Inday TrendingInday Trending
Malapit Nang Sumuko ang Matandang Guro Dahil sa Makabagong Pamamaraan ng Pagtuturo; Sino ang Pipigil sa Kaniya?

Malapit Nang Sumuko ang Matandang Guro Dahil sa Makabagong Pamamaraan ng Pagtuturo; Sino ang Pipigil sa Kaniya?

“Suko na ako… ayoko na, Rachel. Paano ba itong Zoom na ito? Naguguluhan ako kung paano pindutin…”

Gulong-gulo na ang gurong si Ginang Mila Esteban. Nalilito na siya sa paggamit ng mga video conferencing apps. Mahigit 30 taon na siyang nagtuturo sa elementarya at malapit nang magretiro. Pakiramdam niya, nagsisimula siya ulit.

Kung pabilisan lamang din naman ang pag-uusapan, tiyak na walang makatatalo sa kaniya sa pagta-type sa makinilya.

Hirap na hirap siyang makiangkop sa bagong normal na pagtuturo. Kung tutuusin, kahit nakapikit ay kayang-kaya niyang ituro ang kaniyang asignatura. Pero sa mga nangyayari ngayon, mapapapikit ka talaga.

“‘Ma, hindi ko na kayo matuturuan. Kailangan ko na pong umalis…” paalam ni Rachel, ang anak niyang nurse. Nagpaalam na ito sa kaniya at lumabas na.

Naiwang natutuliro si Mila. Mahal niya ang pagtuturo, pero nahihirapan siya sa makabagong pamamaraan nito. Naisip niya, paano kung magretiro na lamang siya nang mas maaga?

Ano naman ang maaari niyang gawin? Magtanim? Magnegosyo? Magtayo kaya ng sariling daycare center? Buong buhay niya, inilaan na niya sa mga mag-aaral na dumaan-umalis-bumalik-hindi na nagpakita-nakalimot-nakaalala-nangungumusta.

Tinawagan na lamang niya ang kaniyang kaibigan na si Ramona upang kahit paano ay makahinga-hinga siya.

“Mare, parang gusto ko nang sumuko sa pagtuturo natin ngayon. Mas sanay akong nakikita ko ang mga bata. mas sanay akong nagtuturo sa loob ng silid-aralan. Ang hirap naman kasing pag-aralan itong mga video conferencing app na ito. Mukhang ito na ang makapagpaparetiro sa akin eh,” hinaing ni Mila.

“Hay naku Mila tumigil ka nga riyan, fight, fight, fight lang! Makakaraos din tayo sa ganitong sistema. Pansamantala lang ito. Pasasaan ba’t magiging maayos din ang lahat. Babalik din tayo sa normal,” paglubag-loob ni Ramona sa kaniyang kaibigan.

“Mabuti ka nga, kahit paano eh marunong-runong ka sa paggamit ng mga makabagong kagamitan, ako eh talagang hirap na hirap intindihin ang mga kung ano-anong dapat pindutin,” saad pa ni Mila.

“Anong hindi eh hirap na hirap din naman ako. Pasalamat lang ako na may mga nagtuturo sa aking mga apo. Baligtad na ngayon ang sitwasyon. Ang mga bata na ang nagtuturo sa mga matatandang gaya natin!”

“Mabuti ka pa may nagtuturo sa iyo, sa akin dito sa bahay, wala. Pumapasok kasi ang anak ko bilang nurse. O siya sige Ramona, hindi na kita aabalahin pa, alam ko abala ka rin. Magkita tayo sa susunod na linggo.”

Matapos ang ilan pang salitaan ay ibinaba na ni Mila at Ramona ang kani-kanilang mga cellphone. Ipinasya na ni Mila na paghandaan ang mga dapat ihanda para sa nalalapit na pagbubukas ng virtual na klase.

Maya-maya, napukaw ang kaniyang atensyon ng isang chat sa Messenger. Binasa niya ito.

“Hello po Ma’am Mila! Si Loyda Dimagiba po ito, dati ninyong student sa PES. Kayo po ang class adviser ng apo ko! Tuwang-tuwa po ako, sabi ko magaling po kayo. Goodluck Ma’am, medyo makulit po si Otep pero mabait po iyon.”

Napangiti si Mila. Tinugunan niya ito ng isang matamis na pasasalamat.

“Naku talaga ba? Nagagalak akong malaman iyan. Oo, naaalala pa kita, ikaw yung madalas na napapagalitan ko noon kasi laging nakatulala sa klase. Pero isa rin sa mga pinakamabait at pinakasinsero. Huwag kang mag-alala, akong bahala sa apo mong si Otep. Aalagaan ko sila, gaya ng pag-aalaga ko sa inyo noon!”

Dahil sa simpleng mensaheng iyon ay tila nabuhayan ang alab ng sulong tangan niya, ang sulo ng pagtuturo, na kahit kailan ay ayaw niyang bitiwan.

Kaya naman, ipinangako ni Mila sa kaniyang sarili na kailangan niyang matutuhan ang paggamit ng iba’t ibang mga apps at makabagong pamamaraan sa online na pagtuturo, upang maibigay niya ang pinakamahusay na pagtuturo sa kaniyang mga mag-aaral, sa abot ng kaniyang makakaya.

Kaya simula nang araw na iyon ay isinusubsob ni Mila ang kaniyang panahon sa pag-eensayo ng paggamit ng mga apps at tools sa virtual na pagtuturo, batay na rin sa rekomendasyon ng pamunuan ng kanilang paaralan.

Sinong mag-aakala na ang dating takot na takot sa pagsasagawa ng online class ay magagantimpalaan pa ng ‘Most Creative and Innovative Teacher’ award mula sa pamunuan ng kanilang paaralan?

Siya ang pinakamahusay sa paggamit ng mga apps at iba pang makabagong tools sa online na pagtuturo.

“Pagbati, kaibigan! Naalala mo dati, nagkausap pa tayo tungkol sa early retirement mo dahil sa panibagong set up ng pagtuturo, pero tingnan mo naman, ikaw pa ang nabigyan ng award,” tuwang-tuwang sabi ni Ramona.

“Inaral ko kasi talaga, kaibigan. Saka ganoon naman tayong mga guro, hindi ba? Hindi dapat humihinto sa pagiging malikhain,” sagot naman ni Mila.

Napagtanto ni Mila na totoo ang isinasaad ng kasabihang “Kapag gusto, maraming paraan; kapag ayaw, maraming dahilan.” Naniniwala siyang kailangan pa siya ng mga magiging mag-aaral niya kaya hinding-hindi siya aalis sa propesyon ng pagiging guro, anuman ang mangyari.

Advertisement