Inday TrendingInday Trending
Kakaiba ang Bago Niyang Kapitbahay; Ano nga ba ang Kwento Kung Bakit Tila Takot na Takot Ito sa Tao?

Kakaiba ang Bago Niyang Kapitbahay; Ano nga ba ang Kwento Kung Bakit Tila Takot na Takot Ito sa Tao?

Dinampot ni Rainier ang nahulog na pinamili ng naglalakad na babae sa unahan niya. Kitang-kita niya na hirap itong buhatin ang dala nitong grocery.

“‘Miss! Sandali!” tawag niya rito para ibalik sana ang nahulog nitong plastik ng prutas.

Imbes na huminto at lingunin siya, mas lalong bumilis ang paglalakad ng babae.

Nagtaka siya. Hindi ba siya nito narinig? Wala siyang magawa kundi bilisan din ang lakad.

“Miss, sandali lang!”

Tinawag niya ito ng ilang beses. Tila narinig siya ng babae dahil lumingon ito sandali. Ngunit ang pinagtataka niya ay kung bakit tila mas lalo pa itong nagmadali imbes na huminto.

Gulong-gulo siya sa inakto nito, lalo na nang pumasok ito sa loob ng apartment building kung saan din siya nakatira. Dire-diretso ito sa hagdan at umakyat pataas.

Humihingal man ay sinundan niya rin ito pataas.

Nang makita siya ng babae na nakasunod pa rin ay halos kumaripas ito ng takbo.

Nauubusan na siya ng pasensya dahil nakakapagod umakyat at alam naman niyang naririnig siya nito, hindi lang siya pinapansin.

“Miss! Miss! Sandali lang! Naiwan mo ‘to!” inis na muling sigaw niya.

Binilisan niya ang takbo hanggang sa makahabol sa babae. Nang makaharap ito ay kita niya ang takot sa mukha nito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon kahit wala naman siyang ginagawang masama.

“Ayos ka lang ba?” takang tanong niya dahil tila ito takot na takot.

Hindi ito sumagot, nanatili ang tingin nito sa sahig bago hinablot ang plastik na hawak niya. Matapos iyon ay walang lingon-likod itong umalis.

Napakamot na lang siya sa batok dahil sa kakaibang asta nito.

“Hindi man lang nagpasalamat. Ang layo-layo ng tinakbo ko,” asar na bulong niya.

“O, anong problema, Rainier? Bakit bulong ka nang bulong diyan?” tanong ni Aling Aida na siyang may-ari ng apartment na inuupahan. Nakasalubong niya ito habang pababa siya.

“May babae po kasing bagong lipat, medyo wirdo. Tinawag ko lang naman kasi may nahulog siya pero parang takot na takot sa akin. Wala naman akong ginagawang masama,” pagkukuwento niya.

Tumango ito.

“Naku, si Jane ‘yun? Nagkita na pala kayo. Oo, kakalipat niya lang kahapon. Sa totoo lang inaanak ko ‘yun,” anito.

Tumango siya.

“Pagpasensyahan mo na. Hindi naman siya ganoon dati, mabait na bata ‘yun. Hindi ko alam ang nangyari pero isang araw, bigla akong tinawagan dahil kailangan niya raw lumipat ng bahay sa lalong madaling panahon. Hindi naman nagkwento, kaya hindi ko alam ang istorya,” dagdag kwento pa nito bago nagpaalam sa kaniya.

Tunay na kakaiba nga ang bago niyang kapitbahay. Kahit na ilang beses niya itong subukang kausapin para magpakilala rito ay talagang umiiwas ito. Lagi ring nakasarado ang pintuan nito at hindi ito lumalabas ng bahay.

Minsan na niya itong kinatok para bigyan ng pagkain ngunit ito pa ang nagalit dahil ayaw raw nitong makipag-usap sa kahit na kanino. Pinilit niya ito at sa huli ay naipit pa siya sa pinto.

“Kung ayaw mo akong kausap e ‘di ‘wag. Bahala ka riyan!” inis na bulyaw niya mula sa labas ng pinto nito.

“Siguro may sayad,” sa isip-isip niya.

Pagod na siyang makipaglapit dito. Bahala ito kung ayaw nitong makipagkapwa-tao sa mga kapitbahay!

Ngunit isang gabi ay nagising siya dahil sa malakas na kalampag sa pinto niya.

