Inday TrendingInday Trending
Babaero ang Lalaking Ito Dahil Palagay Niya ay Sukatan Ito ng Pagiging Isang Tunay na Lalaki; Makilala Kaya Niya ang Babaeng Makapagpapatino sa Kaniya?

Babaero ang Lalaking Ito Dahil Palagay Niya ay Sukatan Ito ng Pagiging Isang Tunay na Lalaki; Makilala Kaya Niya ang Babaeng Makapagpapatino sa Kaniya?

Aminadong babaero at kilabot ng mga kababaihan si Gilbert. Walang babaeng nagustuhan niya ang hindi nahulog sa kaniyang bitag. What Gilbert wants, Gilbert gets, aniya.

Hindi na mabilang sa daliri ang mga babaeng nahumaling sa kaniya, at sa bandang dulo ay iniwan din niya na parang basahan matapos gamitin. Para sa kaniya, tropeo ng isang tunay na lalaki ang pagkakaroon ng maraming babae.

Hanggang isang araw, nakahanap siya ng katapat.

Hindi maalis ang mga mata niya sa napakaganda at napakaseksing babae na bigla na lamang sumulpot sa bar na kaniyang madalas na pinupuntahan. Nilapitan niya ito.

“Hi… should I get you a drink?”

P*tay-malisya namang tumingin lamang ang babae sa kaniya, ngumiti, at saka ipinagpatuloy ang pag-inom ng champagne.

“I’m Gilbert. And you are…?”

“Leaving…” sabi ng babae, sabay kuha sa kopitang tangan at talikod.

“Teka lang miss… grabe ka naman… gusto ko lang naman makipagkilala sa iyo eh. Huwag mo naman akong dedmahin. Sige ka, pagsisisihan at panghihinayangan mo sa buhay mo na hindi mo ako nakilala.”

Bumaling ang maganda at seksing babae kay Gilbert.

“Ang mga kagaya mong lalaki, kabisado ko na. Hindi kayo dapat pagkatiwalaan, kaya puwede ba, huwag mo na akong pag-aksayahan ng oras?”

“Alam mo miss, hindi lahat ng lalaki eh gaya ng iniisip mo. Hindi lahat ng mga lalaki eh manloloko, gaya ko, matino ako.”

“Talaga lang ah? Hindi ako interesado. Bye!”

Iyon ang unang beses na may babaeng hindi kumagat sa kaniyang pain.

Bagay na lalong nagbigay ng interes kay Gilbert upang makilala niya ang babaeng ito. Ni hindi man lamang niya nalaman ang pangalan, cellphone number, o social media account nito.

Simula noon, lagi nang laman ng bar na iyon si Gilbert, hinihintay niyang matiyempuhan ang babaeng pumukaw ng kaniyang interes.

Hindi nga siya nagkamali dahil isang gabi ng Sabado ay muling nagkrus ang kani-kanilang mga landas.

“I’m sure hindi mo ko makakalimutan. Ako yung nakipagkilala sa iyo noong nakaraan,” sabi ni Gilbert.

“Ah oo naman. Sino ba naman ang hindi makakalimot sa isang hambog na kagaya mo?” nakangiting sagot nito.

“Simple lang naman ang hiling ko eh, malaman ko ang pangalan mo at makilala kita. Puwede bang malaman na?”

“Jessa. Huwag mo nang alamin ang apelyido at baka i-stalk mo pa ako sa social media accounts ko,” natatawang sabi nito.

“Beautiful name. Hayan, mas bagay sa iyong nakatawa.”

At doon na nagsimula ang kanilang pagiging magkakilala. Naiibang karanasan ito para kay Gilbert dahil sanay siyang sa biglang liko kaagad ang kapupuntahan nila ng mga babaeng nakikilala niya; ang ending, kapag nakuha na niya ang gusto niya, nawawalan na siya ng interes dito.

Pero ibang makipaglaro si Jessa. Hindi ibinibigay ang lahat-lahat. Kaya mas nahahamon ang pagkalalaki ni Gilbert.

Habang tumatagal ang kanilang pagkakaibigan ay mas nakikilala pa ni Gilbert si Jessa, at nasabi niyang ibang-iba nga ito sa karamihan. Ito yung tipong sineseryoso, binabahay, pinakakasalan. Kaya naman, niligawan niya si Jessa. Pagkaraan lamang ng halos dalawang buwan ay naging sila na.

“Sino ang mag-aakalang babagsak ka rin pala sa akin? Ang sungit-sungit mo noon!” nasabi ni Gilbert kay Jessa.

“Ganoon talaga, dalagang Pilipina. Kilala ko na ang mga hilatsa ng mga lalaki,” tugon ni Jessa.

Natiyak ni Gilbert na espesyal na ang nararamdaman niya para kay Jessa. Handa na rin siyang maging seryoso at magpakatino sa buhay. Kaya naman hindi na niya pinalagpas ang pagkakataong ayaing pakasalan ito.

Nakuha niya ang matamis na oo ni Jessa.

“Masaya ako para sa iyo, anak. Sa wakas, nakatagpo mo rin ang babaeng nagpatino sa iyo. Alagaan mo siya ha? Huwag mong sasaktan. Gusto namin si Jessa para sa iyo,” paalala ng kaniyang ina.

“Oo naman, ‘Ma. Mahal na mahal ko si Jessa at pangako, ibabaon ko na sa limot ang mga kalokohan ko noon.”

At matuling inasikaso ang mga kinakailangan sa kanilang kasal. Sabik na sabik na si Gilbert na maangkin ang nobyang si Jessa.

Sa mismong araw ng kasal, isang nakawiwindang na pangyayari ang naganap.

“Nasaan si Jessa?”

Walang Jessang sumipot sa kasal.

Maya-maya, isang lalaki ang sumulpot. May iniabot na liham kay Gilbert.

Gilbert, napaghigantihan ko na rin ang kapatid kong dumaan sa depresyon dahil sa panloloko mo. Hindi karapat-dapat mahalin ang isang gaya mo. Lahat ng ito ay pagpapanggap lamang. Hindi kita totoong minahal. Lahat ay nakaplano, magmula sa pagkikita ntin sa bar hanggang sa pagpayag ko sa alok mong kasal, at pagkatapos ay iwan ka. Anong pakiramdam ngayon ng iniwan? -Jessa.

Nanlumo si Gilbert matapos mabasa ang liham ni Jessa. Umugong ang bulung-bulungan ng mga tao sa simbahan dahil sa nangyari sa kaniya.

“Karma, karma itong nangyari sa akin,” naiiyak na saad ni Gilbert habang nagpapakalasing.

Tinanggap ni Gilbert ang naging kapalaran niya bilang kabayaran sa lahat ng mga babaeng naloko niya. Tunay ngang kaybilis ng karma; kung kailan naman natuto na siyang magseryoso at magmahal.

Advertisement