Inday TrendingInday Trending
Malaki ang Pagkukulang ng Ginang sa Kaniyang Binatang Anak; Pagtakpan Kaya Niya Ito Kung Nakagawa Ito ng Matinding Kasalanan?

Malaki ang Pagkukulang ng Ginang sa Kaniyang Binatang Anak; Pagtakpan Kaya Niya Ito Kung Nakagawa Ito ng Matinding Kasalanan?

“Anak, saan ka na naman ba pupunta? Kumain ka muna. Ipinagluto kita ng paborito mong tapsilog…”

Sa halip na lingunin siya ng anak na si Joel, 25 taong gulang, ay binulyawan pa siya nito.

“Wala kang pakialam kung saan ako pupunta. Hindi na ako bata para panghimasukan mo pa, aalis ako sa ayaw mo o sa gusto,” nanlilisik ang mga mata na sagot ni Joel.

Napaatras si Aling Diomed nang makita ang namumula at nanlilisik na mga mata ng anak.

Palagay niya, lango na naman ito sa ipinagbabawal na gamot.

“O-Oo sige anak, mamaya mo na lang kainin ito, itatabi ko na lang. Sige na, ingat ka…”

Ni hindi pa nga niya tinatapos ang kaniyang pahayag ay walang lingon-likod na itong lumarga palabas ng bahay, isinuot ang itim na jacket at itim na sumbrero.

Napaupo na lamang si Aling Diomed. Para siyang nanghihina.

“Ano’ng nangyari sa iyo, Joel anak…”

Kinuha ni Aling Diomed ang picture frame na kinalalagyan ng larawan ng kaniyang nasirang mister na si Mang Fidel.

“Fidel… hindi naman ako nagkulang sa pagpapalaki sa ating anak. Bakit siya nagkaganyan? Bakit siya napariwara?”

Naaalala pa ni Aling Diomed kung paano niya mag-isang itinaguyod si Joel nang mawala ang kaniyang mister. 10 taong gulang pa lamang noon ang anak.

Kumuha siya ng yaya na mag-aalaga kay Joel upang makapagtrabaho siya sa isang pabrika ng mga sabong panlaba at fabric conditioner. Halos ginawa niyang araw ang gabi. Doble-kayod.

Aminado naman siyang sa kakatrabaho, nawalan siya ng panahon sa anak. Kaya bilang pambawi, ibinigay niya ang lahat ng mga kagamitang hiniling nito: magmula sa mga laruan, damit, at gadgets. Uso pa noon ang family computer video game.

Ngunit kay bilis ng panahon. Sa labis na kaabalahan ni Aling Diomed sa kaniyang trabaho, hindi niya namamalayang nagbibinata na pala si Joel.

Hindi siya ang kasama nito nang magpatu*li ito.

Hindi niya alam na pinapatawag na pala siya sa paaralan dahil nagiging basagulero na raw ito.

Si Yaya Medel ang nakaalam na napapasama na sa masamang barkada ang alaga, masamang impluwensya, dahil gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot.

Saka lamang siya naalarma nang isang araw, magpaalam si Yaya Medel na aalis na. Kailangan daw nitong bumalik sa probinsya upang alagaan ang inang maysakit.

Nang sinimulan na niyang magpaka-ina kay Joel, malayong-malayo na ang loob nito sa kaniya.

May kung ilang beses na siya nitong binulyawan at inambahan ng suntok.

Tulirong-tuliro na si Aling Diomed. Gusto niyang mapagbago ang anak.

Nakatulugan ni Aling Diomed ang pag-iisip sa kaniyang mga alalahanin hinggil kay Joel.

Mga bandang 4:00 ng madaling-araw, naalimpungatan siya sa malakas na kalabog ng kanilang tarangkahan. Bumukas ang pinto. Si Joel. Humahangos. Tila hindi mapakali. May pinagtataguan.

Napatayo si Aling Diomed.

