Naka-Engkwentro ng Dalawang Drayber ng Trak ang mga Armadong Lalaki at Pinagtangkaan pa ang Buhay Nila; Makaligtas Pa Kaya Sila?

Nagtatrabaho si Mang Sonny bilang drayber ng trak sa pier. Kapag dumadaong ang barko ay ikinakarga sa minamaneho niyang trak ang iba’t ibang kargamento para dalhin sa iba’t ibang lugar kung saan ito idedeliber. Kasama niya sa trabaho ang kaibigang si Tomas.

Isang araw ay may mga kailangan silang ideliber na mahahalagang produkto sa Bicol kaya maaga pa lang ay bumiyahe na sila para makarating agad sa kanilang pupuntahan. Halinhinan ang dalawa sa pagmamaneho sa trak na kapag napagod ang isa ay ang isa naman ang papalit.

“Grabe, sobrang trapik ngayon, tiyak na gagabihin tayo,” wika ni Mang Sonny.

“Oo nga po, eh. Sana pala ay mas inagahan pa natin,” sagot ni Tomas.

“’Di bale, abutin man tayo ng dilim ay may baon naman akong pagkain. Hindi tayo magugutom sa biyahe. Maaari nating paghatian ang dala kong tinapay at sardinas,” sabi pa ng matandang lalaki sa kasama.

“Naku, salamat po, Mang Sonny. Hayaan niyo po, bilang ganti ay doon na kayo maghapunan sa bahay namin bukas. Kaarawan po ng panganay kong anak, pitong taon na si Joy.”

“Aba, oo nga pala ano? Birthday ng inaanak ko!”

“Bibigyan nga po ako ni boss ng pambili ng cake at ice cream, eh. Siguradong matutuwa ang anak ko.”

Advertisement

“E ‘di ayos pala ang handaan ng inaanak ko, ah!”

“Pinaghandaan ko rin po talaga ang espesyal niyang araw. ‘Di po ba kapag tumuntong sa ikapitong taon ang bata ay dapat na ipinaghahanda?”

“Tama naman. ‘Yan talaga ang pinaghahandaan, pagsapit ng ikapitong taon lalo na ang ikalabing walong taon, siyempre ang debut niya,” wika pa ng matanda.

Malayu-layo na rin ang biyahe ng dalawa ngunit ilang oras pa bago sila tuluyang makarating sa Bicol. Madilim na ang paligid at delikado rin ang dinadaanan nila dahil zigzag ang lansangan.

Maya maya ay may napansin silang sasakyan na nakahinto sa daraanan nila. May mga lalaking lumabas mula roon at pilit na pinahihinto ang kanilang trak.

“Para! Para! Nasiraan kami!” sigaw ng isang balbas-saradong lalaki na maskulado ang pangangatawan.

Inihinto ni Tomas ang trak at sandaling tinigilan ang mga nasiraan.

“Anong problema?” tanong ni Mang Sonny.

Advertisement

“Nasira ang kotse namin. May mga gamit ba kayo riyan na pangkumpuni?” tanong ng isang lalaki na may katangkaran at bilugan ang mga mata.

Gusto mang tululungan ng dalawa ang mga ito ay hindi maaari…

“Pasensya na kayo mga amang. ‘Di kami puwedeng tumigil dahil may oras ang delivery ng mga karga naming produkto na dadalhin namin sa Bicol,” sagot ni Mang Sonny.

“Oo nga mga pare. Mag-antay na lang kayo ng ibang sasakyang magdaraan dito. Hindi kami maaaring huminto sa biyahe. Tiyak na makakagalitan kami kapag hindi kami nakarating sa itinakdang oras ng aming kliyente,” sabad ni Tomas.

Uminit ang ulo ng maskuladong lalaki. Bigla itong bumunot ng baril sa likuran at itinutok sa kanila.

“Aba! May oras din ang pagpat*y namin sa inyo pag ‘di kayo bumaba riyan!” sigaw nito sa kanila.

Naglabas na rin ng mga baril ang tatlo pang kasama ng lalaki na mga armado pala. Modus ng grupo na magpanggap na nasiraan ng sasakyan sa daan pagkatapos ay haharangin ang mabibiktima ng mga ito. Malas lang nina Mang Sonny dahil sila ang natiyempuhan ng grupo.

Tangkang tatakas ang dalawang drayber ngunit agad na pinaput*kan ng maskuladong lalaki si Tomas sa balikat. Napansin ni Mang Sonny na dug*an na ang kaibigan kaya naisip niyang magmakaawa na lang.

Advertisement

“Maawa kayo! Pera na lang ang hingin ninyo sa amin!” pakiusap ng matanda.

Napahagalpak nang tawa ang balbas-saradong lalaki.

“Talagang kukunin namin ang mga pera ninyo, tanda, matapos naming kunin ang trak at mga kargamento sa loob,” anito.

“Akin na ang susi!” sigaw ng isa pang lalaki kay Tomas na nanghihina na dahil sa tinamong sugat.

Sapilitang ibinaba ng mga armado ang dalawang drayber sa trak at pinagsisipa ang mga ito sa gilid ng daan saka muling pinaput*kan ng balbas-saradong lalaki.

Biglang inawat ng matangkad na lalaki ang kasama.

“Tama na! Baka may makakita pa sa atin, pare! Batsi na tayo, bilis!” sabi nito.

