
Kinaiingitan Siya ng mga Katrabaho Dahil Hindi Nanghihingi sa Kaniya ang mga Magulang; Sasabihin Niya sa mga Ito ang Kaniyang Rason
“Uy, positive na raw ang sahod natin!” ani Vilma, ang kasama niya sa trabaho. “Dadaan na naman ito saglit sa kamay ko at maya-maya lang ay kung saan-saan na ito pupunta, gaya na lang sa mga bayad sa utang, bayad sa bahay, tubig, kuryente at padala sa probinsya. Hay! Ano ba namang buhay ito oh! Kumakayod para lamang mabuhay. Kailan kaya ako yayaman?” dugtong pa nito na animo’y may hinanakit sa buhay.
“Asus! Ikaw lang ba ang gan’yan, Vilma? Pare-pareho lang kaya tayo ‘no!” singit naman ni Lorna, isa sa kasamahan niya sa trabaho. “Parang si Kathy nga lang yata ang ma-swerte sa’ting lahat dito, kasi siya lang ‘yong wala masydong pinaglalaanan ng sahod,” anito, baling sa kaniya.
Tama naman si Lorna, sa kanilang lahat ay siya lamang ang halos hindi namomroblema sa buhay at pera. Hindi naman kasi nanghihingi ang mga magulang niya at wala rin siyang binabayarang bahay, dahil hanggang ngayon ay sa kaniyang mga magulang pa rin naman siya nakatira.
Nagbibigay naman siya ng pambayad sa tubig at kuryente, pero minsan ay tinatanggihan siya ng mga magulang niya kaya halos lahat ng sahod niya’y naiipon niya at madalas ay hindi nagagalaw. Nakukuhanan lamang niya ito ng mga personal niyang kailangan.
“Gan’on talaga kapag mayaman,” ani Vilma.
“Uy, hindi kami mayaman ah,” ani Kathy. “Sakto lang,” dugtong niya saka nginitian ang mga kasamahang hindi man lang naging masaya sa mga sari-sariling sahod.
“E ‘di ikaw na ‘yong sakto lang at kami na ang gipit,” birong totoo ni Lorna.
Nagsitawanan na lamang silang lahat dahil sa sinabi ni Lorna.
“Hindi kasi umaasa sa’min ang mama at papa ko. Kapag magbibigay kami sa kanila ng pera pambudget sa bahay ay minsan tinatanggihan nila, maliban kung may mga malalaking gastos sa bahay gaya na lang ng kasal, kaarawan o ‘di kaya mga selebrasyon na kailangan ng malakihang budget, doon lamang sila nanghihingi. Pero hangga’t maaari ay pinipilit pa rin nilang tugunan ang pangangailangan naming magkakapatid. Dahil sabi naman nila mga magulang namin sila at anak nila kami,” paliwanag ni Kathy.
“Sana all,” sabay-sabay na sambit ng mga kasamahan niya.
Manipis na ngumiti si Kathy saka muling nagpatuloy. “Sabi kasi nila, pinag-aral daw nila kami, hindi para iahon sila sa kahirapan, o para kapag tumanda na sila ay may mga anak na bubuhay sa kanila.”
Mataman namang nakinig sa kaniya ang mga kasamahan kaya muli siyang nagpatuloy.“Lima kaming magkakapatid at lahat kami’y pinag-aral ng mga magulang namin, hanggang sa makapagtapos ang ate ko at makahanap ng magandang trabaho, kailanman ay hindi nanghingi ang mama at papa ko sa kaniya para pandagdag ng tuition namin. Pinilit nilang itaguyod kami sa sarili nilang sikap. Ngayong kaming lahat ay nakapagtapos na at may kaniya-kaniyang trabaho, dapat oras na namin para bumawi sa kanila’y hindi naman nila kami pinapayagan,” mahaba niyang wika.
“Sana ganyan rin ang pamilya ko,” ani Lorna.
“Sana nga,” segunda naman ni Vilma.
Ngumiti na lamang si Kathy sa sinabi ng mga kasamahan. Wala pang mga asawa sina Vilma at Lorna, pero animo’y pasan na ng mga ito ang daigdig kung umasta.
Kailanman ay hindi umasa sa kanila ang kaniyang mga magulang o kahit ang mga kapatid niya’y hindi naging tamad at nagsumikap sa buhay. Kung tutuusin ay kaya nilang magkakapatid na gawin ang bagay na iyon ngunit ayaw ng mga ito. Ang dahilan nila, hindi kailanman obligasyon ng mga anak na buhayin ang kanilang mga magulang. Bilang mga magulang ay obligasyon nilang pakainin, pag-aralin, at palakihin ang mga anak nila, hindi iyon kailanman obligasyon ng mga anak sa mga magulang.
Kung may ibigay ang mga anak ay salamat, at kung wala naman ay maraming salamat pa rin.
Kaya ang paraan nilang magkakapatid upang makabawi sa mga magulang ay sila na mismo ang nag-aambagan upang bilhan ng malaking bahay at lupa ang mga magulang at sa isang taon ay dalawang beses nilang ipinapasyal ang mga magulang sa ibang bansa. Sa ganoong paraan ay hindi na nakakatanggi ang mga magulang nila.
“Pero wala namang dapat ikalungkot kung kayo ang inaasahan ng mga magulang niyo. Isipin niyo na hindi lang naman kayo ang ganyan, marami kayo at pagpapalain pa kayo palagi dahil sa inyo umaasa ang mga magulang niyo,” ani Kathy.
“Sabagay, tama ka naman d’yan,” sang-ayon naman ng mga ito.
Maswerte ka kung hindi ka kailanman inobliga ng mga magulang mo sa pinansyal na bagay. Maswerte pa rin naman ang mga anak na inako na ang obligasyon ng kanilang mga magulang dahil sila ay tiyak na pagpapalain din ng Maykapal at makakatikim din ng ginhawa dahil sa kanilang mga sakripisyo para sa kanilang pamilya.