Inday TrendingInday Trending
Magdalena Kung Tawagin ang Babae Dahil Kung Kani-Kaninong Lalaki Ito Pumapatol; May Magseseryoso pa Kaya sa Kaniya?

Magdalena Kung Tawagin ang Babae Dahil Kung Kani-Kaninong Lalaki Ito Pumapatol; May Magseseryoso pa Kaya sa Kaniya?

Sa Kalye Maambong ay kilalang-kilala ang pangalang Jesusa.

“Ang Jesusa bang anak ni Gorio ang tinutukoy mo, Lagring?” tanong ni Aling Zeni.

“Aba! Meron pa bang iba, siya lang naman ang tampulan ng usapan dito sa lugar natin,” sagot ng tsismosang babae.

“Ano na naman ba ang bagong balita tungkol sa kanya, aber?” pahabol na tanong ni Aling Zeni sa kausap.

“Naku, alam mo ba kagabi ay dumating ang hitad na sakay ng isang magarang kotse. Limosina yata ang tawag doon, at kasama ang isang lalaking animo’y may sakit na hepatitis sa dami ng suot na alahas sa katawan!” kuwento ni Lagring.

“Talaga? Mukhang nakabingwit ng matabang isda ang ibig mong tukuyin, ano?”

“Tama ka riyan, Mareng Zeni! Pero duda ako sa lalaking ‘yon, eh. Sa tingin ko ay may kakaibang kaliskis… may sabit ‘yon!”

Napapalatak na lang si Aling Zeni sa sinabi ng babae.

“Ano pa nga ba ang aasahan? Sinong lalaki ang tototohanin ang isang babaeng patakbuhin?” napapailing pang sabi ni Lagring.

Tanyag si Jesusa sa pakikipagrelasyon sa iba’t ibang lalaki ngunit iniiwan at niloloko lang naman siya ng mga ito. Kaya ang mga magulang niya ay sumasakit na rin ang ulo sa mga kabiguan niya.

“Mamamat*y na ako sa dami ng kahihiyang ibinibigay niyang anak mo, Elisa! May nakapagsabi sa akin na pinagtsitsismisan na naman siya ng mga dalahira nating kapitbahay!” inis na sabi ni Gorio sa asawa.

“Ssshh…huwag kang maingay at baka marinig ka. May bisita pa naman ang anak mo,” tugon ng misis.

“Hayaan mo siya! Tiyak naman na isa lang ang lalaking ‘yon sa mga…”

“Gorio! Tumigil ka na! Bigyan mo naman ng kaunting respeto ang anak mo,” sita ni Elisa.

Sa sala, masuyong nanliligaw si Ronel kay Jesusa. Hindi naman mahirap mapasagot ang babae, sa tuwina ay iisa lang ang pakiusap ni Jesusa sa mga nagtatapat ng pag-ibig sa kanya…

“Hindi ako materyosa, Ronel, nagkataon lang na may kaya ka, pero kahit anong buhay ang ibigay mo sa akin ay kaya kong tanggapin, huwag mo lang akong lolokohin,” hayag niya sa manliligaw.

“Pangako, Jesusa na hindi kita kailanman lolokohin. Hindi naman ako nagkaila sa iyo na may asawa ako, pero hiwalay na kami, matagal na,” sagot ng lalaki.

Tinanggap niya sa kanyang buhay si Ronel. Nagbabakasakaling ito na ang tugon sa matagal na niyang dasal na totoong pag-ibig. Sa unang buwan ay matiwasay at masaya ang relasyon ng dalawa ngunit isang araw habang kumakain sila sa isang restawran ay bigla silang sinugod ng asawa ni Ronel.

“Ito bang babaeng ito ang ipinalit mo sa akin, Ronel? Isang talipandas?” pagwawala ng babae habang dinuduro-duro si Jesusa.

Gulat na napatayo si Ronel sa kinauupuan at inawat ito.

“Umuwi ka na sa bahay, Agatha! Doon tayo mag-uusap, nakakahiya rito!” tugon ng lalaki.

“May hiya ka pang nalalaman ngayon? Uuwi lang ako kung kasama kita, hindi ako makakapayag na hiwalayan mo nang dahil lang sa mumurahing babaeng ‘yan!” hirit pa ng babae.

Walang nagawa si Jesusa kundi ang umiyak at mistulang lugmok na lumabas sa restawran na puno ng kahihiyan. Niloko siya ni Ronel na hindi pala totoong hiwalay na ito sa asawa.

Maraming nakarinig sa ginawang pagwawala ng asawa ni Ronel kaya mabilis na kumalat ang tagpong iyon sa kanilang lugar. Nakarating din sa mga magulang niya ang nangyari.

“Sana naman anak ay tumigil ka na! Ihinto mo na ang pagtanggap sa mga lalaking niloloko ka lang naman at pinapaasa. Kung ukol sa iyo ay kusa itong lalapit, hindi na namin kaya ng nanay mo ang sapin-sapin na kahihiyan!” wika ng amang si Gorio.

Nagpahid ng luha si Jesusa.

“May pag-asa pa kaya ako, ‘nay, ‘tay?” humihikbi niyang tanong.

“Walang nilalang na tuluyang nawawalan ng pag-asa, lahat ay may karapatang magbago at mabuhay nang malinis, anak,” sagot naman ng inang si Elisa.

