Inday TrendingInday Trending
Mangiyakngiyak ang Panganay na Kapatid nang Makita ang Iniwang Pera ng Bunso; Ito Pala ang Dahilan ng Kaniyang Emosyon

Mangiyakngiyak ang Panganay na Kapatid nang Makita ang Iniwang Pera ng Bunso; Ito Pala ang Dahilan ng Kaniyang Emosyon

Nagmamadaling bumaba si Chollin sa kusina upang kumain na at late na naman siya sa kaniyang trabaho. Napuyat siya kagabi dahilan kaya tinanghali siya ng gising. Gusto na niyang magwala at pagalitan ang ina nang mapansin ang nakatuping sobre sa may maliit na lamesa sa sala at nakapangalan iyon sa kaniya.

“Ano ito?” takang tanong niya sa sarili.

Natuon ang buo niyang atensyon sa sobreng nakapangalan sa kaniya at nawala ang pagkataranta na kani-kanina lang ay nasa buo niyang sistema. Binuksan ang sobre upang tingnan kung ano ang nasa loob niyon. At labis siyang namangha sa nakitang laman ng sobre… limang libong piso.

“Kanino ito galing?” aniya sa sarili.

“Ate, hindi na kita ginising kanina bago umalis kasi alam kong pagod at puyat ka noong nakaraang gabi, kaya iniwan ko na lang rito ang perang nais kong ibigay sa’yo. Pandagdag, ate, para sa mga gastusin sa bahay. Unang sahod ko iyan,” anang maliit na pirasong papel kung saan nakasulat ang sulat-kamay ng kaniyang bunsong kapatid na si Chito.

Maluha-luha ang kaniyang mga mata habang tinititigan ang hawak na sobre at limang libong pisong pera na galing sa kaniyang kapatid. Hindi niya kailanman inaasahan na gagawin ito ni Chito. Kaka-graduate lamang ng kapatid at wala pa nga yatang isang buwan mula noong nakahanap ito ng trabaho.

Kaya sino ang mag-aakala na babawi agad ito sa kaniya ngayong may trabaho na ito? Lima silang magkakapatid at silang dalawa ni Chito pa lang ang nakapagtapos ng pag-aaral at may trabaho.

Bilang panganay sa lahat, natural lamang sa kaniyang isip ang salitang responsibilidad. Noon pa man ay tanggap niya na iyon, bilang siya ang panganay sa pamilya. Siya ang tumutulong at kailanman ay hindi naghintay ng kapalit. Masaya na siyang makita na lahat ng kapatid niya’y mapagtapos niya ng pag-aaral, doon pa lang ay wala na siyang pagsisisihan dahil nagawa na niya ang kaniyang tungkulin bilang panganay na anak.

Pero ngayong may Chito na siyang makakatuwang at handa siyang tulungan, mas nais niyang humaguhol ng iyak.

“Chito, sigurado ka ba doon sa iniwan mong pera? Baka may paggagamitan ka pa, pwede naman na ako na muna sa gastusin, kaya pa naman ni ate,” kausap niya sa kapatid sa kabilang linya.

“Sus! Ibinigay ko na iyan sa’yo kasi naka-budget na iyan para sa gastusin sa bahay, pandagdag kumbaga. Ikaw na ang bahala r’yan ate, basta sa’yo na iyan at ikaw na ang bahalang mag-budget,” ani Chito. “Ngayong may trabaho na ako, hindi ka na mag-isa sa lahat ng gastusin kasi tutulungan na kita. Kaya huwag mo na akong alalahanin, nagtira ako ng budget para sa sarili ko,” dugtong pa nito.

Wala sa loob na napangiti si Chollin, ang saya-saya ng puso niya dahil may kapatid siyang kagaya ni Chito, na alam ang ibig sabihin ng obligasyon at responsibilidad, kahit hindi naman niya iyon hinihingi sa kapatid. Kaya ipinagmamalaki niya ito, lalo na ngayon. Loko-loko si Chito, pero mula noon hanggang ngayon ay naaasahan niya talaga ito bilang ito ang sumunod sa kaniya. Hindi lang naman si Chito ang gano’n, dahil halos lahat naman ng kapatid niya ay hindi mahilig umasa na talaga namang ipinagpapasalamat niya.

“Masaya ako kasi gan’yan ka, Chito. Kahit loko-loko ka noon, talaga namang mabait ka’t masunurin sa ate. Ipagpatuloy mo lang iyan at ako mismo ang magiging proud sa’yo,” aniya.

“Oh! Bakit para kang umiiyak?” biro ni Chito sa kaniya.

“Bakit ba? Ipinagmamalaki kasi kita kaya gusto kong humagulhol ng iyak ngayon,” aniya.

Hindi rin niya alam kung bakit ang sipag ng mga mata niyang umiyak sa araw na ito. Pero totoong bilib siya sa kapatid, hindi dahil sa kakayahan nitong tulungan siya, kung ‘di dahil alam niyang kaya na nitong tumayo sa sarili nitong mga paa. At iyon ang mas mahalaga.

“I love you, kapatid. Mahal na mahal ko kayo,” mangiyakngiyak na sambit ni Chollin.

“Mahal na mahal ka rin namin, ate, kasi wala kaming pagpipilian e. Ikaw ang pinaka-ate, kaya wala kaming pagpipilian kung ‘di ang mahalin ka,” natatawang biro ni Chito.

Natawa na lamang si Chollin sa sinabi ng kapatid.

Masarap sa pakiramdam kapag nakikita mong gumagawa ng paraan ang mga kapatid mo na makatulong sa inyong pamilya. Pero bilang isang panganay, wala silang ibang hinihiling kung ‘di ang makitang nasa maayos na lagay ang kanilang mga kapatid.

Advertisement