
Simpleng Kasal ang Idinaos ng Mag-Asawa Kahit Nais ni Misis ay Bongga; Magtagal Kaya Sila sa Kabila ng mga Pagkakaiba?
“Lab, gusto sana kitang makita bago ang kasal natin bukas. Pwede ba? Namimiss na kasi kita,” pahayag ni Belinda habang sila ay nagpapalitan ng mensahe sa Messenger.
“Bukas na lang. Magkikita rin naman tayo,” malamig naman na tugon ni Denden sa kaniyang nobya.
Kinabukasan, nagkaroon ng simpleng kasal sa munisipyo ang ngayon ay mag-asawang Belinda at Denden. Kasama nila ang mga mahahalagang tao lamang na kani-kaniyang mga pamilya at tito at tita bilang kanilang mga ninong at ninang. Gusto mang imbitahan ni Belinda ang ilan sa kaniyang mga kaibigan subalit hindi sumang-ayon si Denden dahil nais lamang nito ng simple at matipid na kasal.
Kinagabihan, pagod ang katawan ng dalawa ngunit pinilit pa rin ni Belinda na magkaroon sila ng masayang gabi bilang mag-asawa. Subalit nang niyakap niya ang mister sa likod nito, tinanggal nito iyon at sinabihan na lamang siya na magpahinga na sila dahil antok na ito at pagod pa. Risonable naman ang asawa kung kaya natulog na dismayado si Belinda.
Sa walong taon nila bilang magkasintahan, kilala na ni Belinda na matipid at simpleng tao lamang si Denden. Ayaw nito ng maraming tao at magarbong pamumuhay. Sa walong taon nga nila ay tuwing anibersaryo lamang sila gumala sa ibang lugar. Dahil na rin sa kaniyang labis na pagmamahal at paghanga sa nobyo, nagpasiya siyang baka mas maunawaan niya ito kung magiging mag-asawa na sila.
Lumipas ang isang buwan simula ng sila ay ikasal, malungkot at bigo ang mukha ni Belinda habang siya ay nakatitig sa kanilang litrato noong sila ay nasa kolehiya palang at magkasintahan pa lamang. Masaya silang kumakain sa karinderya at kumakain ng mga tusok-tusok. Hindi niya alam kung siya ba ang may mali ngayon dahil gusto niya ng mas higit pa kaysa sa ipinapakita sa kaniya ng mister. Pilit na itinanggal ni Belinda ang mga negatibong pag-iisip at ipinagpatuloy ang pagiging mabuting misis sa kaniyang asawa.
“Belinda! Belinda!” malakas na sigaw ni Denden na nasa kanilang kusina. Agad na bumaba si Belinda sa pag-aakalang mayroon ng nangyaring masama.
“Ano ba naman ito? Hindi ba’t sinabi ko sa iyong kapag sira na ang gripo, sabihin mo sa akin para ipagawa kaagad? At ang mga electric fan, ang oven, lahat nakasaksak. Eh kahit hindi nagana iyan, nakonsumo sa kuryente iyan! Tingnan mo rin ang laman ng ref at basurahan. Kita mo bang ang daming mga nasasayang na pagkain. Belinda naman, alam kong hindi ka pa sanay pero kung hindi mo sisimulan, mahihirapan tayo niyan. Ang laki na nga ng bayad natin sa bahay tapos dadagdag mo pa mga bills natin,” galit na paliwanag ni Denden sa asawang nabigla sa kaniyang mga sinabi.
Walang ibang nasabi ang misis kundi paghingi lamang ng pasensya sa mister. Sa dami ng mga sinabi nito sa kaniya, ang tanging dinadamdam ng bagong misis ay ang pambabalewala ng mister sa kaniyang mga paghihirap habang ito ay nagtatrabaho. Agad niyang sinunod ang mga bilin ng mister para lamang wala nang away.
Sa bawat buwan na nagdaraan, lalong nararamdaman ni Belinda na para lamang siyang nakulong sa isang madilim at paulit-ulit na buhay. Pagkagising ay mag-aasikaso ng almusal, mamamalengke, maglilinis ng bahay, maglalaba, magluluto ulit at maghuhugas ng plato. Sa tuwing gabi naman, imbes na lambingin ng mister, wala itong makuhang atensiyon o lambing man lang mula rito.
Naging mabuti namang misis si Belinda at lahat ng bilin ng mister ay kaniyang ginagawa nang maayos at walang nasasayang. Sa darating na anibersaryo nila, naisip ni Belinda na kumayod sa pagtitinda ng mga produkto online upang may ipanggastos siya panggala nila ng mister sa ibang lugar.
“Lab, may pasok ka ba sa Sabado?” malambing na tanong ni Belinda sa kaniyang mister na abalang nagtatrabaho dis oras na ng gabi.
“Wa-wala naman. Kaso maraming mga dapat tapusin eh. Alam mo naman, malapit na akong ma-promote,” tugon naman ni Denden sa kaniyang misis na nakahiga sa kama nila.
“Nag-book kasi ako ng ticket natin. ‘Wag ka mag-alala, nagtrabaho ako, nagbenta ako ng mga skin care products online at nakapag-ipon ako!” masayang balita ni Belinda kay Denden.
Sumimangot ang lalaki at mabilis na sinara ang kaniyang laptop. Wala itong tugon kundi ang halatang pagkadismaya sa ibinalita ng misis.
“Cancel mo na ‘yan. Hindi ako pwede. Nagsayang ka na naman ng pera,” tugon ni Denden na labis na ikinalungkot ni Belinda.
Dumating ang araw ng Sabado at imbes pagkasabik, nakasimangot si Belinda na gumising sa umaga. Sinadya niyang magising kaysa sa normal niyang gising upang hindi masabayan ang asawa sa kaniyang agahan. Pagbaba niya ay nakita niyang walang almusal kundi pandesal at palaman lamang na binili pa niya noon. Dumaan ang buong araw na wala man lang espesyal na naganap.
“Wala man lang ka-amor amor tong asawa kong ‘to! Kahit na regalo na maliit lang pwede na! O kaya almusal, tanghalian man lang o kumain sa labas. Wala! Wala talaga! Nakakapagod na. Hay! Aalis na ako bukas na bukas din,” paghihimutok ni Belinda sa kaniyang isip habang siya ay naliligo.
Paglabas ni Belinda ay nakita niya ang asawa na nakahiga na sa kanilang kama at matutulog na. Muli siyang sumimangot dahil kahit na simpleng bati man lang ay hindi nito nagawa sa buong araw. Sinara niya ang ilaw upang matulog na. Subalit pagbalik niya sa kama ay nakapa niya ang susi na kaniyang nahigaan. Kinuha niya ito at sabay namang naramdaman ang yakap ng kaniyang mister. Inilabas nito ang kaniyang selpon at ipinakita ang litrato ng isang magandang bahay.
“Bahay natin ito, lab. Happy anniversary. Pinag-ipunan ko ‘yan ng isang taon,” masayang bati ni Denden sa kaniyang misis na halos maiyak sa sorpresa ng mister.
Bilang tugon, niyakap niya ito nang mahigpit at pinasalamatan nang lubos. Ngayon ay mas lalong naintindihan ni Belinda na ang pagtitipid at malamig na trato ni Denden ay dahil nagpupursigi itong makapag-ipon para sa kanilang magiging sariling bahay.
Magmula noon ay pinagsikapan pang lalo ni misis na intindihin ang kaniyang mister, ngunit pinilit naman ni mister na maglaan ng sapat na oras para sa kaniyang misis dahil alam niyang nitong mga nakakaraang buwan ay talagang nagkulang siya sa paglalambing dito.