
Nalugi ang Restawran ng Chef na Ito Dahil sa Pandemya; Hindi Niya Inaasahan Kung Sino ang Tutulong sa Kaniya
“Maraming salamat po, sa uulitin po.”
Nakangiti si Resty, ang master chef at may-ari ng restawran, habang iniaabot ang order ng isa sa mga masugid nilang kustomer, isang matandang lalaking laging umoorder ng crispy pata.
“Mabuti ho at nakakaya pa ninyong ubusin iyang crispy pata na iyan. Hindi ho ba nakakasama sa inyo?” tanong ni Resty sa matanda.
“Ah hindi naman. Mas malakas pa ako sa kalabaw, iho. Kapag hindi ako nakakain ng crispy pata ninyo, pakiramdam ko ay magkakasakit ako,” nakangiting sabi ng matanda.
Hindi lamang crispy pata ang madalas na inoorder nito sa kanila.
Isa rin sa mga best-seller sa restawran na iyon ay ang masasarap na putaheng Pilipino gaya ng kare-kare, sinigang, adobo, at marami pang iba.
Masasabing patok na patok ang restawran na iyon noon, ngunit hindi rin malaman ni Resty kung bakit habang tumatagal ay pakaunti nang pakaunti ang kanilang mga kustomer.
Siguro ay dahil may kamahalan ang presyo ng mga paninda nilang pagkain. Kaya naman sumasakit ang ulo niya sa tuwing nag-iisip siya kung anong marketing strategy ang gagawin niya upang mapataas ang sales ng restawran.
“Kailangan siguro pagandahin pa natin ang ambiance natin. Siguro kailangan na nating sumailalim sa renovation,” suhestyon ni Resty sa kaniyang mga staff.
“Areglado iyan, boss. Sige po.”
Kaya naman, ibinuhos ni Resty ang ilan sa kaniyang mga naipon para sa renovation ng kaniyang restawran. Nangutang din siya sa bangko upang makadagdag dito. Halos 2 milyong piso ang nagugol niya para dito.
Sa pagpapasinaya ng kanilang bagong renovate na restawran, isang ‘di-inaasahang pangyayari naman ang naganap. Dumating ang pandemya. Isa sa mga naapektuhan nito ang mga restawran.
Windang na windang si Resty.
“Kung kailan naman naigugol natin ang pera sa renovation, ganito pa ang mangyayari.”
“Anong gagawin natin, boss?”
“Babawi tayo. Kailangan nating makaisip ng paraan.”
Pinasok na ni Resty ang isa pang opsyon: ang pagpapadeliver, subalit mas lalong naging matumal ang benta nila.
Hanggang sa wala nang magawa si Resty kung hindi ang kausapin ang kaniyang staff. Isang desisyon ang kailangan niyang gawin.
“Gustuhin ko mang mapanatili kayo sa restaurant na ito, ay hindi ko na kakayanin pang pasuwelduhin kayo. Unfair naman para sa inyo kung madedelay ang mga suweldo ninyo, dahil alam kong may pamilya rin kayong binubuhay.”
At nagsimula na ngang magbawas ng kaniyang mga tauhan si Resty.
Habang tumatagal ang community quarantine ay lalong nalulugi si Resty. Hanggang sa isang desisyon na ang kaniyang naisip na solusyon.
“Isasara ko na lang ang restaurant na ito…”
Iginala ni Resty ang paningin sa kabuuan ng restawran. Dugo at pawis ang pinuhunanan niya rito. Masakit para sa kaniya ang gagawin niya. Pero wala na siyang mapamimilian. Kailangan niyang isara o ibenta ang restawran upang mabayaran ang iba pa niyang empleyado na hindi pa niya napapasuweldo.
Isang araw, dumating ang matandang lalaking suki sa pagbili ng crispy pata.
“Hindi na po kami operational, sir,” malungkot na paliwanag ni Resty. Mga ilang araw na lang ho, isasarado ko na ito. Luging-lugi na ako eh.”
“Sayang naman, iho. Paano na ang napakasarap na crispy pata?”
Napangiti na lamang si Resty.
“Pero sir, maraming salamat po sa pagiging suki namin. Isa kayo sa mga hindi nagsasawang suportahan kami. Maraming-maraming salamat po talaga.”
Sa araw mismo ng pagsasara ng restawran, muling bumalik ang matandang lalaki.
“Iho, may proposal ako sa iyo. Sayang kasi talaga ang negosyo mo. Kung gusto mo, mag-iinvest na lang ako rito, basta ba’t ipagpapatuloy mo lang ang operasyon.”
Hindi makapaniwala si Resty sa kaniyang mga narinig.
“T-Talaga ho? Sigurado ho kayo?”
“Oo. Kasi nanghihinayang talaga ako. Tanggapin mo ang tulong ko para sa restawran na ito. Bukod sa masasarap ninyong pagkain, isa pa sa mga kaangi-tangi rito ay ang customer service ninyo.”
Pumayag si Resty sa proposal ng matandang lalaki, na ang pangalan pala ay Don Anastacio. Mayaman pala ito! Hindi kasi mahahalata sa kaniyang pananamit at postura.
Bumalik sa operasyon ang restawran ni Resty, kasosyo ang matandang lalaki. Dahil may pondo na, nakapag-invest sila para sa mas epektibong marketing at delivery service na patok na patok dahil sa pandemya.
Unti-unti namang nakabawi ang restawran ni Resty mula sa pagkakalugi dahil sa tulong ni Don Anastacio, na itinuring na rin niyang parang tunay na ama.
Sinong mag-aakalang ang dati nilang suki ay siyang makapagsasalba sa kaniyang restawran? Napagtanto ni Resty na basta’t galingan mo lang sa ginagawa mo, may mga taong makikita ang potensyal mo.