
Kung Tratuhin Siya ng Kasama sa Trabaho’y Animo’y Isa Siyang Alipin; Pahiya Ito nang Malaman ng Totoong Boss ang Ginagawa
Maaga pa lang at kasisimula pa lang ng araw pero pakiramdam ni Manuel ay pagod na pagod na siya at parang gusto na lamang ilatag ang katawan at buong araw na magpahinga.
“Manuel, ipa-print mo nga itong mga papeles na ito at pagkatapos mong gawin iyan ay bumalik ka sa’kin at timplahan ako ng kape,” utos ni Carlo, ang kaniyang senior sa trabaho.
Kumbaga nauna ito sa kaniya at matagal na itong nagtatrabaho sa kumpanya, samantalang siya ay mag-iisang taon pa lamang sa trabaho, kaya kung ituring siya ng lalaki’y animo hindi sila parehong trabahante. Ang siste ay parang ito ang kaniyang amo, habang siya ang alalay nito.
Halos lahat ng gawain nito ay sa kaniya ipinapasa at ipinapagawa, dahilan kaya sobrang bagsak ng kaniyang katawan. Minsan pa nga’y kahit hindi na niya trabaho ay inuutos pa nito sa kaniya. kagaya na lamang ng pagbibili nito ng pagkain sa kung saan-saang restawran na nais nito, at pagtakbo sa mga mamahaling kapehan na nais nito.
“Manuel! Ano bang ginawa mo?!” galit na bungad ni Carlo sa kaniya isang umaga.
Hawak-hawak nito sa mga kamay ang mga papel na hindi niya alam kung ano ang mga iyon.
“Hindi ba’t sa’yo ko ito iniutos! Ang sabi ko ayusin mo, bakit ganito ang nangyari?! Tat@nga-t@nga ka na naman! Kahit kailan talaga ay wala kang kwenta!” galit na galit nitong wika.
Umagang-umaga ay galit ang sinalubong nito sa kaniya. Hindi man lang nito ipinaliwanag sa kaniya kung ano ba talaga ang nangyaring mali, hindi man lang siya binigyan ni Carlo ng pagkakataon na ipaliwanag ang parte niya.
“Ayoko na!” ani Manuel, saka hinubad ang suot na ID. “Mag-reresign na ako at ayoko nang magtrabaho rito!” gigil niyang wika.
“At talagang ngayon ka pa mag-reresign? Matapos ang kapalpakan mong ito!” ani Carlo saka mas inilapit ang hawak na mga papel sa mukha niya.
“Hindi iyan ang dahilan, Carlo, kaya mas nanaisin ko na lang na mag-resign. Alam mo kung ano ang pinakamabigat kong dahilan kaya mas gugustuhin ko na lang ang umalis rito at mawalan ng magandang trabaho? Dahil sa’yo!” gigil na gigil niyang wika.
Hindi niya napigilan ang sariling duruduruin si Carlo sa inis na naramdaman. Animo’y nabigla naman si Carlo sa ginawa niya kaya nanatili lamang itong tahimik at nakatitig na animo’y ilang segundo na lang ay magliliyab ito sa galit.
“Pwede mo naman akong kausapin nang maayos, ipaliwanag sa’kin nang maayos ang naging mali ko. Hindi por que ikaw ang senior ko, may karapatan ka ng apak-apakan ako, na matagal mo nang ginagawa sa’kin!” aniya.
Tuluyan na niyang inilabas ang kaniyang sama ng loob sa kasama na matagal nang kinikimkim.
“Kung tutuusin ay hindi ko trabaho iyan,” aniya sabay turo sa hawak nitong papel. “Pero sa’kin mo ipinagawa. Nagreklamo ba ako? Kailanman ay hindi kita sinuway o kahit nagreklamo man lang. Lahat ng inutos mo sa’kin, sinunod ko, kahit sa totoo lang ay sumosobra ka na!”
“Sinasabi mo bang abusado akong kasama sa trabaho?”
“Oo!” matigas niyang tugon. “Hindi ka lang abusado, Carlo, feeling boss ka pa.”