Nagmamadaling sumakay ang grupo sa trak at pinaandar iyon na tangay ang mga produktong idedeliber nina Mang Sonny. Akala ng mga ito ay napuruhan ang dalawang drayber ngunit…

Advertisement

“Uhhm… M-mang S-Sonny…m-mamamat*y na y-yata a-ako…” wika ni Tomas na dalawa na ang tama ng bala sa katawan. Isa sa braso at isa sa tagiliran.

“A-ako rin, T-Tomas… L-lakasan mo ang i-iyong l-loob. H-hihingi t-tayo ng s-saklolo,” tugon ni Mang Sonny na may tama naman sa dibdib.

Sumigaw sila nang sumigaw ngunit walang ibang tao sa paligid. Wala ring nagdaraang mga sasakyan sa lugar kung saan sila iniwan ng armadong grupo.

Hindi na kinaya pa ni Tomas at nawalan na ito ng malay. Si Mang Sonny naman ay agaw-buhay na dahil sa malubhang sugat sa dibdib.

“Diyos ko! Tulungan niyo po kami!” sambit niya sa mahinang boses.

Maya maya ay hindi na rin kinaya ng matanda ang matinding tama sa katawan. Bago niya naipikit ang mga mata ay may narinig siyang yabag na papalapit sa kanila. Kahit nanlalabo na ang paningin ay naaninag niya ang isang tao na lumapit sa kanya. Hindi niya mawari kung lalaki o babae iyon basta ang huling mga salita na narinig niya mula rito ay…

“Huwag kayong mag-aalala, hindi ko kayo pababayaan.”

Tuluyan nang nawalan ng ulirat si Mang Sonny.

Advertisement

Nang magising ang matanda ay napansin niya na nasa loob na siya ng kuwarto. Nasa ospital siya dahil may nars na nag-aasikaso sa kanya. Kahit nanghihina pa ay pinilit niyang magsalita at magtanong.

“M-miss, a-anong nangyari? ‘Yung kasama kong lalaki, kumusta?” tanong niya.

“Ligtas na po kayo, tatang. Ligtas na rin po ‘yung kasama niyo na nasa kabilang kuwarto. Mabuti at nadala agad kayo rito sa ospital kundi ay baka hindi na kayo umabot nang buhay dahil marami pong dugo ang nawala sa inyo kaya magpahinga po muna kayo para hindi kayo mabinat,” sagot ng nars.

“S-sino ang nagdala sa amin dito? Paano kami napunta rito?” tanong niya.

“Hindi po namin alam. Basta nakita po kayo ng isa sa aming mga staff na nakahandusay kayong dalawa nung kasama niyo sa harap nitong ospital. Wala pong nakakakilala kung sino po ang nagdala sa inyo rito. Wala po kasing nakakita na may naghatid sa inyo, eh,” tugon ng nars.

Ikinagulat ni Mang Sonny ang sinabi ng kausap.

“Imposible! Natitiyak kong may tumulong sa amin. Narinig ko pa nga ang boses niya na boses ng isang lalaki bago ako nawalan ng malay,” wika niya.

“Wala po talagang nakakita kung sino ang tumulong sa inyo, tatang,” kakamut-kamot na tugon ng nars.

Advertisement

Tinanong nito kung ano ang nangyari sa kanila at ikinuwento naman niya ang pinagdaanan nila ng kaibigang si Tomas ngunit nanlaki ang mga mata ng nars sa mga sinabi niya.

“Ano ho? Naholdap kayo sa may zigzag? Kung gayon ay napakasuwerte niyo po pala ng inyong kaibigan dahil kung tutuusin ay napakalayo nitong ospital sa sinabi niyong pinangyarihan ng holdap. Limang oras po ang gugugulin bago kayo makarating dito mula roon. Base po sa kalagayan ninyo nang makita kayo ng staff namin ay imposibleng umabot kayo ng buhay dito sa dami ng dugong nawala sa inyo,” sambit ng nars na naguguluhan sa mga nangyari.

Hindi nakapagsalita si Mang Sonny sa nalaman niya. Nang maalala niya ang eksaktong sinabi ng tumulong sa kanila ay agad na tumulo ang luha niya.

“Huwag kayong mag-aalala, hindi ko kayo pababayaan.”

Napapikit siya at taimtim na nagdasal.

“Maraming salamat po Diyos ko! Alam ko pong kayo ang sumaklolo sa amin! Hangad ko po na sana ay mabigyan ng katarungan ang nangyari sa amin!”

Ilang araw lang ay nakalabas na sina Mang Sonny at Tomas sa ospital. Maayos na ang lagay nila. Ikinagulat din nila na wala na silang babayaran dahil may nagbayad na raw ng mga nagastos sa ospital. Hindi rin nila nakilala kung sino ang nagmagandang loob na iyon. Labis nilang ipinagpapasalamat ang ikalawang buhay at suwerteng dumating sa kanila.

Makalipas ang isang linggo ay muling tinugon ang dasal ni Mang Sonny dahil nabalitaan nila na nadakip din ang armadong grupo na tumangay sa trak at mga produktong idedeliber sana nila. Pinagbabayaran na ng mga ito ang mga nagawa sa loob ng kulungan.

Advertisement

Ang kuwentong ito ay patotoo na hindi natutulog ang Diyos na palaging nakagabay at handang tumulong sa oras na kailanganin natin, basta mayroon tayong pananalig at tiwala sa Kaniya.