
Laging Ngumingiti ang Batang Lalaking Ito sa mga Nakakasalubong na Nanay; Ito Pala ang Dahilan
Laging nakangiti ang batang si Reb-reb. Sabi kasi ng Mamay niya na kumupkop sa kaniya, magkahawig daw sila ng mga ngipin ng kaniyang tunay na nanay.
Kaya ang ginagawa ni Reb-reb tuwing hapon, nagtutungo siya sa labas ng bahay, nagpupunta sa bandang palengke, ngumingiti siya nang ubod-tamis at labas lahat ng ngipin.
Nginingitian niya lahat ng mga nanay na makasalubong niya: baka-sakaling ngipin niya ay makilala. Bukod sa pagngiti-ngiti, gagawin pa niyang mapungay ang kaniyang mga mata nang sa gayon ay makatawag siya nang pansin.
“Ang cute mo naman, bata,” minsan ay nasabi ng isang nanay na hinarangan ni Reb-reb habang nakangiting labas ang mga ngipin.
“Kayo po ba ang nanay ko?” inosenteng tanong ni Reb-reb.
Natawa ang nanay sa sinabi ng bata.
“Bakit mo naman nasabi at natanong iyan? Nasaan ba ang nanay mo?”
“Sabi po kasi ng Mamay ko, pareho raw po kami ng mga ngipin ng tunay kong nanay.”
Ganito ang laging sinasabi ni Reb-reb kapag may natutuwa sa kaniyang mga nanay sa daan.
Bagama’t laki sa pagmamahal si Reb-reb, nais pa rin niyang makilala ang tunay niyang nanay. Ang mga kalaro niya kasi na anak ng kanilang mga kapitbahay ay laging ganoon ang sinasabi.
“Reb-reb, tatandaan mo, walang masama sa sitwasyon na kinalalagyan mo ngayon, ha? Mahal na mahal ka ni Mamay, tatandaan mo iyan,” wika ng kaniyang Mamay sabay yakap nang mahigpit sa kaniya.
Isang araw, habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay, ay may nakitang isang lumilipad-lipad na paruparo si Reb-reb. Kulay-puting paruparo na padapo-dapo sa mga bulaklak ng hardin ni Aling Nilda.
Sa kaniyang labis na katuwaan, hinahabol-habol niya ito. Sa labis na pagkatutok ng mga mata sa lumilipad na insekto, hindi niya napansin ang isang nakausling bato.
Hindi sinasadyang nadapa sa paglalakad si Reb-reb. Nasubsob ang kaniyang mukha sa kalye. Bukod sa galos na nakuha niya sa tuhod, nabungi ang dalawang ngipin niya sa harapan.
Maghapong umiyak si Reb-reb. Masakit ang mga galos niya sa tuhod, at masakit din ang kaniyang nguso. Isa na siyang bungi. Nilapatan na ng kaniyang Mamay ng gamot ang kaniyang mga galos sa binti.
“Reb-reb, huwag ka nang umiyak. Pupunta tayo sa dentista bukas. Ganiyan talaga ang mga ngipin ng mga batang tulad mo. Tutubo ulit iyan kaya huwag kang mag-alala,” pag-alo ng kaniyang Mamay.
Ngunit patuloy na umatungal ng iyak si Reb-reb.
“Huwag kang mag-alala, tutubo pa rin naman ang dalawang ngipin mo na nabungi. Huwag ka nang umiyak, Reb-reb. Ayaw ni Mamay na makita kang umiiyak.”
“Hindi ko na makikita ang tunay kong nanay. Hindi na kami magkamukha ng mga ngipin,” pahikbing sabi ni Reb-reb.
Mahigpit na niyakap ng kaniyang Mamay si Reb-reb.
“Reb-reb, hindi man natin mahanap ang tunay mong nanay, narito naman ako sa tabi mo, mahal na mahal kitang parang tunay mong nanay. Papaayos natin ang ngipin mo bukas,” turan ng Mamay ni Reb-reb.
Tumigil sa pag-iyak si Reb-reb at mahigpit na yumakap sa kaniyang Mamay.
“Bukas ihahagis natin sa bubungan ang mga nabunot mong ngipin, hihiling tayo sa daga, na bumalik na ang tunay mong ngipin,” bulong ng Mamay ni Reb-reb.
Kaya kinabukasan din, nagtungo sila sa labas ng bahay upang ihagis ang dalawang nabunot na ngipin sa bubungan.
“Talaga bang tutubo ulit ang mga ngipin ko Mamay? Ibibigay ng daga?”
“Oo naman, Reb-reb. Maniwala ka. Kasi ganyan din ang nangyari sa akin noon. Kaya tingnan mo ang mga ngipin ko, kompleto pa.”
“Puwede po ba hilingin ko rin sa daga na ipakilala sa akin ang nanay ko?”
Napatingin na lamang ang kaniyang Mamay kay Reb-reb.
“Gusto mo ba talagang makilala ang tunay mong nanay, Reb-reb?” tanong nito sa bata.
Tumano-tango naman ang bata.
“Sige… bukas na bukas din, aalis tayo. Pupuntahan natin siya. Kaya maaga tayong matulog. Huwag na tayong manood ng telebisyon para maaga rin tayong makagising, makagayak, at makaalis.”
Nang gabing iyon ay himbing na himbing sa pagtulog si Reb-reb. Hindi naman makatulog ang kaniyang Mamay. Hindi niya alam kung paano ipaliliwanag kay Reb-reb ang sitwasyon ng kaniyang tunay na ina.
Maagang bumiyahe ang dalawa. May dalawang oras ang byahe sa dyip, at 30 minuto sa traysikel.
Pagdating sa loob ng lugar, napansin ni Reb-reb na maraming mga unipormadong lalaki, na ang tawag sa kanila ay pulis.
“Miss bawal ang dalaw ngayon saka may bata pa,” saad ng warden.
“Eh gustong makita ng bata yung nanay niya…”
“Sa susunod na lang. Hindi talaga puwede ngayon eh. Pasensiya na.”
Tumango-tango na lamang ang Mamay ni Reb-reb.
“Reb-reb, hindi mo raw puwedeng makita ang nanay mo ngayon. Pero babawi na lang tayo sa sususnod,” paliwanag niya sa bata.
“Okay lang po Mamay, uwi na po tayo.”
Naniniwala siyang darating din ang panahong mauunawaan ni Reb-reb kung bakit hindi siya basta-basta puwedeng kitain ng kaniyang nanay. Sa takdang panahon…