Inday TrendingInday Trending
Inako ng Isang Beki ang Responsibilidad ng Lalaking Nakabuntis sa Kaniyang Bespren; Kalaunan ay Tila Iba pa ang Kahahantungan ng Kaniyang Kabutihan

Inako ng Isang Beki ang Responsibilidad ng Lalaking Nakabuntis sa Kaniyang Bespren; Kalaunan ay Tila Iba pa ang Kahahantungan ng Kaniyang Kabutihan

“Napakahusay naman talaga ng lalaking ’yan, Mariana!” hiyaw ni Max—o mas kilala sa tawag na Maxima sa gabi—sa kaniyang matalik na kaibigang si Mariana matapos niyang mabalitaan ang sitwasyong kinahaharap nito ngayon. “Kung hindi pa sinabi sa akin ng sisteret ko sa parlor, hindi ko pa malalamang buntis ka!”

Napayuko na lamang si Mariana sa kaniyang tinuran. “Sasabihin ko naman talaga sa ’yo, e…” napapanguso pang anito habang kinukutkot ang kaniyang kuko dahil sa kaba.

“Kailan pa? Kapag malaki na ang tiyan mo? My gosh, Mariana! Wala pa akong kaalam-alam, magiging ninang na pala ako!” muli ay hiyaw pa nito na lalo namang nakapagpakabog ng dibdib ni Mariana.

“Huwag ka nang magalit, besty! Kaya ko lang naman hindi sinabi sa ’yo agad ay dahil alam kong ganiyan ang magiging reaksyon mo,” sagot pa ni Mariana sa kaniya. Sa huli ay napabuntong-hininga na lang si Max.

“So, iniwan ka ng tatay n’yan, ano’ng plano mo?”

Sa gulat ni Max ay bigla na lamang humagulhol ang kaniyang kaibigan. Isinubsob nito ang sariling mukha sa kaniyang balikat bago nito isinatinig ang balak na gawin…

“Pinag-iisipan kong alisin na lang ang batang ’to sa sinapupunan ko bago pa man siya isilang sa mundo,” sabi nito sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata ni Max. Sa narinig ay isang malakas na batok ang iginawad niya sa kaibigan!

“Gaga ka ba?! Tigilan mo ’yang nasa isip mo, Mariana! Walang kasalanan ang bata sa ’yo. Kung hindi kaya ng tatay niyan na panagutan ka, edi ako ang aako ng responsibilidad! Huwag na huwag mo lang gagawin ’yang iniisip mo dahil malilintikan ka sa akin!” pakuwa’y sigaw pa niya na agad namang ikinatigil ni Mariana sa pag-iyak.

“T-talaga, besty?” Isang tango ang isinagot ni Max sa kaibigan bago niya ito niyakap.

“Malalampasan natin ’to, Mariana. Tutulungan kita.”

Hindi maintindihan ni Max kung bakit ganoon na lang ang determinasyon niyang tulungan si Mariana sa problema nito. Bukod kasi sa awa ay may iba pa siyang naaapuhap na damdamin sa kaniyang puso na hindi niya matukoy kung ano.

Itinuloy ng dalawa ang kanilang plano. Habang ipinagbubuntis ni Mariana ang bata sa sinapupunan nito ay todo kayod naman si Max upang makaipon para sa panganganak ng kaniyang best friend. Dahil doon ay palaging magkasama ang dalawa. Halos doon na nga umuwi si Max sa bahay nina Mariana kaya naman marami na ang nagtataka kung ano nga ba talaga ang kanilang relasyon.

Ngunit higit na apektado si Max dahil unti-unti ay may umuusbong na damdamin sa kaniyang puso na ang hindi niya alam ay noon pa nananahan sa kaniyang kaibuturan. Isang damdaming napagkamalan niyang pagmamahal lamang para sa isang kaibigan… iyon pala ay pag-ibig na ng isang lalaki para sa isang babae.

Ngunit hindi iyon maamin ni Max kay Mariana, sa takot na baka bigla siyang layuan nito. Pinilit niyang itago ang kaniyang damdamin sa malalambot niyang mga kilos at matitinis na pananalita, hanggang sa makapanganak na si Mariana.

Ibayo ang tuwang naramdaman ni Max nang sa unang beses ay nasilayan niya ang anak ni Mariana—ang anak nilang dalawa. Alam niyang hindi tunay na sa kaniya ang bata ngunit handa siyang akuin ito kung papayag lang sana ang kaniyang kaibigan.

Nasa rurok na ng kasiyahan sina Mariana at Max kahit pa hanggang ngayon ay nananatiling lihim ang damdamin nila sa isa’t isa, nang bigla na lang bumalik ang tunay na ama ng bata. Anito’y handa na umano nitong akuin ang kaniyang responsibilidad na noon ay nagawa niyang takasan.

Halos madurog naman ang puso ni Max sa pag-aakalang agad na bibigay si Mariana sa dating nobyo. Paano kasi ay pumayag itong gampanan ng lalaki ang obligasyon nito sa kanilang anak. Pakiramdam ni Max ay naetsapwera siya kaya naman noon din ay unti-unti niyang inilayo ang sarili sa kanila. Hanggang sa isang araw ay dinalaw siya ni Mariana sa pinagtatrabahuhang parlor upang komprontahin.

“Bakit bigla ka na lang hindi nagpakita?” galit na tanong ni Mariana kay Max.

“Hindi n’yo naman na ako kailangan, e. Nariyan na ang tunay na ama—”

“Nami-miss na kita,” putol ni Mariana sa isasagot sana ni Max. “Higit kanino man, ikaw ang kailangan namin.” Naiiyak na ang babae ngunit si Max ay nagugulat pa rin.

“S-sandali nga, Mariana, may gusto ka ba sa akin?” Nanlalaki ang mga mata ni Max habang humihikbing napatango na lamang si Mariana. Nagulat na lang siya nang bigla siyang kargahin nito sa tuwa!

“Mahal din kita, Mariana! Mahal ko kayo ng anak natin!”

Nagsama ang dalawa kasama ang bata sa iisang bahay matapos nilang ikasal, habang ang tunay na ama naman ng bata ay regular namang nagpapadala ng pangtustos sa mga pangangailangan nito.

Sa lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may dahilan ang Diyos at iyon ang pinatunayan ng kwento ng dalawa, na sa kabila ng pagiging binabae ni Max ay hindi pa rin niya napigilang mahulog sa babaeng noon pa man ay itinitibok na pala ng kaniyang puso.

Advertisement