“Tao po! Tao po! Tulong!”

Nang buksan niya ay tumambad si Jane na umiiyak at desperado na humihingi ng tulong.

“Anong problema?”

“May sumusunod sa aking lalaki! Tulungan mo ako, baka kung anong gawin niya sa akin!” iyak nito habang takot na nililingon ang lalaking papalapit.

Nakita ang lalaki na tinutukoy nito. Ilang segundo lang ay nakalapit na ito sa kanila.

“Anong problema? Bakit mo siya sinusundan? Kilala mo ba siya?” sita niya sa lalaki.

Kumunot ang noo nito.

“Hindi ko po siya sinusundan. Magde-deliver lang ho sana ako ng pagkain sa kabilang apartment. Pasensya na po Sir, Ma’am. Natakot ko ho ba kayo?” nakangiwing sagot nito.

Nakita niya na may dala nga ang lalaki na plastik ng mga pagkain. Mukhang tama naman ang sinasabi nito.

“Ayos lang. Sige, mag-deliver ka na. Pasensya na rin,” aniya sa lalaking nagde-deliver.

Nang makaalis ito ay hinarap niya si Jane na nagpupunas ng luha. Bakas pa rin ang takot sa mukha nito, ngunit mas lamang ang pagkapahiya.

“Ayos ka lang ba?” tanong n’ya sa babae.

Tumango ito at sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpasalamat ito sa kaniya.

“Pasensya na sa istorbo. Sadyang natakot lang ako. Ikaw lang naman ang medyo kakilala ko rito kaya wala akong ibang malapitan,” nahihiyang pahayag ng babae.

“Oo, ako lang kilala mo. Ako lang ang lagi mong sinusungitan,” panunukso niya rito.

Namula ang mukha nito sa hiya kaya agad niyang binawi ang sinabi.

Napaisip si Rainier. “Medyo kakaiba ka, pero sa tingin ko hindi naman masama ang ugali mo. Sigurado akong may rason kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon mo. Kung komportable ka pwede namang magkwento sa akin, makikinig ako,” alok niya.

Akala niya ay tatanggi ito kaya ikinagulat niya nang magsimula itong magkwento.

“Mayroon akong dating nobyo. Masaya naman kami noong una pero nung tumagal kami, naging abusado siya. Gusto niyang makipagt*lik sa akin kahit na ilang beses akong tumanggi, hanggang sa dumating sa punto na nanakit na siya nang pisikal. Nag-desisyon akong iwan na siya nang tuluyan pero isang gabi nagising na lang ako na may tao na nakapasok sa loob ng sarili kong bahay. May hawak siyang kutsilyo at alam kong may balak siyang masama sa’kin.”

Nanginig ang boses nito ngunit nagpatuloy ito sa pagkukuwento.

“Kung hindi raw ako magiging sa kaniya, mas mabuti pang mawala na ako sa mundong ito. Hindi ko alam kung paano ko siya natakasan noong gabing iyon pero mula noon, pakiramdam ko hindi na ako ligtas kahit na sa sariling bahay ko pa. Pakiramdam ko laging may nakasunod sa akin at may magtatangka sa aking buhay kahit na nga alam ko naman na nakakulong na siya ngayon.”

Hindi maiwasan ni Rainier na makaramdam ng awa kay Jane. Grabe pala ang trauma na pinagdaanan ng babae, kaya mabilis itong matakot.

Pasensya ka na talaga sa pang-iistorbo ko,” wika pa nito.

Ngumiti siya kay Jane at umiling.

“Ayos lang ‘yun. Salamat at nagtiwala ka sa akin at nagkwento. Mukhang mabigat dalhin ang karanasang ‘yan. Kung gusto mo, pwede mo akong katukin kahit na anong oras kapag pakiramdam mo’y hindi ka ligtas,” nakangiting alok niya sa dalaga.

Isang matamis na ngiti ang namutawi sa labi ng dalaga. Ilang beses itong nagpasalamat sa kaniya bago ito pumasok sa sarili nitong bahay.

Napabuntong-hininga si Rainier. Sising-sisi siya na hinusgahan n’ya ang pobre niyang kapitbahay.

Napagtanto niya kasi na hindi talaga natin masasabi kung gaano kabigat ang pinagdaanan ng mga tao base lang sa kung ano ang nakikita natin. Kaya naman wala tayong karapatan manghusga ng kahit na sino.

Advertisement