
Hindi Mapatawad ng Misis na Ito ang Kasalanan ng Mister Niya; Ano ang Magpapabago sa Relasyon Nila?
“Umuwi ka pa,” nakairap na puna ni Maine sa asawa niyang si Raymart.
Alas kwatro na kasi ng umaga, at kagigising lang ni Maine upang asikasuhin ang pagpasok ng kanilang anak na nasa grade 1.
Pagod itong sumalampak sa sofa habang nagtatanggal ng kurbarta.
“Sinabi ko na nga na isang linggo akong ganito, ‘di ba? Marami kaming trabaho sa opisina,” bugnot na paliwanag nito.
Hindi na siya nagsalita ngunit madilim ang kaniyang ekspresyon.
Simula kasi noong nagloko ito ay hindi na kailanman bumalik ang tiwala n’ya sa asawa. Nangako ito noon na hinding-hindi na ito uulit na mambabae noong magbuntis siya sa anak nilang si Rosie, ngunit sa puso niya ay laging naroon ang pangamba. May lamat na ang relasyon nila.
Kaya naman kahit ni minsan ay hindi na niya muli pang nahuli ito, pakiramdam niya ay niloloko pa rin siya ng asawa.
“Iidlip na muna ako. May pasok pa ako mamaya,” paalam nito bago nagtungo sa silid nilang mag-asawa. Bakas sa mukha nito ang matinding pagod.
Alas siyete na nang bumaba ito. Bihis na bihis na ito at handa na sa pagpasok.
“Bakit ang aga mo? Hindi ba’t katutulog mo lang?” takang usisa niya sa asawa.
“May meeting pa ako ngayong alas otso. Tara na’t isasabay ko na kayo ni Rosie,” yaya nito bago naglakad na patungo sa garahe.
Siniguro ni Maine na maayos na ang lahat bago niya hinawakan ang kamay ng anak at hinila palabas ng bahay.
Tahimik sila habang umaandar ang sasakyan. Tanging ang mabining tugtog lang sa radyo ang maririnig.
Maging si Rosie ay tahimik lamang na pinaglalaruan ang bola na nakita nito sa sasakyan.
Maya-maya ay tumunog ang selpon ni Raymart. Agad siyang nakaramdam ng galit nang makita ang pangalan ng tumatawag sa asawa n’ya. “Honey.”
Tumalim ang mata niya bago sinulyapan ang asawa na noon ay nakatingin din sa selpon nito. Agad itong nagpaliwanag, dahilan upang mas lalo siyang maghinala.
“‘Wag kang mag-isip ng kung ano-ano. Katrabaho ko ‘yang tumatawag,” anito.
Pagak siyang natawa.
“Katrabaho? Honey ang pangalan?”
Tumango ito.
“Bakit hindi mo sagutin?” hamon niya sa asawa.
Inabot nito ang cellphone. Ngunit imbes na sagutin nito ang tawag para mawala ang duda niya ay in-off nito ang selpon!
Napailing na lang si Maine sa ginawa ng asawa.
“Kapag talaga manloloko, hindi na magbabago,” mapait niyang pahayag.
Kita niya ang galit na bumalatay sa mukha ng asawa.
“Ano bang pinagsasasabi mo? Ayokong sagutin ang tawag dahil nagmamaneho ako. Kasama natin si Rosie, gusto kong maging maingat!” asar na paliwanag nito.
Ngunit sarado na ang tainga niya. Buo ang paniniwala niya na niloloko siya ng asawa. Bago pa mamalayan ni Maine ay panay na ang pagtulo ng luha sa mga mata niya.
“Ibaba mo ako sa gilid,” malamig na utos niya sa asawa.
Hindi ito sumunod.
“Sabi nang ibaba mo ako sa gilid!” sigaw niya.
Bigla itong pumreno at huminto sa isang gilid. Padabog siyang bumaba ng sasakyan. Maging si Raymart ay bumaba.
