Inday TrendingInday Trending
Pakiramdam ng Babae ay ‘Napakahaba ng Buhok’ Niya dahil Pinag-aagawan Siya ng Dalawang Lalaki; Kapahamakan pala ang Dala Nito sa Kanila

Pakiramdam ng Babae ay ‘Napakahaba ng Buhok’ Niya dahil Pinag-aagawan Siya ng Dalawang Lalaki; Kapahamakan pala ang Dala Nito sa Kanila

Nasa kalagitnaan ng masayang inuman sina Celine, kasama ang kaniyang mga kabarkada, nang dumating ang bagong manliligaw niyang si Aaron. Pinapunta kasi ito ni Celine upang maipakilala sa kaniyang mga kaibigan.

“Guys, si Aaron nga pala, manliligaw ko,” nakangiti pang pakilala ng dalaga na halatang tinablan na ng espirito ng alak. Namumula na kasi ang kaniyang mukha at bahagya na siyang nabubulol sa pagsasalita.

Bakas naman ang biglang pagkagulat sa mukha ng kaniyang mga kabarkada. Nagkatinginan pa nga ang mga ito dahil sa pagtataka. Ang alam kasi nila ay may nobyo na si Celine. Tatlong buwan pa lamang ang lumilipas simula nang sagutin nito si Gio!

“Ano’ng ibig sabihin nito, Celine? Break na ba kayo ni Gio?” hindi napigilang tanong ng isa sa mga kaibigan ni Celine sa kaniya na agad namang ikinainis ng dalaga lalo na nang makita niyang biglang kumunot ang noo ng kaniyang guwapong manliligaw.

“Napakaingay naman ng bunganga mo, mars!” sita niya sa kaibigan habang nakangiwi bago bumaling kay Aaron na ngayon ay halatang nalilito na. “Huwag mong intindihin ’yon, Aaron, niloloko ka lang n’yan,” baling naman niya sa kaniyang manliligaw na si Aaron at akmang kukunin ang kamay nito nang bigla nito ’yong bawiin. Pakiramdam ni Celine ay napakahaba ng buhok niya dahil sa nakikitang pagseselos sa hitsura ni Aaron ngayon. Gustong-gusto niyang pinag-aagawan siya ng mga lalaki!

“Bakit hindi mo sinabi sa ’kin na may boyfriend ka pala, Celine?” Bakas ang pagkadismaya sa tinig ni Aaron nang magtanong ito sa kaniya.

“Huwag mo na ngang intindihin ’yon, halika na sa loob. Mag-inuman na tayo,” ngunit patuloy pa ring giit ng lasing nang si Celine. Hawak niya ang kamay ni Aaron at pilit na hinihila papasok sa kanilang bahay. Nang hindi magawang pilitin ang binata ay idinikit na lamang ni Celine ang kaniyang katawan dito upang akitin si Aaron, nang sa ganoon ay pagbigyan siya nito sa kaniyang gusto.

Nasa ganoong posisyon ang dalawa nang isang pamilyar na tinig ang tumawag sa pangalan ni Celine…

“Ano’ng ibig sabihin nito, Celine?!” galit na tanong ng nobyo niyang si Gio na naabutan ang pagiging malapit nila ni Aaron sa isa’t isa.

Halatang ikinagulat ni Celine ang biglaang pagdating ng kaniyang nobyo. Bigla siyang napabitiw kay Aaron at utal na nasambit ang pangalan nito. “G-Gio!”

“Tinatanong kita, Celine! Sino ang lalaking ’yan at bakit ka nakayakap sa kaniya?!” muli ay tanong nito na nagpapitlag sa dalaga.

“Manliligaw niya ako, pare. Pasensya ka na, hindi ko alam na may nobyo na siya.” Si Aaron na ang sumalo sa kaniyang tanong dahil hindi na alam ni Celine kung ano ang gagawin. “Aalis na lang ako. Pasensiya na ulit,” pagpapakumbaba pa ng binata, ngunit tila hindi iyon naging sapat para kay Gio.

“At sino’ng may sabi sa ’yo na paaalisin kita rito nang ganoon na lang?!”

Galit na nilapitan pa ni Gio ang nagpapakumbaba na ngang binata. Marahas niyang kwinelyuhan ang kaniyang karibal sa kabila ng pag-awat sa kaniya ni Celine.

“Pare, ayaw ko ng gulo. Sinabi ko na sa ’yo na hindi ko naman alam na may nobyo pala si Celine. Wala naman siyang sinabi sa akin,” muli ay mahinahon pa ring paliwanag ni Aaron, ngunit lalo lamang ikinagalit ni Gio ang kaniyang sinabi.

“So, kasalanan pa ng girlfriend ko?!” Bigla niyang inundayan ng malakas na suntok si Aaron! Pagkatapos ay hindi pa siya nakuntento roon dahil muli niya itong sinugod at sinakal sa leeg!

Dahil doon ay hindi na rin naman nakapagpigil si Aaron na kanina pa napipikon kay Gio. Ilang beses na siyang nagpaliwanag ngunit hindi pa rin ito kumakalma, kaya naman upang maipagtanggol ang sarili ay gumanti na siya!

Isang suntok ang pinakawalan ni Aaron at agad ’yong tumama sa mukha ng kalaban. Hindi naman sinasadyang napasama ang talsik ni Gio dahil tumama ang kaniyang ulo sa kanto ng isang mababang poste!

Pumutok ang ulo ni Gio at agad na dumaloy doon ang masagana nitong dugo. Mabilis din itong nawalan ng malay kaya naman nataranta na ang lahat, lalo na si Celine!

Bagama’t kalaunan ay nakaligtas si Gio sa tiyak na kapahamakan ay umani pa rin ng galit si Celine mula sa pamilya nito. Hindi rin nila nagawang ipakulong si Aaron dahil lumabas sa imbestigasyon na self-defense naman ang nangyari.

Si Celine ang siyang pinakanaputukan ng sisi, dahil totoo namang siya ang pinag-umpisahan ng lahat. Kung natuto lamang siyang makuntento sa isa, edi sana’y walang nangyaring sakitan sa pagitan ng dalawang binata. Tuloy, ngayon ay wala na halos gustong manligaw sa kaniya. Nilalayuan na siya ng lahat, ultimo ng kaniyang mga kabarkada.

Advertisement