Sa mga oras na iyon ay hindi na papayag si Manuel na apak-apakan lang siya ni Carlo, lalaban na siya, lalabanan niya na ito.
Matapos makipagsagutan kay Carlo ay dumiretso siya sa opisina ng HR at nagsabing aalis na siya sa trabaho na labis pinagtakhan ng mga kasamahan niya. Handa na siyang maging pabigat sa kaniyang pamilya nang tawagin siya ng kaniyang among si Mr. Loizada at ipinagharap sila ni Carlo, upang makausap silang dalawa nang masinsinan.
“Ano ba ang nangyari, Carlo?” seryosong tanong ni Mr. Loizada.
“Kasalanan ko po ang lahat, sir,” ani Carlo, habang nakayuko. “Hindi ko kasi dapat iniasa kay Manuel ang trabahong iyon dahil trabaho ko naman talaga iyon, kaso dahil sa labis na pag-asa ko sa kaniya kaya ganito ang nangyari. Patawarin niyo po sana ako,” paliwanag nito.
Hindi inaasahan ni Manuel na sasabihin iyon ni Carlo sa harap ng boss nila. Ang inaasahan niyang tugon nito ay pagtatakpan nito ang sarili at ididiin sa kaniya lahat ang kasalanan.
“Ikaw ang isa sa pinakamatagal ko nang empleyado, Carlo, kaya ko nga iniasa sa inyo ang halos lahat ng pangangalaga sa mga baguhan, tapos gan’yan lang pala ang ginagawa mo. Alam niyo na ang pinakaayaw ko sa mga trabahante ko ay iyong bully, pero sa narinig at nakita ko kaninang sagutan ninyo nitong si Manuel ay iyon ang ginagawa mo,” ani Mr. Loizada.
“I’m sorry po, sir. Hindi ko na po iyon uulitin, pangako mas pagbubutihan ko pa po ang trabaho ko, patawad po,” nakayuko at nahihiyang sambit ni Carlo.
Tumango ang matandang amo at maya-maya ay lumingon sa gawi ni Manuel.
“Hindi ko matatanggap ang resignation letter mo, Manuel. Nakita ko sa records mo na wala kang masamang ginawa sa kumpanyang ito, kaya walang dahilan para umalis ka,” anito.
“Salamat po, sir,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Manuel. “Pasensya na rin po sa nangyari kanina.”
Nakangiting lumapit sa kaniya ang butihing amo saka ginulo ang kaniyang buhok.
“Wala kang dapat na ihingi sa’kin ng tawad, Manuel. Dapat ako pa nga ang magsabi no’n sa’yo, dahil hindi ko man lang napansin na may kagaya mo na palang inaapi rito sa kumpanya ko,” anito. “Minsan kasi, Manuel, sa kagustuhan mong maging magaling, nakakalimutan mo na kung paano ang maging makatao,” dugtong nito saka nilingon si Carlo, na para bang para rito ang huling sinabi.
Namula si Carlo at mas lalong napahiya sa simpleng palipad hanging patama sa kaniya ni Mr. Loizada.
Hindi nga natuloy ang pag-alis ni Manuel sa pinagtatrabahuan at bukod pa roon ay inilipat din siya ni Mr. Loizada malayo kay Carlo at mas tinaasan nito ang kaniyang posisyon, kaya wala nang kagaya ni Carlo ngayon ang nang-uutos sa kaniya ng kung ano-ano.
Hindi rin kagaya ng dati na palagi siyang pagod na tila walang tulog at pahinga, ngayon ay mas gumaan ang kaniyang pakiramdam at mas sumaya siya sa kaniyang trabaho na napalayo siya sa mga toxic niyang kasamahan, gaya na lang ni Carlo.
May mga tao talagang hindi maiwasan ang pag-aabuso sa posisyon nila sa trabaho, na nagagawang mang-api ng mas mabababa sa kanila. Mabuti na lamang at hindi tuluyang nagpaapi itong si Manuel kundi baka hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin sa pang-aabuso ng kaniyang posisyon si Carlo.