
Iniligaw ng Ginoo ang Matandang Ina; Isang Taga-Walis ng Daan ang Magliligtas sa Kawawang Matanda
“David, parang hindi ko yata kaya ang gagawin natin. Huwag na lang kaya? Tingnan mo naman ang nanay mo. Nakakaawa naman siya,” saad ni Dory sa kaniyang mister habang pinagmamasdan ang biyenan na nagdadalamhati sa yumaong asawa.
“Hindi natin siya p’wedeng isama sa Amerika, Dory. Alam mo kung ano ang tunay na lagay natin doon. Magiging pabigat lang siya sa atin. Malaking ginhawa kapag binenta natin itong bahay at iwan na lang si nanay sa isang home for the aged kaysa iupa natin siya ng bahay. Doon sa pasilidad ay maalagaan siya,” tugon naman ni David.
“Hindi ko maisip na pinag-uusapan natin ang sarili mong ina. Hindi ka ba kinikilabutan sa mga sinasabi mo? Paano kung may mangyari rin sa kaniya na hindi maganda? Kakayanin ba ng konsensya mo?” dagdag pa ng ginang.
“Mas hindi kaya ng konsensya ko na tayo ang pulutin sa kalye sa ibang bansa. Kung ayaw mo akong tulungan, Dory, ay manahimik ka na lang!” saad pa ng mister.
Pagkalibing ng kaniyang ama ay sinakatuparan na ni David ang kaniyang plano sa kaniyang inang si Lily. Lihim na ibinenta ni David ang bahay at pinaniwala ang kaniyang ina na isasama niya ito patungong ibang bansa.
“‘Nay, tapos na ba kayong mag-empake? Tara na at mahuhuli na tayo sa byahe. Baka iwan tayo ng eroplano,” saad ni David.
“Masayang masaya ako, anak, at isasama mo ako sa ibang bansa. Hindi ko alam na ganito lang pala kadali mag-ayos ng mga papeles. Kahit na malungkot pa rin ako dahil sa pagkawala ng tatay mo ay masaya na rin dahil makakasama na kita,” saad naman ni Aling Lily.
Nang marinig ito ni Dory ay wala na siyang nagawa kung hindi mapapikit na lamang dahil nakukunsensya na siya. Ngunit mas nananaig ang takot niya sa mister na si David.
“Manahimik ka riyan, Dory, kung ayaw mong parehas tayong pulutin sa lansangan,” saad ng ginoo.
Paniwalang paniwala si Aling Lily na isasama siya ng kaniyang anak. Pawang mahahalagang gamit lamang ang kaniyang dinala.
“‘Nay, tara na ho at baka maiwan pa tayo ng eroplano!” banggit ulit ni David.
“Sandali lang, anak, may naalala kasi akong ibinilin sa akin ng tatay mo. Kaso hindi ko makita. Alam ko narito lang iyon sa tukador,” wika pa ni Aling Lily.
“Hayaan n’yo na po, ‘nay, tara na at baka hindi pa matuloy ang lakad natin!” muling sigaw ng anak.
Nagkukumahog si Aling Liliy na sumakay ng taxi. Dahil matanda na ay hindi na gaanong nakakalabas at hindi na nakakabyahe nang malayo itong si Aling Lily. Namamangha siya sa mga matatayog na gusali na ngayon lang niya nakita.
Maya-maya ay tumigil ang isang sasakyan.
“Bumaba na kayo, ‘nay, narito na tayo,” saad ni David.
Nagmamadaling bumaba naman ng sasakyan ang matanda. Ngunit pagkababa niya ay siya ring harurot ng sasakyan paalis.
“David! David! Anong nangyayari? Huwag n’yo akong iwan rito! David! Dory!” walang tigil sa kakasigaw ang matanda.
Ngunit kahit anong lakas pa ng kaniyang sigaw ay hindi na siya binalikan pa ng kaniyang anak.
