ay humingi ng tawad si Harry sa kapatid. Pinagsisihan niya ang lahat ng kaniyang ginawa at ipinangakong babawi siya sa kapatid kapag siya ay gumaling na. Ngayon ay may rason na si Harry upang patuloy na lumaban sa kaniyang sakit. Patuloy naman ang pagsuporta at pag-aalaga ni Dante sa kaniya at nangako pang hindi siya nito iiwan at pababayaan anuman ang mangyari.

Advertisement