“Ano bang problema mo, Maine? Oo, nagkamali ako noon, pero nangako na ako sa’yo na hindi na ako uulit pa. Maniwala ka naman sa akin. Patawarin mo na ako, at palayain mo na ang sarili mo sa pagdududa. Mahal ko kayo ni Rosie,” nagsusumamong wika ng asawa niya.
Patuloy lamang ang pagluha ni Maine. Pakiramdam niya ay hindi niya na kaya pang ibigay ang kapatawarang hinihingi nito.
“Hindi… hindi ko kaya. Paulit-ulit kong naiisip ang panloloko mo sa akin noon,” humahagulhol na tugon niya.
Maging ito ay napaluha na rin. Marahil ay pagod na pagod na rin itong unawain siya.
“Anong gusto mong gawin ko?” pabulong na anas nito.
Bago pa siya makasagot ay may narinig na siyang sigawan.
“Naku, masasagasaan ang bata!”
Nang lingunin niya ang pinagmumulan ng sigawan ay nanghilakbot siya sa nakita—nakababa na pala si Rosie sa sasakyan at hinahabol nito ang bola nitong gumulong sa highway. Ngunit isang malaking trak ang papalapit at sasalpok sa anak niya.
Sinubukan ng mag-asawa na tumakbo, ngunit sadyang malayo pa talaga sila sa anak at hindi sila aabot.
Masasagasaan si Rosie!
Isang malakas na tili ang lumabas sa labi niya bago siya tuluyang nilamon ng kadiliman.
Nang magising si Maine ay nasa isang ospital siya. Sa gilid ay nakita niya ang asawa na nakaupo. Nakatingin lamang ito sa kawalan.
Nang maalala niya ang nangyari ay kumabog ang dibdib niya.
“Raymart,” tawag niya sa asawa.
Gulat itong napalingon.
“Nasaan si R-rosie?” naluluhang wika niya. Ayaw niya man ay pilit niyang inihahanda ang sarili sa masamang balita.
“Ligtas si Rosie. Himalang nakapagpreno ang drayber ng trak. Ginagamot ng doktor ang mga galos niya.”
Sa narinig ay napahagulhol si Maine.
“Diyos ko! Salamat sa Diyos!”
Nakarinig siya ng paghikbi. Nilingon niya si Raymart. Noon niya napagtanto na umiiyak ang asawa.
“Kasalanan ko, kasalanan ko ang lahat. Niloko kita noon, kaya hindi mo na ako kayang pagkatiwalaan. Pero sana Maine, bigyan mo naman ako ng tyansa. Nagkamali ako noon, pero hinding-hindi ko kayo ipagpapalit ni Rosie. Kayo ang buhay ko. Wala akong iba,” umiiyak na bulalas ng kaniyang asawa.
Ramdam na ramdam niya ang pagdurusa nito. Sinisisi nito ang sarili sa muntik nang pagkapahamak ng anak nila.
Noon napagtanto ni Maine na nagkamali rin siya. Nilapitan niya ang asawa at niyakap nang mahigpit.
“Sorry. Mali rin ako. Hindi ko nagawang alisin ang pagdududa sa puso ko. Pero nangangako ako na susubukan kong pagkatiwalaan ka ulit, Raymart. Aalisin ko na sa isip ko ang nangyari noon, at magsisimula tayo ulit,” pangako niya.
Luhaang nagyakap ang mag-asawa. Noon ay tuluyan na nilang napagtanto ang kani-kanilang mga pagkukulang.
Napagtanto ni Maine na wala naman talagang perpektong relasyon. Malaki ang pasasalamat niya na nabigyan ng pagkakataon ang pamilya niya na magsimulang muli. Kung may nangyaring masama kay Rosie, sigurado siya na tuluyan nang masisira ang pamilya nila.
Makalipas ang dalawang tao ay isang malusog na batang lalaki ang isinilang niya. Namuhay nang masaya ang mag-asawa dahil sa kanilang tiwala, pagmamahal, at respeto sa isa’t isa kasama ang dalawa nilang supling.