Labis ang pagtangis ni Aling Lily nang makita niya sa kaniyang likuran ang pasilidad para sa mga matatandang wala nang pamilya.
“H-hindi, hindi ako tutuloy rito dahil may sarili akong bahay. Kailangan ay makauwi ako. Kailangang matawagan ko si David at tanungin kung bakit niya ito ginawa sa akin!” umiiyak na saad ng matanda.
Dahil walag dalang pera si Aling Lily ay patuloy lang siyang naglakad. Lutang man ang isip at hindi alam kung saan ang tungo ay patuloy na binaybay ng matanda ang kalsada. Pagod, gutom at uhaw na ang kaniyang nararamdaman. Hanggang sa nagdidilim na ang kaniyang paningin at saka siya tuluyang nahim*tay.
“Ale! Ale! Ayos lang po ba kayo? Naririnig n’yo ba ako? Saklolo! Tulungan n’yo ako!” sigaw ng natatarantang street sweeper na si Minda.
Pilit niyang iniupo sa may lilim ang matanda. Nang mahimasmasan si Aling Lily ay binilhan siya ni Minda ng tubig at tinapay.
“Pasensya na po kayo at iyan lang ang nakayanan ng pera ko. Kung mamarapatin po ninyo, nais ko lang pong malaman kung ano po ang ginagawa niyo rito? Mukha naman pong hindi kayo palaboy dahil sa itsura n’yo,” pagtataka ni Minda.
Muling napaluha si Aling Lily dahil naalala niya ang ginawa ng kaniyang anak. Inilahad niya kay Minda ang lahat ng nangyari sa kaniya. Labis ang pagkahabag ni Minda sa kaawa-awang matanda.
“Sa amin na po muna kayo magpalipas ng gabi. Maliit lang po ang bahay namin. Kasama ko po ang tatlo kong anak. Pero mababait naman sila kahit may kakulitan. Doon na po muna kayo sa amin kaysa dito kayo sa kalsada abutan ng dilim. Bukas po ay sasamahan ko kayo na hanapin ang bahay n’yo,” paanyaya ni Minda.
Agad na nagtiwala si Aling Lily sa ginang. Kahit na maliit ang bahay nila Minda at ng kaniyang mga anak ay batid mong masaya silang pamilya. Hindi maiwasang mainggit ni Aling Lily dahil ramdam niya ang pagmamahal ng mga bata kay Minda.
“Wala pang isang taon nang yumao ang asawa ko dahil sa matinding karamdaman. Kaya heto, mag-isa ko lang silang binubuhay. Kahit simple lang ang pamumuhay namin at madalas ay kapos, masaya pa rin dahil narito ang mga anak ko,” sambit ni Minda.
Lalong napahagulgol si Aling Lily. Napakasakit kasi ng ginawang pag-iwan sa kaniya ng kaniyang anak.
Kinabukasan ay nangutang lamang si Minda para ihatid sa bahay itong si Aling Lily. Pagdating nila sa tinitirhan ng matanda ay laking gulat nila na may iba nang nakatira doon.
“A-ano ang ginagawa n;yo sa pamamahay ko? Magsilayas kayo!” bulyaw ni Aling Lily sa mag-asawang naroon.
“Ibinenta na sa amin ni David ang bahay na ito. H-hindi n’yo po ba alam?” pagtataka ng ginoo.
Ang akala ni Aling Lily ay wala nang mas sasakit pa sa pang-iiwan sa kaniya ng anak. Lalo pa pala ang pagbebenta nito ng kaniyang bahay.
“Alam ko wala na akong magagawa pa dahil nabayaran n’yo na ito. Baka p’wedeng kunin ko lang ang ibang mahahalaga kong gamit, lalo na ang mga alaala ng asawa ko. May hahanapin lang din akong sobre. Ibinilin ito sa akin ng asawa ko. Baka kasi gumawa siya ng liham para sa akin. Sa ganoong paraan man lang ay maalala ko siya,” pakiusap ng matanda.
