
Unang Araw ng Pagreretiro ng Matandang Gurong Ito; Paano Kaya Niya Gugugulin ang Kaniyang Panahon Kung Sanay Siya sa Trabaho?
Naalimpungatan si Naty, 63 taong gulang, kakaretiro pa lamang bilang isang guro sa pampublikong paaralan. Sanay siyang gumigising ng 5:00 ng umaga araw-araw, gaya ng nakagawian.
Kaya lang, hindi na nga pala siya papasok. Retirado na siya. Ayaw pa nga niyang pumayag noong una, subalit sabi ng punungguro, labag ito sa batas. Hindi niya alam ngayon kung paano gugugulin ang araw, dahil sanay siyang nagtatrabaho, nagtuturo.
Sanay siyang nakakausap at binabati ng mga janitor ng paaralan.
Sanay siyang araw-araw nakakaharap ang mga kasamahang guro, na hindi nauubusan ng kuwento sa buhay.
Natitiyak siyang hahanap-hanapin niya ang amoy ng mga pinagsama-samang pawis ng mga mag-aaral niya, o kaya naman ay pagsusumbong sa kaniya kapag may pasaway silang kaklase.
“Oh good morning ‘Ma, kain na tayo,” nakangiting bati ng kaniyang bunsong anak na si Rissa, isang nurse sa pribadong ospital.
“Good morning! Bakit ikaw ang nagluto? Sana hinintay mo na lang ako…”
“Eh kasi po naisip ko, tutal naman eh retirado na kayo, baka gumising kayo ng medyo tanghali na. Kaya ako na po ang naghanda ng almusal, at aalis na rin po ako.”
May kung anong pagkasaling sa damdamin ang naramdaman ni Naty nang marinig ang salitang retirado mula sa kaniyang anak.
“Oo nga pala ‘no? Ito pala ang unang araw na retirado na ako. Buong panahon ng buhay ko, bukod sa pag-aalaga ko sa inyo, eh nagtuturo ako,” malungkot na saad ni Naty.
“’Ma, huwag na kayong malungkot, kasi nagawa mo na po ang tungkulin mo sa bayan. Ito naman ang pagkakataon para makapagpahinga ka.”
“Para yata akong mawawala sa mundo kapag nagpahinga ako. Mukhang mapapaaga ang pagkikita namin ni San Pedro.”
“’Ma, huwag ka namang magsalita nang ganyan. Paano naman kaming mga anak mo?”
Sabagay. May punto naman ang sinabi ng anak.
Pagkakain at pag-alis ng anak, inimis na ni Naty ang mga pinagkainan. Dinala niya sa lababo at naghugas. Pagkatapos, naisipan niyang is-isan ang mga puwit ng kaldero at kawali.
Matapos malinisan ang mga kaldero at kawali, hinarap naman niya ang pagkukuskos sa mga namuong dumi sa tiles ng kusina. Inayos niya ang mga gamit na nasa kitchen cabinet, inihanay mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki. Pinunasan at sinalansan niyang maigi ang mga plato at platito at maingat na inilagay sa tama nitong lalagyan.
Nasulyapan ng kaniyang mga mata ang mga labahang damit sa basket. Sunod na ginawa niya ay naglaba siya gamit ang washing machine. Habang naghihintay, kinuha niya ang mga natatabing basahan, binasa ito, at isa-isang pinunasan ang mga muwebles upang matanggal ang mga alikabok. Itinuloy na rin niya ang paglilinis ng iba pang mga bahagi ng bahay.
Pagkatapos makapagluto at makakain ng tanghalin, kinuha ni Naty ang mga kagamitan sa cross stitch. Tatapusin niya ang ginagawang dibuho ni Birheng Maria. Habang ginagawa ito, binuksan niya ang radyo at nakinig sa dramang panghapon. Hindi niya napigilan ang antok kaya umidlip siya sa sofa. Paggising niya, kalat na ang dilim, kaya nagsaing at nagluto na siya ng hapunan. Anumang oras ay uuwi na si Rissa.
Ganito nang ganito ang bagong rotinaryo sa buhay ni Naty. Sa totoo lamang, hindi naman pala nakakainip. Ito pala ang mga bagay na nakaligtaan niya sa kaniyang buhay. Sa sobrang tutok niya sa trabaho, hindi niya na-enjoy ang mga bagay na ito.
Kaya nagulat siya nang abutan siya ni Rissa ng pera mula sa suweldo nito. Hindi siya sanay. Simula nang magkatrabaho ang dalawang anak, ang panganay ay may sariling pamilya na, hindi niya sila inobligang abutan siya, maliban na lamang kung pambayad sa mga pangangailangan sa bahay gaya ng kuryente, tubig, internet, at pagkain.
Itinulak niya ang kamay ni Rissa.
“Anak, okay lang ako. Pensyonado naman ako kaya hindi mo na ako kailangan pang bigyan. Hindi mo naman ako obligasyong bigyan.”
“Okay lang iyan, ‘Nay. Sige na po, huwag na po kayong tumanggi. Ipandagdag ninyo na lang po sa mga bagay na nais ninyong bilhin kung sakali.”
“Huwag kang mag-alala Rissa, kapag nakuha ko na ang unang bugso ng pensyon, ililibre ko kayo ng Ate mo. Kumusta na nga pala iyon? Minsan nga i-chat mo at ayain dito. Miss na miss ko na ang mga apo ko.”
Kaya naman dahil lagi nang nasa bahay si Naty, lagi siyang dinadalaw ng kaniyang mga apo at nakikipaglaro sa kaniya. Madalas din silang magpunta kung saan-saang pasyalan. Tuwang-tuwa naman ang mga apo niya sa tuwing nililibre niya ang mga ito ng kung anu-ano gamit ang pensyon niya.
Napagtanto ni Naty na ang buhay ay hindi puro trabaho lamang. May mas mahahalagang bagay pang hindi dapat palagpasin, gaya ng oras sa pamilya at oras para sa sarili.