Inday TrendingInday Trending
Nilimitahan ng Gurong Ito ang Kakayahan ng Isang Pasaway ng Estudyante, Naiyak Siya nang Malaman ang Tunay na Kakayahan Nito

Nilimitahan ng Gurong Ito ang Kakayahan ng Isang Pasaway ng Estudyante, Naiyak Siya nang Malaman ang Tunay na Kakayahan Nito

“Nagpapatawa ka ba, hijo? Saan mo nakuha ang lakas ng loob na sumali sa isang patimpalak sa patalinuhan? Ni hindi ka nga nakakapasa mga pagsusulit na binibigay ko, eh!” inis na sambit ni Cecille sa estudyanteng pumunta sa kaniyang opisina habang siya’y nananghalian.

“May mga pinagdadaan po kasi ang pamilya namin, ma’am, kaya madalas hindi po ako nakakapasa pero alam ko naman po sa sarili ko na kaya kong irepresenta ang paaralan natin sa patimpalak na iyon,” sabi ni Elias, kitang-kita ang dedikasyon sa kaniyang mga mata.

“Naku, tigilan mo ako sa mga dahilan mong iyan! Gusto mo lang magpasikat sa mga kaklase mo, eh! Pasensya ka na, hijo, hindi ko hahayaang ipahiya mo ang paaralan natin,” tanggi niya saka agad na tinaboy ang binata.

“Sige na po, ma’am, subukan niyo po ang kakayahan at katalinuhan ko. Kahit ngayon po, ma’am, tanungin niyo ako tungkol sa siyensya. Panigurado, hahanga po kayo sa akin,” pangungumbinsi pa nito sa kaniya.

“Magsasayang lang ako ng oras sa’yo, umuwi ka na. May napili na akong estudyanteng isasali ko sa patimpalak na iyon,” diretsahan niyang sabi rito saka tuluyan na itong pinalabas ng kaniyang opisina.

Hindi kailanman bumilib ang gurong si Cecille sa estudyante niyang si Elias na palaging sakit sa ulo sa kaniyang klase. Bukod kasi sa paminsan lang ito pumasok sa kaniyang klase, pasaway at palaging bagsak pa ito sa mga pagsusulit tuwing papasok ito sa klase.

Kaya naman, ganoon na lang siya hindi makapaniwala nang bigla itong nagpunta sa kaniyang opisina at nagsasabing gusto nitong irepresenta ang kanilang paaralan sa isang patimpalak tungkol sa siyensya.

Kahit na wala pa siyang natatagpuang estudyanteng pupwedeng magrepresenta ng kanilang paaralan noong araw na ‘yon, sinabi niya ritong mayroon na siyang nahanap para lamang tumigil ito.

Nang araw na ‘yon, matapos niyang palabasin ang naturang estudyante at pagkatapos niyang kumain ng pananghalian, siya’y agad na lumabas ng kaniyang opisina upang maghanap ng estudyanteng maisasali niya sa naturang patimpalak.

Ngunit pagkalabas niya, agad niyang nakita sa harapan ng opisina ang estudyanteng si Elias. Matiyaga itong naghihintay sa kaniya habang nagbabasa ng libro tungkol sa siyensa.

Dahan-dahan siyang naglakad palayo upang huwag siyang makita nito. Nang matantiya niyang malayo-layo na siya, siya’y dali-daling nagtungo sa isang klase ng mga matatalinong estudyante.

Ngunit pagdating niya roon, wala ni isang estudyante ang interesado sa patimpalak na sinasabi niya. Kahit anong pangungumbinsi man ang sabihin niya sa mga ito, agad siyang tinatanggihan ng mga ito. Sabi pa ng isa, “Marami pa po kaming kailangang gawin, ma’am,” na talagang nagbigay sa kaniya ng malaking problema.

Pagkalabas na pagkalabas niya sa silid na iyon, nakangiting bumungad sa kaniya si Elias.

“Ako na lang po kasi ang isali niyo, ma’am, nagsinungaling pa kayo sa akin, eh!” giit nito, narinig pa ito ng ilang estudyante at gurong naroon dahilan para siya’y mapilitang isali ito.

“Huwag mo akong ipapahiya, Elias, malilintikan ka talaga,” pagbabanta niya rito saka agad niya itong pinapasok sa isang bakanteng silid at binigyan ng ilang librong kailangang aralin.

Araw-araw niyang sinanay at tinuruan ang binatang iyon at talaga nga namang humanga siya sa determinasyon at talinong mayroon ito.

At nagbunga nga ang paghihirap nila ng binatang ito dahil pagdating ng naturang patimpalak, ito ang tinanghal na kampiyon na nagbigay ng karangalan sa kanilang paaralan!

Sa sobrang saya niya nang araw na ‘yon, halos mapaiyak siya kakapasalamat sa estudyanteng noon ay kinaiinisan at tinataboy niya.

“Hindi, ma’am, salamat po sa inyo. Hinayaan mo po akong tuparin ang huling hiling ng nanay ko sa akin bago siya tuluyang pumanaw,” sabi nito na labis niyang ikinagulat, “Tumutok po ako sa pagtatrabaho para mapagamot si nanay kaya minsan lang po ako makapasok ngunit nang malaman kong gusto niyang magkamedalya ako, ito po ang naisip kong paraan para maging madali ang pagtupad ko roon,” iyak nito na talaga nga namang nagbigay ng kalungkutan sa kaniya.

Labis din siyang nakaramdam ng pangongonsenya dahilan para magpasiya siyang samahan ito pauwi. Naluha siya nang makita ang sitwasyon ng nanay nito.

“Mama, may medalya na ako!” sigaw ni Elias saka sinuot sa ginang na nakaratay ang medalya. Ngumiti lang ito at tumitig nang matagal sa binata saka na ito pumikit kasabay ng pagpatak ng luha.

Doon na nagsimulang humagulgol ang estudyante niya at ang mga kapatid nito.

“Talagang hinintay mo lang akong magkamedalya, nanay! Sige na, magpahinga ka na. Makakaasa kang hindi ko papabayaan sila bunso. At hindi ito ang huling medalya na iuuwi ko sa pamilya natin,” hikbi pa nito habang yakap-yakap ang ginang na talagang nagpabiyak sa puso niya.

Tinulungan niya ang pamilya nito sa abot ng kaniyang makakaya simula noon at hindi na nilimitahan kailanman ang kakayahan ng mga estudyante sa kanilang paaralan.

Advertisement