
Isang Nakagugulat na Bagay ang Natuklasan Niya sa Pagkatao ng Nobyo; Bakit Nga Ba Ito Naglihim sa Kaniya?
“Anak, tingnan mo ‘tong nasa balita! Dali!”
Nagmamadaling lumabas mula sa kaniyang kwarto si Denise nang marinig ang boses ng kaniyang ina.
“Ano ‘yun ‘Nay?” takang tanong niya.
“Halika! Nasa balita ang nobyo mong si Ryan! Aba’y anak pala siya ng isang senador? Alam mo ba ang tungkol dito?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang ina habang nakaturo sa TV kung saan nakapaskil ang larawan ni Ryan kasama ang isang sikat na senador.
Hindi siya nakasagot agad dahil maging siya ay gulat na gulat sa naririnig. Halos mabitiwan niya pa ang remote na hawak dahil sa sobrang tutok niya sa pinapanood. Parehong-pareho sila ng ina na walang kaalam-alam na iyon pala ang tunay na katauhan ng sariling nobyo.
Tulalang napailing siya bilang sagot sa tanong ng kaniyang ina.
“Opo, ‘Nay. Sa tingin niyo ano pa kaya ang dahilan ba’t hindi niya sinabi? Hindi naman po siguro dahil ikinahihiya niya na hindi ako kagaya niya na mayaman, ano?” Hindi niya na napigilang banggitin ang laman ng kaniyang isip.
Umiling ito.
“Hindi pa natin alam, pero alam kong mali ka ng iniisip, anak. Sa pagkakakilala ko sa nobyo mo, alam kong mabait siya at mahal ka niya. Halatang-halata naman. Hindi ka niya ikahihiya dahil lang sa mababaw na rason. Ang mabuti pa, tanungin mo mismo siya at ‘wag mo munang pangunahan.”
Tumango siya sa ina bago nag-umpisang mag-ayos ng sarili para pumasok sa eskwelahan nang araw na iyon.
Ngunit dahil sa nakakagulat na balita, hindi naging normal ang araw na iyon para sa kaniya lalo na’t kilala siya ng lahat bilang nobya ni Ryan. Mukhang marami rin ang nakapanood ng balita. Marami kasi ang nag-uusisa sa kaniya.
“Alam mo ba na mayaman si Ryan at anak ng pulitiko?”
Umiling siya. Ang hindi alam ng mga ito, pare-pareho lang silang nagulat sa balita.
“Malamang alam ni Denise! Baka nga sinagot niya si Ryan para humingi ng tulong sa pamilya niya ‘di ba?” narinig niyang komento ng isa sa mga kaklase nila.
Hindi niya matukoy kung sino ang nagbitaw ng pahayag na iyon, ngunit pinili niya pa ring sagutin ang patutsada. Marami rin kasing haka-haka ang naririnig niya sa mga bulungan.
“Hindi totoo ‘yan. Maski ako ay nagulat. Hinding-hindi ko gagamitin ang taong mahal ko para sa ganoong klaseng bagay,” malumanay niyang katwiran.
“Siguro hindi niya sinabi sa’yo kasi ‘di ba, mahirap ka lang? Baka kinahihiya ka ni Ryan sa ibang tao! Kasi hindi kayo magkauri,” muli ay litanya ng parehong boses. Hindi niya matukoy iyon dahil sa kumpulan ng tao.
Namasa ang mata niya dahil sa narinig. Kilala man niya ang kasintahan at alam niyang hindi ito ganoong klase ng tao, ngunit hindi niya maiwasang isipin na baka iyon nga talaga ang rason.
Hindi niya rin naman ito masisisi. Hindi kagaya nila, may reputasyon na inaalagaan sa publiko ang pamilya nito. Ano na lang ang masasabi ng mga tao kung malaman nilang nakikipagrelasyon ang anak nito sa isang mahirap na kagaya niya?
“Nasaan ka? Magkita tayo.” Iyon ang mensaheng ipinadala niya sa nobyo.
Pumayag naman ito na makipag-kita sa kaniya, mag-iingat na lamang daw sila sa mata ng publiko.
“Ayos ka lang ba? Pasensya ka na at nadamay ka pa sa problema namin,” anito nang magkita sila. Halata sa gwapong mukha nito ang pag-aalala.
Tumango siya. Ayaw niya kasing dumagdag pa sa problema nito, ngunit gusto niya ring malinawan.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol sa pamilya mo? Tatlong taon na tayong magkasintahan. Wala ka bang tiwala sa akin? O baka naman dahil mahirap lang ako at iniisip mo na peperahan kita?” nagtatampo at walang paligoy-ligoy niyang usisa sa lalaki.
Kitang-kita niya ang gulat sa mukha nito dahil sa sinabi niya.
“Mahal, saan mo naman narinig ‘yan?” nanlalaki ang matang turan nito.
Napayuko siya.
“Sabi ng mga kaeskwela natin.”
“Gusto mo bang kausapin ko sila? Hindi tama ang sinabi nila sa’yo!” galit na bulalas nito.
Umiling si Denise.
“Sabihin mo na lang sakin kung bakit hindi mo sinabi. Alam naman nating hindi totoo ‘yung sinasabi nila, pero gusto kong marinig mismo mula sa’yo ang dahilan.”
Bumuntong-hininga ito at umupo sa tabi niya.
“Hindi ko sinabi sa iyo dahil anak ako sa labas. Hindi naman nakaka-proud ‘yun, kaya itinago ko sa’yo. Baka rin kasi hindi mo ako matanggap kapag nalaman mo,” malungkot na paliwanag nito. May mababanaag siya na hiya sa mukha ng nobyo.
Umiling sila bago hinawakan ang kamay nito.
“Bakit naman kita ikakahiya?” takang tanong niya. Muli itong nagkwento.
“Sikat kasi na pulitiko sa paningin ng publiko si Papa. Kaya nung nalaman na nabuntis niya ang nanay ko, pilit niyang kinuha ang kustodiya sa akin. Simula noon ay lumaki na ako kasama ang legal niyang pamilya.”
“Nasa akin nga ang lahat ng materyal na bagay, pero kahit na kailan hindi ko naramdaman na anak ang turing niya sa akin. Ganoon din ang madrasta ko at mga kapatid. Lumaki akong mag-isa kaya ganun na lamang ang saya ko nung nakilala kita, pati na rin ang Nanay mo.”
Tumulo ang luha nito ngunit pilit itong ngumiti.
“Sana ‘wag kang magalit na naglihim ako. Napakalaki ng utang na loob ko sa inyo ni Nanay Rosa dahil ipinaramdam niyo sa akin sa unang pagkakataon na hindi na ako nag-iisa at mayroon akong pamilya, kaya maraming salamat,” mahabang litanya nito.
Niyakap niya ito nang mahigpit. Sa kaniyang balikat ay mas lalong lumakas ang hagulgol ni Ryan.
Naghihirap man ang damdamin ni Denise para sa kasintahan ay gumaan kahit paano ang dibdib niya nang malaman ang totoo. Ipinangako niya sa sarili na ibibigay niya rito ang pagmamahal na ipinagkait ng mga tao sa paligid nito.