Inday TrendingInday Trending
Nababaliw na Raw ang Binatang Ito sa Kagustuhang Niyang Pakasalan ang Nobyang may Sakit, Maging Masaya Kaya Siya sa Desisyong Ito?

Nababaliw na Raw ang Binatang Ito sa Kagustuhang Niyang Pakasalan ang Nobyang may Sakit, Maging Masaya Kaya Siya sa Desisyong Ito?

“Kung ako sa’yo, pare, huwag mo nang ituloy ang pagpapakasal mo kay Sanya. Alam mo namang kahit kailan, pupwede nang mawala ‘yon tapos itatali mo pa ang buhay mo sa kaniya,” payo ni Ben sa kaniyang matalik na kaibigan nang muli nitong ikwento sa kaniya ang balak na pagpapakasal sa may sakit na nobya.

“Mahal ko siya, pare, kaya kahit isang linggo lang ang ibigay sa amin ng Diyos bilang mag-asawa, walang problema sa akin,” katwiran ni King saka huminga nang malalim.

“Nahihibang ka na talaga! Gusto mo pang labis na masaktan kapag tuluyan siyang pumanaw? Ang lala na ng sakit niya, pare, para ipalala ko sa’yo. Walang kasiguraduhan na magiging masaya ka sa kaniya,” sambit pa nito dahilan para mapatingin siya sa kalangitan.

“Walang problema ‘yon, ang gusto ko lang talaga, mapasaya ko siya sa huling mga araw niya rito. Hindi ko na naisip ang sarili ko dahil alam kong kayang-kaya ko namang lagpasan ‘yon,” tugon niya saka inilabas ang engagement ring na binili niya.

“Iba talaga ang tama mo sa babaeng ‘yan! Diyos ko! Bahala ka na sa buhay mo!” sabi pa nito sa kaniya saka tuluyan siyang iniwan.

Nahihibang na raw ang binatang si King ayon sa kaniyang mga kaibigan dahil sa kagustuhan niyang pakasalan ang dalagang isang dekada na niyang minamahal ngunit ngayo’y napag-alamanan niyang may malubhang karamdaman sa puso.

Ilang beses man siyang kumbinsihin ng kaniyang mga kaanak at kaibigan na huwag nang magpakasal dito dahil bukod sa sayang lang ang perang gagastusin nila, wala nang kasiguraduhan kung magtatagal pa ang nobya niyang ito.

Ngunit kahit pa ganoon, walang nakapigil sa kaniya. Matapos siyang makausap ng kaibigan niyang si Ben, dali-dali siyang nagpunta sa bahay ng kaniyang nobya at doon sa harap ng mga pamilya nito nag-propose.

Nang sumang-ayon ito sa alok niyang pagpapakasal, wala na silang sinayang kahit na isang minuto, agad na silang nagplano kung paano ito isasagawa.

Simple at malayo man sa pangarap nilang kasal ang kinalabasan ng kanilang pagpaplano, hindi na ito importante sa kaniya. Ang tanging nais niya lang, mapasaya ang kaisa-isang dalagang bumuo sa buhay niya.

Ilang araw lang ang lumipas, tuluyan na nga silang ikinasal sa harap ng kani-kanilang mga pamilya’t mga kaibigan at wala nang mas sasaya pa sa kanilang dalawa noong araw na iyon.

Kitang-kita niya sa mga mata ng babaeng ito ang sayang nakita niya noong una silang magkakilala at doon, napatunayan niyang tama lang ang desisyon niyang pakasalan ito kahit pa marami ang tutol.

Tangi niyang panalangin noon, “Panginoon, bigyan Mo lang ako ng isang buwan o kahit isang linggo na kasama ko ang asawa ko, gagawin ko ang lahat ng gusto Mo.”

Ngunit sobra-sobra pa sa kaniyang pinanalangin ang ipinagkaloob sa kaniya dahil nagawa pang magdalang tao ng kaniyang asawa! Araw-araw man siyang kinakabahan na baka biglang mawala ang asawa’t anak niya, araw-araw niya ring sinusulit ang oras na mayroon silang dalawang magkasama at kaniyang pinapakita na handa niyang gawin ang lahat para sa kaniyang mag-ina.

Hanggang sa lumipas ang siyam na buwan, patuloy pa ring lumaban ang kaniyang asawa. Sabi nga ng iba ay himala na raw ang pagtagal at pagdadalantao ng kaniyang asawa na labis nilang ikinatutuwa.

“Malakas po ang kapit namin sa Taas, eh,” katwiran niya habang hinihimas ang tiyan ng asawang nakabungisngis. Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na ngang dinala sa ospital ang kaniyang asawa para sa panganganak nito na talaga nga namang ikinakaba niya.

“Ikaw nang bahala sa mag-ina ko, Diyos ko,” taimtim niyang wika habang hawak-hawak ang kamay ng asawang namimilipit na sa sakit ng tiyan.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan nang nanganak ang kaniyang asawa at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang marinig niya ang iyak ng kanilang anak. Kaya lang, bago pa niya maibalik ang tingin at atensyon sa asawa, biglang bumaba ang oxygen nito dahilan para mataranta ang mga doktor at siya’y palabasin sa silid.

Katakot-takot na panalangin man ang binigkas niya mula sa puso, tuluyan nang lumisan ang kaniyang asawa sa mundong ito.

“Maging mabuting daddy ka raw, sir,” sabi sa kaniya ng doktor matapos nitong ianunsyo ang pagkawala ng kaniyang asawa na talaga nga namang ikinaguho ng mundo niya.

Ilang oras niya ring iniyakan ang labi ng asawa bago siya nagdesisyong tuluyan itong dalhin sa m*rgue. Kahit na napakabigat ng nararamdaman niyang kalungkutan dahil hindi niya makakasama ang asawa niya sa pag-aalaga ng munti nilang anghel, laking pasasamalat niya pa rin dahil bukod sa napakahaba ng panahon na binigay ng Panginoon para sa kanilang dalawa, mayroon pang binunga ang kanilang pagmamahalan.

“Hindi ka mawawala sa puso ko, mahal, alam kong kasama ka namin ni baby sa pakikibakbakan sa buhay,” sabi niya rito bago ito tuluyang ilibing habang buhat-buhat niya ang napakalusog nilang anak.

Advertisement