“Joel? Anong nangyari? Bakit ka natataranta?”

“Kapag may naghanap sa akin sabihin ninyo wala ako, wala ako!” sabi nito, parang nasisiraan ng bait. Nakahawak sa magkabilang tenga.

Maya-maya, sirena ng mobil ng pulis ang umalingawngaw.

“Tao po… tao po…”

Lumabas si Aling Diomed. Hinarap niya ang mga pulis.

“Dito ho ba nakatira si Joel Santos?” tanong ng pulis.

“D-Dito nga ho… b-bakit ho?” kinakabahang tanong.

Inilahad ng pulis ang isang papel. Warrant of arrest.

“Inaaresto po namin siya sa salang pagtatangkang pananamantala sa isang babae, gayundin ho, nahulihan po namin siyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.”

Walang nagawa si Aling Diomed kung hindi ang mapaiyak nang tuluyang pumasok ang mga pulis sa loob ng kanilang bahay. Nasukol si Joel. Binasahan ng Miranda Rights.

“’Ma… ipagtanggol mo naman ako sa kanila… wala akong kasalanan… ‘ma… magpaka-ina ka naman sa akin!” lumuluhang sumbat ni Joel kay Aling Diomed.

“Anak, may legal na proseso ang lahat, kukuha tayo ng abogado, hindi kita pababayaan.”

Hindi niya matitiis na makita ang anak na sa piitan.

Walang sinumang magulang ang gustong makita ang anak nilang walang kalayaan.

Matapos ang ilang buwang paglilitis…

“This court has proven that Joel Santos is guilty!”

30 taong pagkakakulong…

Natulala si Aling Diomed. Sa umpisa pa lamang, alam niyang matatalo ang anak. Alam niya sa sarili niyang may kasalanan talaga si Joel.

Na nakagawa ito ng kr*men.

Naalala niya noong bata pa si Joel, lagi itong napapaaway sa mga kalaro niyang kapitbahay. Kapag nagsusumbong ito kay Yaya Medel, talagang halos sugurin niya ang mga batang iyon. Kinakausap niya ang mga magulang na pagsabihan ang mga anak nila.

“Eh Ma’am, si Joel naman po kasi talaga yata ang nangunguna,” napapakamot na lamang sa ulong laging sasabihin ni Yaya Medel.

Ngayon, hindi na niya magagawa iyon kay Joel.

“Pinabayaan mo ‘ko, ‘Ma. Kahit noon pa. Simula noong nawala si Papa, wala ka nang ibang ginawa kung hindi magtrabaho. Ngayon, pinabayaan mo ‘kong masadlak sa sitwasyong ito,” sumbat ni Joel nang dalawin siya ni Aling Diomed.

“Mali ka, Joel. Hindi kita pinabayaan. Hindi kita hinayaang masadlak sa sitwasyon na iyan dahil hindi kita mahal. Anak… mahal na mahal kita… kaya gusto kong magbago ka. Lahat ginawa ko para sa iyo, anak… kahit ito na lang, anak… sana maituwid mo pa ang buhay mo…” humihikbing paliwanag ni Aling Diomed.

At nakuha ni Aling Diomed ang ‘di-inaasahang yakap mula sa takot na takot na anak na si Joel.

“Nakakatakot, ‘Ma… pero para sa iyo, gagawin ko…”

At nabalitaan ni Aling Diomed na isa raw sa mga mababait na preso sa loob si Joel, kaya naman tuwang-tuwa siya. Hindi rin siya nagmimintis na dalawin ito, pagdalhan ng mga paborito nitong pagkain at mga pangangailangan nito.

Kung kailan sila nagkalayo, saka naman sila nagkalapit.

Hindi alam ni Aling Diomed kung buhay pa ba siya pagkatapos ng 30 taon at makalaya na si Joel, subalit alam niyang masaya siyang naituwid ng anak niya ang sarili nitong buhay, sa likod ng mga rehas na bakal.

Advertisement