
Binigyan Niya ng Malisya nang Makita Niyang Nakikipag-usap sa Isang Lalaki ang Asawa ng Kaniyang Kaibigan; Karma ang Aabutin Niya Dahil sa Ka-Tsismosohan
Kalalabas lang noon ni Kaloy sa pinagtatrabahuhang talyer upang bumili ng maiuulam sa malapit na karinderya. Sisipol-sipol pa siya habang ihinahagis-hagis sa ere ang hawak niyang sampung pisong barya, nang bigla siyang mapatingin sa isang restawran na nasa gilid ng kalsada kung saan siya pumwesto upang tumawid. Gulat na gulat siya nang makilala ang babaeng nakaupo sa isa sa mga upuan sa naturang restawran habang sa tapat nito ay may isang may edad nang lalaki itong kausap at abot langit ang ngiti nito habang kausap siya!
Ito kasi ay ang asawa ng kaibigan niya—si Lisa!
“Naku! Mukhang sinasalisihan ni Mareng Lisa si Pareng Victor!” sabi niya sa sarili na napapapalatak pa habang kinukuha mula sa kaniyang bulsa ang kaniyang selpon upang kuhanan ng litrato ang babae.
Sa litrato ay hawak ng may katandaan nang lalaki ang kamay ni Lisa habang nakangiti ito nang malawak. Si Lisa naman ay ganoon din at parang hindi alintana ang mahigpit na pagkakahawak ng lalaki sa kaniyang kamay!
Naghintay pa si Kaloy sa labas ng naturang restawran at patuloy na kinuhanan ng litrato ang dalawa. Bawat kibot nila ay nakahanda nang kaagad ang kaniyang camera kaya naman ultimo ang pagbebeso-beso at pagyayakapan ng dalawa ay nakunan niya!
Dali-dali namang bumalik sa kaniyang trabaho si Kaloy matapos bumili ng ulam upang ipamalita ang kaniyang nakita…
“Baka naman kamag-anak lang, Kaloy?” ngunit tanong ng isa na tila pinagdududahan ang kaniyang sinasabi.
“Hindi! Aba, wala akong alam na kamag-anak ni Mareng Lisa na kayang magdala sa kaniya sa isang mamahaling restawran na kagaya n’on! Pagkatapos ay ganiyan pa kung makahawak sa kamay niya!” giit pa ni Kaloy sa kausap.
“Aba, tatahi-tahimik ’yang si Mareng Lisa, ’yon pala’y may itinatagong kulo sa loob!” komento naman ng isa pa.
Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa pagkakaroon ’di umano ni Lisa ng kabit. Mabilis din iyong nakaabot sa kaalaman ng mag-asawang Lisa at Victor. Naging mitsa pa tuloy ’yon ng pagtatalo ng dalawa na muntik nang mauwi sa hiwalayan, kundi nga lamang nila parehong napagpasyahang hanapin kung sino ang nagpakalat ng balitang ’yon.
Nagtanong-tanong sila sa mga taong nakaaalam ng issue at mabilis naman nilang natukoy kung sino ’yon dahil iisa lang naman ang itinuturo ng lahat.
“Kaloy!” hiyaw ni Victor nang makita ang kaniyang kumpare nang puntahan niya mismo ito sa talyer na pinagtatrabahuhan nito.
“O, bakit pare? Nakarating na ba sa ’yo ang balita?” agad namang pambungad na tanong ni Kaloy.
“Ano ba ’yong balitang ipinapakalat mo? Sigurado ka ba roon? Aba, nag-away na kaming mag-asawa dahil sa tsismis na ipinakalat mo sa iba na may lalaki raw si Lisa!
“Aba’y hindi naman tsismis ’yon, pare, dahil totoo ’yon! Sa katunayan ay ako mismo ang nakakita na may kasamang ibang lalaki ang asawa mong ’yon. Matanda at mukhang mayaman!” puno ng kumpiyansang sagot pa ni Kaloy sa kaniya.
“May ebidensya ka ba na magpapatunay na totoo ’yang sinasabi mo, pare?” kunot-noong tanong naman ni Victor na nagsisimula nang magkaroon ng pagdududa sa sariling asawa.
“Meron din!” Agad na dinukot ni Kaloy ang selpon niya sa kaniyang bulsa upang ipakita kay Victor ang litratong kinuha niya nang mismong araw na nakita niya si Lisa at ang may katandaan nang lalaki.
Agad na napakunot ang noo ni Victor nang makilala kung sino ang lalaking nasa litrato… ito ang ama ni Lisa na matagal nitong hindi nakita simula nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang! Isa na kasi itong mayamang business man ngayon kaya naman naisipan nitong hanapin ang kaniyang anak upang humingi ng kapatawaran sa biglaan niyang pagkawala, na agad namang tinanggap ni Lisa.
Dahil sa nalamang hindi pala totoo ang balitang ipinakalat ni Kaloy ay isang malakas na suntok ang naigawad ni Victor sa malisyosong si Kaloy! Saka niya ipinaliwanag dito na ang lalaking kasama ni Lisa sa naturang litrato ay ang nawawalang ama nito!
Galit na galit si Victor sa nangyari kaya naman hindi niya na napigilan ang sariling upakan si Kaloy. Matinding karma ang inabot niya sa kaniyang ginawa dahil hindi siya pinalabas ni Victor sa naturang talyer na hindi namamaga ang mukha. Muntik na kasing ikasira ng kanilang pamilya ang maling impormasyong ipinakalat nito dahil sa kaniyang pagiging malisyoso. Ngayon ay sigurado si Victor na madadala na ang loko.