Ngunit ang mga magulang lang ni Jesusa ang naniniwala na may puwang pa ang pagbabago sa buhay niya dahil ang iba…

“Dapat ang itawag sa kanya ay Magdalena sa dami ng lalaking dumaan sa kanya!” natatawang sabi ng kapitbahay nilang si Lagring.

“Sinabi mo pa! Kapag naumpisahang laruan ng mga lalaki, habang buhay na ‘yang ganyan. Hay naku, ‘di bagay ang pangalan niyang Jesusa dahil napakarumi niyang babae, kahiya-hiya, kasumpa-sumpa!” gatol pa ni Aling Zeni sa kapwa niya tsismosa.

Kahit ‘di matapus-tapos ang panghuhusga kay Jesusa ay ‘di naiwasan na biglang dumating ang panibagong katok ng pag-ibig sa katauhan ni Enrico. Nakilala niya ang lalaki sa pinagtatrabahuhang mall at agad itong tinamaan sa kanya. Tinanggihan niya ang alok na pagmamahal ng lalaki dahil natatakot na siyang umibig muli ngunit naging matiyaga ito sa panliligaw sa kanya.

“Hindi mo nalalaman ang sinasabi mo, Enrico. Tiyak na hindi mo makakayanan ang mga panlalait ng mga tao. Pagtatawanan ka rin nila gaya ng ginagawa nila sa akin,” sabi ni Jesusa sa manliligaw.

“Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba, Jesusa. Ang nalalaman ko lang ay mahal kita at handa akong pakasalan ka,” sambit ng lalaki.

Mabait at maginoo si Enrico at nagmula rin sa may sinasabing pamilya kaya alangan dito si Jesusa. Dahil mapilit at madaling mahalin ang lalaki ay madali rin siyang bumigay dito. Sinagot niya si Enrico.

“Paano kung marinig mo ang mga pagtawa at panlilibak, Enrico?” tanong ni Jesusa.

“Hindi sila ang makapagbibigay ng tunay na kaligayahan sa akin, Jesusa, kaya ‘di ko dapat pansinin ang mga pangungutya nila,” sagot ng lalaki.

“Alam mo, ngayon lang ako lumigaya nang ganito. Salamat sa pagmamahal mo, Enrico,” sabi ng babae na humilig sa balikat ng nobyo.

“Ako rin, salamat at tinanggap mo ako sa buhay mo. Napatunayan ko na napakabuti mong babae at napakalaking tanga ng mga lalaking nang-iwan at nanloko sa iyo dahil pinakawalan ka pa nila. Kay palad ko sa iyo, mahal ko! Sasabihin ko sa mga magulang natin na papakasal na tayo,” tugon ni Enrico sa kanya.

Kahit puno ng pag-aalinlangan ay pumayag ang mga magulang ni Jesusa na maikasal sila dahil nakikita ng mga ito na masigasig talaga ang lalaki ngunit ang pamilya ni Enrico ay tutol naman sa relasyon nila.

“Kahit sino, huwag lang ang babaeng ‘yan na walang delicadeza! ‘Di lingid sa amin ang mga tsismis sa makating babaeng ‘yan na dumaan na sa iba’t ibang lalaki!” paangil na sabi ng kapatid na babae ni Enrico. Harap-harapan na ipinamukha kay Jesusa ang galit nito.

“Kung magpipilit ka ay itatakwil ka namin!” singhal pa ng ina ng lalaki.

Ngunit nagimbal ang lahat sa itinugon ni Enrico.

“Kung iyan ang opinyon ninyo ay wala na akong magagawa, pero hindi ninyo maaaring impluwensiyahan ang aking desisyon. Pakakasalan ko si Jesusa dahil nagmamahalan kami, at wala kayong karapatang laitin siya dahil walang sinuman sa atin ang walang kasalanan. Kaya maraming tao ang sa halip na magbago ay lalong napapariwara dahil marami ang gaya ninyong mapanghusga. Sige, kung sino ang naging malinis at walang bahid dungis sa buong buhay niya, siyang unang pupukol ng panghuhusga kay Jesusa, at kung meron, walang kasalang magaganap!” litanya ng lalaki sa harap ng pamilya niya.

Hindi nakakibo ang mga ito sa sinabi niya. Wala ring nagawa ang kanyang pamilya sa pasya niyang pagpapakasal kay Jesusa. Ilang linggo lang ay natuloy ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Ang mga tsismosang kapitbahay na walang ginawa kundi ang manlait at manghamak kay Jesusa ay tikom na ang mga bibig sa sobrang inggit. ‘Di nila akalain na may matinong lalaki na mag-aahon sa kanya sa putik ng kahihiyan at magdadala sa kanya sa magandang hinaharap. Kung dati ay tampulan siya ng masasamang salita, ngayon ay puro papuri at paghanga ang tinatangap niya. Masayang-masaya naman ang mga magulang niya dahil sa wakas ay nahanap na rin niya ang tunay na kaligayahan.

Ipinagpapasalamat ni Jesusa na binigyan siya ng pagkakataon na magbagong buhay sa piling ng lalaking totoong nagmamahal sa kanya. Nagpapasalamat din si Enrico dahil binigyan siya ng ulirang asawa sa katauhan ni Jesusa.

Advertisement