Inday TrendingInday Trending
Labis ang Pagyayabang ng Ginoo dahil sa Bagong Sasakyan; Isang Matandang Lalaki ang Magbibigay sa Kaniya ng Aral na Hindi Niya Malilimutan

Labis ang Pagyayabang ng Ginoo dahil sa Bagong Sasakyan; Isang Matandang Lalaki ang Magbibigay sa Kaniya ng Aral na Hindi Niya Malilimutan

“Magsitabi nga kayo sa daan! Kapag nagasgas ang sasakyan ko ay mga wala naman kayong pambayad! Mga inutil!” walang habas na pinagbubusinahan ni Saldy ang mga pampasaherong dyip at traysikel na humaharang sa kaniyang daraanan.

Simula nang mailabas sa kasa ni Saldy ang sasakyang kaniyang pinapangarap ay ubod na ito ng yabang. Kahit na hindi pa man nababarayan ng buo ang kotse ay iba na kung umasta ang ginoo. Labis naman itong kinaiinis ng kaniyang asawang si Mayeth.

“Saldy, baka mamaya ay makahanap ka ng katapat mo. Huwag ka ngang masyadong mainitin ang ulo sa kalsada. Mahirap nang magkaroon ng kaaway,” payo ng misis nito.

“Tigilan mo ako, Mayeth, at mainit ang ulo ko. Alam nilang bagong bago itong kotse ko ay ayaw magsitabi. Kapag nagasgasan ba ito ay mapapagawa nila? Hindi! Ako lang ang mapeperwisyo at ako pa ang maaabala!” saad pa ni Saldy.

“Makakahanap ka kasi ng kaaway mo dahil sa ginagawa mong ‘yan. Kaya pakiusap ko sa’yo, hangga’t maaari ay lamigan mo lang ang ulo mo. Huwag kang masyadong mainit sa kalsada,” muling sambit ni Mayeth.

Madalas kasing makatanggap ng reklamo itong si Saldy tungkol sa pagiging mainitin ng kaniyang ulo lalo na pagdating sa kaniyang sasakyan. Ngunit kahit anong payo ng misis ay hindi nakikinig itong si Saldy. Mas iniisip niya pa na baka magasgasan ang sasakyan kaysa baka mapahamak ang kanilang mga buhay.

Labis naman itong ipinag-aalala ni Mayeth. Alam niyang isang araw ay baka kung ano na lang ang mangyari sa kaniyang asawa.

“Saldy, kung ako sa iyo ay babaguhin ko na ang ugali ko. Tandaan mo na ang lahat ng gawin natin sa mundong ito ay may katumbas. Kung gumawa ka ng mabuti ay kabutihan rin ang babalik sa iyo. Kapag naman nagtanim ka ng hindi maganda ay ganoon din ang babalik sa’yo,” sambit ng ginang.

“Tigilan mo ako sa mga sinasabi mong ‘yan, Mayeth. Bakit, iyong mga mababait ba ay hindi nagagawan ng masama? Ibig mo bang sabihin ‘yung mga nababalitaan nating napap@slang ay dahil masasama silang tao? Tigilan mo nga ako sa mga kasabihan mong ‘yan, Mayeth! Hindi mo naiintindihan ang mga ginagawa ko dahil kapag nasira ang sasakyan ay hindi naman ikaw ang magpapagawa kung hindi ako, ‘di ba? Isa pa, hindi pa nga ‘yun bayad kaya dapat lalo kong ingatan!” depensa naman ng ginoo.

Napapailing na lamang si Mayeth sa katwiran ng kaniyang asawa.

Isang araw ay umuwi na namang nakasimangot at mainit ang ulo itong si Saldy.

“O, ano na naman ang nangyari? Huwag mo sabihin sa aking may nakaaway ka na naman sa daan?” bungad ni Mayeth sa asawa.

“Hindi! Naiinis ako sa kompanya dahil bigla na lang magtatanggal ng mga empleyado at kabilang ako. Kaya inunahan ko na sila, nagbigay na ako ng resignation letter! Ako pa ang iisahan nila!” tugon ni Saldy.

“Naku, paano na ngayon ‘yan? Saan na tayo kukuha ng ipambabayad sa kotse natin?” pag-aalala ni Mayeth.

“Ako na ang bahala. Akala ata ng dati kong pinagtatrabahuhan ay sila lang ang kompanya rito sa Pilipinas. Hindi ako magmamakaawang bumalik sa kanila. Kayang kaya kong humanap ng ibang trabaho! Sa katunayan nga ay may interbyu na ako sa makalawa. Bahala sila sa buhay nila dahil kawalan nila ako!” dagdag pa ng ginoo.

“Sana naman sa susunod mong trabaho ay paghusayan mo na. Matuto ka kasing makisama, Saldy. Huwag palaging mayabang at mainitin ang ulo mo. Baka mamaya ay hindi ka na makahanap ng trabaho niyan,” payo pa ng misis na siya namang sininghalan lang muli ni mister.

Dumating ang ikalawang araw at nagmamadaling nagtungo si Saldy sa kaniyang interbyu. Dahil naabutan ng masikip na daloy ng trapiko ay labis na naman ang init ng ulo nito.

