
Tinamaan ng Sakit ang Padre De Pamilya; Natuklasan ng Misis ang Kalokohan Nito nang Dahil sa Contact Tracing
“Masama ang pakiramdam ko, ‘Ma…”
Kauuwi lamang galing sa trabaho ang padre de pamilya na si Carlos. Agad siyang naupo sa sofa.
Tumayo siya. Nilapitan ang mister. Hinipo ang noo.
“Oo nga. May iba ka pa bang nararamdaman?”
“Bukod sa parang sinisinat ako, mukhang uubuhin at sisipunin din ako. Masakit ang lalamunan ko.”
“Sana ordinaryong trangkaso lang iyan. Hayaan mo, gagawa na lamang ako ng mainit na sopas para sa iyo. Mabuti pa, lahat tayo ay magsuot muna ng face mask para mas sigurado.”
At ganoon na nga ang nangyari. Agad na nagsuot ng face mask ang dalawang anak nila.
Ngunit kinagabihan ay umabot sa 40 degrees ang lagnat ni Carlos kaya naman naalarma na sila.
“Ang mabuti pa, tawagan ko na ang barangay upang makapag-swab test ka. Mas mabuti na yung nag-iingat.”
Ganoon na nga ang ginawa nila.
“Positibo po kayo sir.”
Tila nalaglag ang balikat ni Carlos sa anunsyong ayaw niyang marinig.
Si Helena at ang dalawang anak nila ay negatibo naman.
“Ganito po sir, kailangan po namin kayong dalhin sa quarantine facility para mas matutukan ang paggamot sa inyo, lalo na po at may mga sintomas po kayo. Sina Ma’am at ang mga anak ninyo, maaari na pong mag-quarantine dito sa loob ng bahay.”
Tumango-tango naman si Carlos.
“At sir, kailangan n’yo pong makipag-cooperate sa contract tracing para po malaman natin kung kanino ninyo posibleng nakuha ito, o kung sino pa po ang may sintomas sa mga nakahalubilo ninyo.”
Namutla si Carlos.
“Saan po ba kayo huling nagpunta sir para masimulan namin ang contact tracing?”
Matagal bago nakasagot si Carlos.
“K-kuwan, wala naman akong ibang pinupuntahan kung hindi sa trabaho ko.”
At doon na nga nagsimula ang contact tracing nila. Ngunit makalipas ang isang araw, bumalik ang mga contact tracer sa bahay nila.
“Ma’am, sabi po ng management, noong araw na iyon ay hindi raw po pumasok si sir.”
“Ha? Paanong hindi pumasok eh bahay-trabaho lang naman ang pinupuntahan ng mister ko.”
“May isa po siyang kasamahan na nagsabing nagcheck-in daw po sa isang motel si sir,” medyo nadyadyahe pang sabi ng isang contact tracer.
“Ha? Motel? Anong gagawin niya sa motel?”
“Nagawa po naming makuha ang pangalan ng babaeng kasama niya sa motel, dahil na rin sa guest list nila. Kilala n’yo po ba si Elvira Gascon?”
Umiling-iling si Helena.
Napatda si Helena sa katotohanang bumulaga sa kaniya. May ibang babae si Carlos! Siya ang nahihiya sa ginawa ng kaniyang mister. Ibang tao pa ang nakatuklas nito, kung hindi dahil sa contact tracing.
“Humanda ka sa akin pagbalik mo rito,” bulong sa sarili ni Helena.
Hinayaan na muna ni Helena na tuluyang gumaling si Carlos. Nang makauwi na ito sa kanilang bahay, saka niya ito kinompronta.
“Sino si Elvira Gascon?”
Napayuko na lamang si Carlos.
“Patawarin mo ako asawa ko, hindi ko naman sinasadya na mangyari ang bagay na iyon sa amin, natukso lamang ako. Ikaw ang mahal ko at ang mga bata…”
Isang malakas na sampal ang pinakawalan ni Helena sa mukha ni Carlos.
“Blessing in disguise na rin na nagkaroon ka ng COVID-19 at may contact tracing dahil kung hindi, hindi mabubuko sa akin ang kalokohan mo, Carlos! Hindi ba nangako ka sa akin na ititigil mo na ang pambababae mo? Magkasintahan pa lang tayo, ganyan ka na.”
Napayuko na lamang si Carlos. Wala siyang maapuhap na saktong salita upang mapalubag ang kalooban ng misis. Kasalanan naman niya talaga ang lahat.
Matagal na silang may relasyon ni Elvira, at minsan ay hindi siya pumpasok sa trabaho para lamang mapagbigyan ang hiling nitong makasama siya sa isang buong araw.
At ang huling araw nga na magkasama sila ay sa motel. Positibo rin sa COVID-19 si Elvira, kaya malamang, nakuha niya ang virus mula rito.
Gustong batukan ni Carlos ang kaniyang sarili. Tama nga ang kasabihan; walang lihim na ‘di nabubunyag.
Humingi pa ng ikalawang pagkakataon si Carlos kay Helena.
“Alang-alang sa mga anak natin, mahal… tanggapin mo pa sana ako.”
Sising-sisi si Carlos sa kaniyang ginawang kasalanan. Napagtanto niya ang lahat ng kaniyang mga pagkakamali nang siya ay nasa quarantine facility. Naisip niya, baka parusa ito ng Diyos sa kaniya kaya siya nagkasakit. Nakipaghiwalay na siya kay Elvira.
Binigyan ni Helena ng ikalawang pagkakataon si Carlos. Nangako naman si Carlos na hinding-hindi na mauulit ang pagtataksil na kaniyang ginawa.