
Ipinagtataka ng Babae kung Bakit Ayaw Siyang Pakasalan ng Kinakasama; Magugulantang Siya sa Malalamang Dahilan
Nakahalukipkip si Danica sa gilid ng kanilang sofa. Nakakunot ang kaniyang noo at mugto ang kaniyang mga mata na halatang katatapos lamang umiyak. Nagtalo kasi sila ng kaniyang kinakasamang si Denver tungkol sa isang bagay na matagal na niyang inginunguto rito—ang pagpapakasal.
Sa tuwing bubuksan niya kasi ang paksang ’yon sa lalaki ay napapansin niyang parati na lamang itong umiiwas. Madalas ay iniiba nito ang usapan upang kalaunan ay makalimutan niya ang tungkol doon. Ngunit kung noon ay nagagawa pa siya nitong bilugin, ngayon ay hindi na. Talagang napuno na si Danica kanina at agad na inaway ito nang inaway! Paano’y nakainom pa man din siya nang mga oras na ’yon dahil galing siya sa birthday party ng kaniyang kabarkada.
Ngunit imbes na kausapin siya nang maayos ay mas pinili na lamang ni Denver na umalis muna ng bahay upang magpalamig na siya namang lalong ikinainis ni Danica. Ilang taon na silang nagsasama ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring balak si Denver na pakasalan siya! Sa palagay niya ay hindi na siya nito mahal, ngunit ang hindi niya alam ay kung bakit nagtitiis pa rin ito sa piling niya. Bakit ayaw pa rin siya nitong iwanan kung ganoong wala na rin naman pala itong nararamdamang pagmamahal sa kaniya?
Inabangan ni Danica na makauwi si Denver sa kanilang bahay. Habang naghihintay ay nilibang niya ang sarili sa pag-inom ng ilang lata ng beer na siya namang naabutan ng kaniyang kinakasama.
“Saan ka nanggaling? Sa babae mo?” kapagkuwa’y bungad niya kay Denver nang makitang nakauwi na ito. Naroon pa rin siya sa salas at hindi umaalis.
Agad namang dumako ang paningin ni Denver sa mga lata ng beer na nagkalat sa mesitang nasa kaniyang harapan. Hindi man ito magsalita ay bakas naman sa mukha nito ang matinding inis sa nakita.
“Huwag mo akong pagbintangan ng mga bagay na hindi ko ginawa kahit kailan, Danica,” malamig na sagot nito sa kaniya na hindi inaalis ang tingin sa mga nagkalat na lata ng beer.
“Huwag mo akong lokohin!” sigaw naman niya. “Kung wala kang ibang babae, bakit ayaw mo akong pakasalan?! Ilang taon ko nang inginunguto sa ’yo ’yan pero hanggang ngayon ay wala kang ginagawang aksyon! Bakit, Denver? Bakit?!” dagdag pa niya na halos lagutan na ng litid sa sobrang lakas ng mga sigaw.
Nagulat si Danica nang bigla siyang pukulan ni Denver ng isang masamang tingin. “Gusto mo talagang malaman, ha, Danica?!” galit pang sigaw nito sabay dampot sa mga lata ng alak. “Dahil dito!”Bigla siyang napipi. Doon pa lang kasi ay alam na niya ang ibig sabihin ni Denver. Paano ay kilala kasi siyang tomador sa kanilang lugar na kung saan may inuman ay palagi siyang dayo.
“Ilang taon ka nang naghihintay ng kasal? Pwes, ilang taon na rin akong naghihintay na magbago ka, Danica! Mahal kita… mahal na mahal kita, pero ayokong magpakasal sa isang babaeng lasinggera!” sabi pa nito na ikinagulantang ni Danica. “Ayokong kamulatan ng magiging anak natin ang gan’ong klaseng gawain ng kanilang ina, pero ayaw ko namang pilitin kang magbago para sa akin. Hinihintay kong magkusa ka para ang pagbabagong ’yon ay maging totoo dahil galing mismo ’yon sa sarili mo!”
Umiiyak na si Denver. Bakas sa mukha nito ang sakit na nararamdaman niya habang kinukuha nito mula sa kaniyang bulsa ang isang bagay na noon pa man ay gusto na niyang ialay kay Danica… isang singsing na magpapatunay kung gaano niya ito kamahal.
“Gusto kitang pakasalan, Danica. Sa katunayan ay handa na ang lahat… maliban na lang sa ’yo. Pero ngayong alam mo na ang totoong dahilan kung bakit hindi pa kita inaayang magpakasal, p’wede ba, magdesisyon ka na kung kakayanin mo bang magbago o hindi? Para makapagdesisyon na rin ako kung susuko na ba ako o patuloy pang aasa na darating ang panahong magbabago ka na,” umiiyak pang dagdag ni Denver na nagpahagulhol na lamang din kay Danica.
Matapos iyon ay napag-usapan ng dalawa na ayusin ang kanilang relasyon. Pinagsisihan ni Danica ang kaniyang mga nagawa at napagtantong tama ang kaniyang kinakasama. Unti-unti, kahit mahirap ay sinimulan niyang baguhin ang kaniyang sarili. Nagkaroon siya ng mas maayos na kaisipan sa pagbuo nila ni Denver ng pamilya. Kalaunan, katulad nga ng kasabihan, sa hinaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang kanilang tuloy.