
Tutol ang Ina na Makapangasawa ng Anak ng Kasambahay ang Panganay Niya; Paglipas ng Panahon ay Pagsisisihan Niya Ito
“Ang dami-dami naman diyang iba, Bryan, bakit ‘yang anak pa ng katulong ang napili mo?! Magiging kahihiyan sa pamilya natin kapag kumalat na ang kasintahan mo ay isang anak ng kasambahay!” saad ni Vivian sa kaniyang panganay na anak.
“‘Ma, mabuting babae si Lumen. Nasa kaniya ang lahat ng katangian na hinahanap ko sa isang babae. Subukan n’yo munang kilalanin siya bago n’yo siya husgahan,” saad naman ni Bryan.
“Sapat na sa akin ang malaman kung gaanong kababa ang trabaho ng kaniyang ina. Hindi ako makakapayag sa relasyon n’yo, Bryan! Dadaan kayo sa butas ng karayom bago n’yo makuha ang basbas ko!” sambit muli ng ina.
“Tama na ho, ‘ma, may edad na ako kaya pabayaan n’yo na ako. Isa pa, buhay ko naman ito. Ako naman ang makikisama sa kaniya at hindi kayo!” saad muli ng binata.
Labis ang inis ni Vivian sa pagsuway sa kaniya ng panganay na anak. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi magiging madali para sa dalawa ang magiging relasyon nila.
Isang araw, habang naglalaro ng mahjong ay kinastigo ng kaniyang mga amiga itong si Vivian.
“Kunwari ka pang pinag-aral mo sa sikat na paaralan at hinigpitan o, ayan tuloy, sa anak lang ng isang kasambahay napunta ‘yang si Bryan! Pagkakataon nga naman, Vivian!” natatawang sambit ng isang kaibigan.
“Nagrerebelde lang sa akin ‘yang si Bryan kaya ganiyan siya. Paglalaruan lang niya ang babaeng ‘yan! Kilala ko ang anak ko, hindi siya seryoso sa relasyon nila!” bwelta naman ng ginang.
Ngunit laking gulat ni Vivian nang tuluyang ipakilala sa kaniya ng anak ang kasintahan nito. Lalo niyang ikinagulat ang mga susunod nitong sasabihin.
“K-kasal? Walang ikakasal, Bryan! Tigilan mo ang kahibangan na ‘yan! Nasa talampakan na ba talaga ang utak mo kaya ka nakakapagdesisyon ng ganiyan? Lolokohin at gagamitin ka lang ng babaeng ‘yan!” bulyaw ni Vivian sa anak.
“Tigilan n’yo na, ‘ma! Huwag n’yo ngang pagsalitaan nang masama ang babaeng mahal ko. Bakit hindi n’yo muna siya subukang kilalanin para malaman n’yo kung bakit ba talaga ako napamahal sa kaniya? Subukan n’yong bigyan ng pagkakataon saka niyo makikita na hindi lang maganda ang panlabas na itsura nitong si Lumen kung hindi mabuti rin ang kaniyang puso,” pahayag ni Bryan.
“Tigilan mo ako ng mga sinasabi mo, Bryan! Walang ikakasal! Hindi ako makakapayag na yurakan mo ang dangal ng pamilya natin! Hindi ako makakapayag na sa isang hamak na anak ng katulong ka lamang mapupunta! Hindi kita pinag-aral sa magagandang eskwelahan para lamang maging katatawanan!” sambit muli ng ina.
“Kung hindi kayo makakapayag sa pag-iibigan namin ay wala na po akong magagawa, ‘ma. Lilisanin ko na po ang tahanan na ito at saka ko itutuloy ang pagpapakasal kay Vivian,” mariing tugon ng binata.
At ganito nga ang ginawa ni Bryan. Hindi na siya napigilan pa ni Vivian na tuluyang pakasalanan si Lumen. Naging maganda ang kanilang pagsasama at napuno ng pagmamahalan ang kanilang relasyon.
Hanggang sa isang araw, bigla na lamang nagkaroon ng matinding karamdaman itong si Bryan.
“Kailangan niyang maoperahan kaagad para matigil na ang impeksyon. Kailangan na niyang sumailalim sa isang kidney transplant,” saad ng doktor.
Nang malaman ni Vivian ang nangyari sa kaniyang anak ay agad itong napasugod sa ospital.
“Saan naman tayo kukuha ng panibagong bato para kay Bryan?” umiiyak na tanong ng ginang.
Hindi nagdalawang-isip si Lumen na na sabihing kaya niyang isakripisyo ang isa niyang bato para sa iniibig.
Ang akala ng lahat ay mapapabuti na ang lagay ni Bryan. Ngunit pagkatapos ng operasyon ay hindi pa rin umayos ang lagay nito. Hanggang sa tapatin sila ng doktor na hindi na talaga magtatagal ang buhay ni Bryan.
Labis na lungkot ang naramdaman ng bawat isa. Lalo na si Lumen dahil saglit pa lamang niyang nakakasama ang asawa.
Ginawa ni Lumen ang lahat para ipakita kay Bryan ang kaniyang pagmamahal. Hindi siya umalis sa tabi nito hanggang sa tuluyan na itong sumakabilang buhay.
Sa tingin ni Vivian ay matatapos na rito ang ugnayan nila ni Lumen. Alam niyang ngayong wala na ang anak ay kukuhain na ni Lumen ang lahat ng ari-arian na mayroon ito at saka mag-aasawang muli.
Ngunit lumipas ang taon at napahiya si Vivian sa kaniyang akala.
“Bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin inilalagay sa pangalan mo ang mga ari-arian at pera na naiwan ng anak ko?” pagtataka ni Vivian.
“Hindi naman po yaman ang minahal ko kay Bryan kung hindi ang kaniyang pagkatao. Aanhin ko po ang lahat ng iyan kung wala na siya? Galing ako sa hirap kaya kaya kong mabuhay ng sapat lang. Sa inyo na po ang lahat ng yaman na iyan dahil hindi naman niyan maibabalik ang buhay ng pinakamamahal ko!” umiiyak na sambit ni Lumen.
Lumipas ang mga taon at hindi na nag-asawa pa si Lumen. Halos walang araw na hindi ito nagpunta sa puntod ng yumaong asawa.
Doon ay napatunayan ni Vivian ang sinabi ng kaniyang anak. Tunay nga ang pag-ibig ni Lumen kay Bryan. Labis na nagsisisi si Vivian dahil hindi man lamang niya nagawang pagbigyan ang anak noong nabubuhay pa ito.
Bilang pagganti sa lahat ng pagmamatigas na ginawa ni Vivian noon kay Bryan, tuluyan na niyang ibinigay kay Lumen ang mga naiwang yaman ng anak.
“Gamitin mo ang pera na ito upang mabuhay ka nang masagana. Nais ng anak ko na mapasa iyo ang lahat ng ito dahil alam mo naman kung gaano ka niya kamahal,” lumuluhang saad ni Vivian kay Lumen.
Ngunit hindi ito tinanggap ni Lumen. Mas pinili na lamang niyang mamuhay nang simple habang inaalala ang masasayang alaala ng kaniyang yumaong minamahal.