Pinahintulutan naman ng bagong may-ari itong si Aling Lily na kunin ang kaniyang mga gamit. Sa paghahalungkat ng matanda ay sa wakas nakita rin niya ang matagal nang hinahanap na sobre.
Mabigat man sa dibdib ay nilisan na ni Aling Lily ang bahay na iyon.
“Doon na muna po kayo sa amin, Aling Lily, hanggang wala pa kayong nakikitang malilipatan. Hayaan n’yo po at tutulungan ko kayong humanap ng kamag-anak para maalis kayo sa ganitong sitwasyon. Sa ngayon ay tiis-tiis na lang po muna sa kung ano ang mayroon tayo sa bahay,” saad ni Minda.
“Pasensya ka na at naging pabigat pa tuloy ako sa iyo. Ni hindi mo naman ako kaanu-ano pero narito ka para tumulong sa akin. Napakabuti mong tao, Minda. Sana ay masuklian ko rin kahit paano ang busilak mong puso,” wika naman ng matanda.
Pag-uwi sa bahay ni Minda ay agad na nagpahinga si Aling Lily. Naalala niya ang sobre na iniwan ng kaniyang asawa. Agad niya itong hinanap sa kaniyang bag at saka dahan-dahang binuksan.
Laking gulat niya ng makakita ng mga dokumento.
“Akala ko pa naman ay nag-iwan ng sulat ng pag-ibig ang asawa ko,” pagkadismaya ni Aling Lily.
Ngunit nang basahin niya ang dokumento ay laking gulat niya nang makita na iniwanan pala siya ng kaniyang asawa ng sampung milyong piso! Lingid pala sa kaalaman ng ginang ay matagal nang nagbabayad ng insurance at nag-impok din ito sa banko.
Hindi makapaniwala si Aling Lily sa kaniyang nakita.
Ang una niyang ginawa sa pera ay binili niyang muli ang dati niyang bahay sa mag-asawang nakatira na rito. Isinama naman ni Aling Lily sina Minda at tatlo nitong anak nang sa gayon ay maging maayos naman ang titirhan ng mga ito.
Hindi nagtagal ay nabalitaan ng anak na si David ang nangyaring ito kay Aling Lily. Agad siyang nagbalik sa Pilipinas upang humingi ng kapatawaran sa kaniyang ina.
“Hindi ko naman talaga gusto na iwan kayo, ‘nay. Nagipit lang talaga ako,” saad ni David sa ina.
“Huwag kang mag-alala, David, kapag yumao ako ay iiwanan pa rin kita ng mana. Anak kita kaya hindi kita pababayaan na mawalan. Ngunit asahan mo nang mas malaki ang iiwan ko sa mag-iinang ito. Dahil kahit hindi nila ako kaano-ano ay pinatuloy nila ako na parang matagal na nila akong kakilala. Hindi nila ako itinuring na iba. Hindi tulad ng sarili kong anak,” sambit ni Aling Lily.
Limang daang libong piso lamang ang iniwan ni Aling Lily sa kaniyang anak na si David at ang lahat ng natirang pera, gamit at ang buong bahay ay ibinigay na ni Aling Lily kay Minda at sa mga anak nito.
Labis man ang pagtutol ni David ay wala siyang magawa dahil sa kakarampot na salapi ay kaya niyang talikdan ang kaniyang ina.
“Labis-labis po ang inilaan n’yo para sa amin ng mga bata, Aling Lily,” nahihyang sambit ni Minda.
“Minda, ito na ang bawi ko sa lahat ng magagandang itinulong mo sa akin. Alam kong iingatan mo ang lahat ng ito. Nawa’y makatulong ito sa inyo ng mga bata nang sa gayon ay maranasan n’yo rin ang ginhawa ng buhay. Simula ngayon, kayo na ang pamilya ko,” saad ni Aling Lily kay Minda.
Walang hanggan ang pasasalamat ni Minda dahil ngayon ay mas mabibigyan na niya ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak.