Inday TrendingInday Trending
Nanggigigil ang Nars na Ito sa Alagang Matanda, Bakit nga ba Ito Palaging Humihiling ng Basang Basahan?

Nanggigigil ang Nars na Ito sa Alagang Matanda, Bakit nga ba Ito Palaging Humihiling ng Basang Basahan?

“Ano ba naman ‘yan, Leslie? Ang aga-aga, nakasambakol at nagdadabog ka na naman!” saway ni Liza sa kaniyang katrabaho, isang umaga nang mapansin niyang todo-simangot ito.

“Paanong hindi, e ‘yong matandang inaalagaan ko, may kondisyon pang hinihiling bago niya inumin ang gamot na binibigay ko!” inis na sagot ni Leslie.

“O, ano bang klaseng kondisyon ‘yon? Gawin mo na lang para makainom na siya ng gamot,” mahinahong payo nito sa kaniya na ikinailing niya.

“Ito na nga, o, nilalamas ko na ang paborito niyang basahan! Kung ako lang talaga ang masusunod, hindi ko na papainumin ng gamot ‘yong matandang ‘yon, eh!” sagot niya habang nilalabhan ang naturang basahan ng matanda.

“Teka, ano namang gagawin niya sa basahang ‘yan?” pang-uusisa pa nito.

“Naku, pupunasan niya lang ‘yong tsinelas na hindi naman niya ginagamit! Diyos ko! Inaabot ako ng isang oras kakahintay sa pagpupunas niyang iyon!” galit niyang sagot habang padabog na binabanlawan ang basahan.

“Kaya naman pala gan’yan ka kagigil, eh. Intindihin mo na lang, matanda na siya, saka trabaho naman nating intindihin ang mga matatanda rito,” wika pa nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Ewan ko ba! Konti na lang susuko na ako!” sabi niya pa saka agad na ring bumalik sa silid ng naturang matanda.

Isa ang dalagang si Leslie sa mga nars na nadestino sa isang home for the aged sa isang malayong probinsya. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang malaman niya ito noong una dahil sa wakas, siya’y magkakatrabaho na rin pagkalipas ng halos isang taon niyang paghihintay. Sabik na sabik pa nga siyang nag-empake ng mga gamit na dadalhin niya dahil nga roon siya manunuluyuan ng ilang buwan.

Kaya lang, nang makarating na siya roon at makitang may mga sakit at uugod-ugod ng mga matatanda ang kaniyang aalagaan, bigla na lang nawala ang kasabikan mayroon siya at nagsimula nang magreklamo.

Sabi niya pa, “Akala ko naman mga matitinong matatanda pa ang aalagaan ko rito!”

Lalo pa siyang nagpatuloy sa pagrereklamo nang umpisahan niyang alagaan ang isang matandang may kondisyon pang hinihiling sa kaniya bago sundin ang pagpapainom niya ng gamot.

Inaabot siya ng halos isang oras sa paghihintay na matapos ang pagpupunas ng matanda sa bagong tsinelas bago niya pa ito mapainom ng gamot na talaga nga namang kaniyang ikinaiinis dahil nauudlot ang mga iba pa niyang gagawin doon.

Sa sobrang inis niya sa matanda noong araw na iyon, padabog niyang hinagis sa tabi nito ang basahang kaniyang nilabhan.

“O, ayan, dalian mo nang magpunas d’yan, ha? Marami pa akong gagawin! Hindi lang ikaw ang alagain ko rito!” sigaw niya rito saka padabog pang naupo sa tabi nito.

“Huwag ka namang sumigaw, hija. Hindi ko mananamnam ang unang oras ng araw kasama ang asawa ko, eh,” mahinahong wika nito saka kinuha ang naturang basahan.

“Diyos ko naman! Ilang beses ko na bang sinasabi sa’yo na nasa kabilang buhay na ang asawa mo?” inis niya pang bulyaw dito.

“Maaaring nasa kabilang buhay na nga siya, hija, pero sa tuwing pinupunasan ko ‘tong huling regalo niya sa akin, bumabalik lahat ng masasayang alaala namin. Pakiramdam ko, yakap-yakap niya pa rin ako,” nakangiting sabi nito saka sinimulan ang pagpupunas sa naturang tsinelas, “Alam mo ba, pinag-ipunan niya ang tsinelas na ‘to sa pamamagitan ng pagtitinda ng kamote. Nainis pa nga ako noon, eh, dahil hindi ko naman gusto ‘yong kulay nito. Hindi ko alam, ito na pala ang huling regalong maibibigay niya sa akin. Kaya sobra ko ‘tong inaalagaan, eh,” dagdag pa nito saka nagsimulang humikbi dahilan para biglang lumambot ang puso niya.

Doon na niya naintindihan kung bakit palaging humihiling ang matandang ito ng basahan. Labis siyang nakaramdam ng pangongonsenya sa mga maling aksyong ginawa niya sa matanda noon dahil lang sa oras na ginugugol niya rito.

Kaya naman, nang araw na ‘yon, matapos niyang painumin ng gamot ang matanda, siya’y nanatili pa rin sa silid nito habang pinakikinggan ang mga nakakakilig at masasayang kwento nito tungkol sa yumaong asawa.

Iyon na ang araw kung kailan niya sinimulang intindihin ang lahat ng hiling ng mga matatandang inaalagaan niya dahil ngayon, alam na niyang may malalim na pinanghuhugutan ang mga matatandang ito.

Simula rin noon, naging malapit ang matandang iyon sa kaniya at siya’y tinuring na nitong anak na labis niyang ikinasaya.

“Salamat, hija, ha? Ikaw lang ang hindi sumuko sa akin,” sabi pa nito sa kaniya matapos nitong ikwento ang problema nito sa mga anak na hindi man lang ito magawang maalagaan nang ito ay tumanda na.

“Huwag po kayong mag-alala, nandito naman po ako’t aalagaan ko po kayo,” nakangiting sagot niya sa matanda.

Mas ganado na siyang magtrabaho ngayon dahil napagtanto na niya ang tunay na responsibilidad niya bilang nars ng mga nakatatanda sa pasilidad na iyon.

Advertisement