Inday TrendingInday Trending
Nais Lang Namang Ilabas ng Binata ang Tunay na Pagkatao sa Amang Pulis; Magiging Komplikado pa Pala ang Kanilang Buhay

Nais Lang Namang Ilabas ng Binata ang Tunay na Pagkatao sa Amang Pulis; Magiging Komplikado pa Pala ang Kanilang Buhay

“Hindi ko na kaya, Berto! Maghiwalay na lang tayo kung ganito tayo palagi!” malakas na sigaw ng kaniyang ina ang naririnig sa buong barangay nila.

“Ako rin, Wilma. Hindi ko na kaya tiisin iyang ugali mo at iyang bunganga mo!” sagot naman ng amang si Berto.

Nakaupo lamang sa kanilang kama sa kanilang kwarto ang sampung taong gulang na si Wilbert habang nakayupyop naman sa kaniya ang bunsong babae na si Tintin. Habang nadidinig ang pagtatalo ng kaniyang lasing na ama, tumutulo ang luha ni Wilbert dahil sa kalabog ng bugb*gan at sigawan ng kaniyang mga magulang.

Pumasok ang ina na dala-dala ang maleta at lahat ng kanilang mga gamit. Ginising nito ang kapatid na natutulog at nagmamadaling kinuha rin ang mga gamit nito sa silid.

“Hindi muna kita maisasama, Wilbert, ha? Babalikan ka na lang ni mama kapag may maayos na akong trabaho. Magpapakabait ka sa papa mo, ha? Sundin mo lang lahat ng utos ng ama mo. Naiintindihan mo ba?” bilin ng ina na hinahabol pa ang kaniyang paghinga at nagmamadaling umalis.

Iyon na ang huling araw na muling nakita at nakausap ni Wilbert ang ina. Siya lamang ang naiwan sa kaniyang ama na lasinggero. Pati na kaniyang pusong babae ay itinago niya dahil sa takot sa ama. Hindi rin kasi nagtagal at umalis na lamang bigla sa pagtatrabaho ang kaniyang ama dahil sa labis na lungkot nang iwan sila ni Wilma.

Sampung taon ang nakalipas at wala pa ring balita si Wilbert sa ina. Matagumpay na natapos ng binata ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo dahil ayaw niya na may napapansin sa kaniya ang ama. Ang lahat ng utos at bilin ng ama ay kaniyang sinunod maliban lamang sa kagustuhan nitong siya ay maging isang pulis din. Nagtayo ng isang maliit na palabahan ang mag-ama at ang namamalakad nito ay si Wilbert.

“May kumpare ako, Wilbert. May anak iyon, ang ganda! Ang kinis din ng kutis! Tiyak na magugustuhan mo,” pagpapaliwanag ni Berto sa kaniyang anak.

Ilang taon na rin siyang gustong makita ng ama na magkaroon ng kasintahang babae subalit hindi niya masunod ito. Hindi dahil wala siyang oras o hindi niya tipo ang mga nirereto sa kaniya ng ama, kundi dahil ang nais niyang maging kasintahan ay kapwa niya lalaki.

“Ahh… Ehh… ‘Tay, meron na po! Meron na akong nagugustuhan. Papakilala ko rin po sa inyo,” agad niyang sagot upang hindi na humaba pa ang usapin. Ang balitang ito ay labis na ikinasabik ni Berto. Walang araw na hindi ito nangulit kay Wilbert na ipakilala sa kaniya ang kaniyang nobya.

Lumipas ang ilang mga buwan, umuwi si Wilbert isang gabi na may kasamang isang dalaga. Maganda at makinis ito na hindi maihahalintulad sa ibang mga babae. Abot tenga naman ang ngiti ni Berto nang ipakilala ni Wilbert ito bilang kaniyang nobya.

Kahit na malayo ito sa kagustuhan ni Wilbert, pinigilan niya ang sariling mahulog pa sa kapwa niya lalaki. Ilang taon ang lumipas at pinakasalan niya ito at nagbunga ang kanilang pagsasama ng isang lalaking anak. Walang mapaglagyan ang tuwa na nararamdaman ni Berto para sa anak na lalaki. Nakalimutan na ng mag-ama ang ina at kapatid na hindi na nila mahanap pa.

Makalipas ang ilang taon, nagising si Berto sa kalagitnaan ng gabi. Nakita niya na bukas pa ang ilaw sa silid na wala namang may-ari. Agad niyang pinuntahan iyon ngunit labis siyang nagalit nang makita ang anak na may kayakap na kapwa niya lalaki.

“Totoo nga ang sabi sabi! Lumayas ka rito! Lumayas kayong lahat!” malakas na sigaw ng kaniyang ama na ikinagulat ng marami.

Muling lumabas ang totoong pagkatao ni Wilbert at inamin ito sa kaniyang asawa. Wala itong nagawa kundi iwanan siya kasama ang kaniyang anak. Simula noong araw na iyon, hindi na ulit nagpakita pa si Wilbert sa kaniyang ama.

Pagkalipas ng sampung taon, naluluha si Wilbert nang makatanggap ng mensahe na hinahanap siya ng kaniyang ama na malapit nang pumanaw. Agad siyang pumunta sa ospital kung saan ito naroon. Doon din ay nakita niya ang ina at kapatid na matagal na niyang hindi nakikita. Napuno ng matinding emosyon at pagluha ang silid kung saan nakahimlay sa kama ng ospital ang kanilang ama.

“Patawad, anak. Dadalhin ko sa hukay kung gaano mo ako napasaya dahil ikaw ang naging anak ko…” mga huling salitang binitawan ni Berto sa kaniyang anak habang ito ay nasa bisig niya.

Muling ipinagpatuloy ni Wilbert ang buhay matapos ilibing ang kaniyang ama. Ngayon, kasama na niya ang ina at kapatid na labis din ang paghingi ng tawad dahil sa pag-abandona nito sa kaniya noon. Hindi rin nagtagal at muli siyang nakipagbalikan sa kaniyang asawa na ngayon ay kasama na rin niya sa kanilang bahay.

Hindi pa man huli ang lahat, muling itinayo ni Wilbert ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya na noon ay nasira. Ang kaniyang pagkatao ay mas malinaw na ngayon, dahil wala siyang ibang hinanap kundi ang matanggap ng kaniyang ama at ito ay nangyari sa huling sandali ng buhay nito.

Advertisement