Panay ang tingin niya sa kaniyang orasan dahil mahuhuli na siya. Ayaw pa naman niyang mangyari ito dahil baka maging masama agad ang tingin sa kaniya ng may-ari ng kompanya.

Nang makarating sa patutunguhan ay agad na naghanap ng paparadahan ng sasakyan itong si Saldy. Inis na inis na naman siya sapagkat puno na ang parking lot ng umagang iyon.

“Kapag minamalas ka nga naman!” saad ni Saldy sabay hampas sa manibela.

Habang naghahanap ng mapaparadahan ay may isang lumang sasakyan na may lulang matandang lalaki ang nasa unahan ng sasakyan ni Saldy at nagmamaneobra.

Imbis na maghintay ay bumusina nang bumusina si Saldy at saka niya inunahan sa pwesto sa paradahan ang matanda.

“Pasensya na at babagal-bagal ka kasi. Hindi p’wedeng sa iba ko iparada ang sasakyan ko at baka magasgasan. Kung gusto mo ay doon ka na lang sa tabing kalsada dahil baka kapag nabangga ang sasakyan mo ay ikaw pa ang magbayad sa sobrang luma niyan! O siya, aalis na ako at maghanap ka na lang ng mapaparadahan, tanda, mahuhuli na ako sa interbyu ko, e!” pagmamayabang muli ni Saldy.

Pagpasok ni Saldy sa opisina ay kinakabahan siya dahil huli na siya. Laking gulat niya nang sabihin ng receptionist na hindi pa dumadating ang kaniyang amo.

“Maghintay lamang po kayo sandali sa silid na ito, ginoo. Maya-maya po ay narito na ang may-ari ng kompanya at siya po mismo ang mag-iinterbyu sa iyo,” saad ng babae.

Nakahinga nang maluwag si Saldy dahil naunahan pa niya ang may-ari ng kompanya. Kompyansa na siyang muli na maipapasa niya ang interbyu.

Maya-maya ay nariyan na ang receptionist at tinatawag na si Saldy upang pumasok sa tanggapan ng may-ari ng kompanya.

“Nasa kaniyang tanggapan na po si Sir Henry Zamora. Halina po kayo para masimulan na ang interbyu,” saad muli ng dalaga.

Pagpasok pa lang ni Saldy sa tanggapan ng may-ari ng kompanya ay nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang matandang lalaking may lumang sasakyan na kaniyang pinagsalitaan ng hindi maganda sa parking lot.

“Aba’y nagkita tayong muli, ginoo. Hindi ko akalain na sa ganitong pagkakataon tayo muling magtatagpo,” saad ni Ginoong Zamora.

“P-patawad po, ginoo. Hindi ko kasi alam na kayo ang may-ari ng kompanyang ito,” paghingi ng paumanhin ni Saldy.

“Ibig mong sabihin ay kung hindi ako nakakaangat na indibidwal ay may karapatan ka nang lait-laitin at alipustahin ako? Pasensya ka na rin, Ginoong Saldy Diaz, ngunit hindi ko matatanggap ang isang tulad mo sa kompanyang ito. Makakaalis ka na,” sambit pa ng matanda.

“N-ngunit bigyan n’yo pa ako ng isang pagkakataon dahil kailangan ko talaga ang trabaho na ito. Kailangan ko po ito para may pambayad ako sa sasakyan ko! Parang awa n’yo na po!” wika muli ni Saldy.

“Ang lakas mong magyabang gayong hinuhulugan mo pa pala ang iyong sasakyan. Inalipusta mo ang sasakyan ko dahil luma na. Para sabihin ko sa iyo ay binili ko ‘yun at binayaran nang buo. Luma man ay gumagana pa rin. Talagang wala sa panlabas na anyo ang tunay na antas ng tao,” napapailing na sambit ni Ginoong Zamora.

Kahit anong pagmamakaawa ni Saldy ay buo na ang desisyon ng matanda na hindi siya tanggapin sa kompanya. Ikinwento na rin ito ni Ginoong Zamora sa iba niyang kaibigang negosyante kaya nahirapan rin si Saldy na makahanap ng trabaho dahil mabilis na kumalat ang sama ng ugali nito.

“Wala na tayong ibabayad sa kotseng ‘yan, Saldy, kaya ibalik mo na ‘yan sa banko! Iyan ang dahilan kung bakit ka rin nawalan ng trabaho. Sana naman sa pagkakataong ito ay makinig ka na sa akin. Baguhin mo na ang ugali mo nang sa gayon ay katuwaan ka naman ng mga taong nakapaligid sa iyo!” sambit namn ni Mayeth.

Hinatak na ng banko ang sasakyan ni Saldy at nagbalik na sa dati ang kaniyang pamumuhay. Naghahanap siya ngayon ng trabaho na namamasahe lamang sa mga pampublikong sasakyan. Damang-dama niya ang hirap at pagod. Ngayon, siya naman ang binubusinahan ng mga taong may magagarang sasakyan kapag ayaw niyang tumabi.

Labis na pinagsisishan ni Saldy ang kaniyang pagiging mayabang. Nagsilbing aral ito sa kaniya upang baguhin ang kaniyang hindi magandang pag-uugali. Kung nakinig lamang siya noon kay misis ay hindi na sana umabot sa ganito ang lahat.

Advertisement