Inday TrendingInday Trending
Palaging Gumagawa ng Paraan ang Ginang para Matugunan ang Kagustuhan ng Anak; Ito pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tagumpay

Palaging Gumagawa ng Paraan ang Ginang para Matugunan ang Kagustuhan ng Anak; Ito pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tagumpay

“Mama, may bente pesos ka ba riyan? Gusto ko po kasing bumili ng ice cream na nilalako roon sa tapat ng paaralan namin, kaso nang tanungin ko ‘yong presyo, hindi sakto sa pera ko,” daing ni Kisses sa kaniyang ina, isang hapon pagkauwi niya galing paaralan.

“Naku, anak, pasensya ka na, wala, eh. Ito nga at isang daan lang ang kinita ko ngayon sa pagtitinda nitong mga prutas. Pabulok na kasi itong mga prutas ko, eh, kaya wala nang gustong bumili,” sagot ni Vina saka ipinakita sa anak ang perang kinita na ipangbibili niya ng kanilang pagkain.

Nang makita niya ang malungkot na mukha nito, siya’y nag-isip ng paraan upang makatikim ito ng ice cream, “Gusto mo ba talaga ng ice cream, anak? Pupwede naman kitang igawa gamit itong mga pabulok kong prutas. Makakaasa kang masarap na, masusustansya pa!” sabi niya pa rito dahilan para biglang magliwanag ang mukha nito.

“Talaga po, mama? Kaya niyo pong gumawa ng ice cream?” nasasabik na tanong nito sa kaniya.

“Oo naman! Saglit, maghintay ka lang d’yan at maghahanap lang ako ng iba pang mga kailangan kong sangkap!” wika niya pa saka pinisil-pisil ang pisngi ng kaniyang anak.

“Sige po, mama!” masayang tugon nito saka siya mariing na niyakap.

Ginagawa ng inang si Vina ang lahat para sa nag-iisa niyang anak. Anak man niya ito sa pagkadalaga, hindi niya pinararamdam dito na pinagsisihan niya ang pagkabuhay nito bagkus, araw-araw niyang pinaparamdam dito na ang pagmamahal niya.

Kahit na kakaunting lamang ang kinikita niya sa pagtitinda ng mga prutas, hindi niya matiis na hindi kumurot kahit kakaunti sa kaniyang kita para lamang matugunan ang kagustuhan ng kaniyang anak.

Nang araw na ‘yon, kahit na siya’y pagod na pagod na, gumawa pa rin siya ng paraan para matugunan ang kagustuhan ng anak. Ramdam niya ang naranasan nitong inggit at lungkot dahilan para kahit kakarampot lang ang kinita niya, piniga niya talaga ang utak niya para lamang maibigay ang gusto nito.

Agad siyang nagkalkal sa kanilang kusina pagkatapos niyang pangitiin ang anak at laking tuwa niya nang makakita siya ng asukal at gatas sa pakete.

Doon na niya agad na sinimulan ang paggawa ng ice cream. Kakaunti man ang sangkap na mayroon siya, para bang gumamit siya ng mahika sa sarap ng kinalabasan nito.

“Papatigasin ko lang anak, ha? Ipapalagay ko sa ref nila Aling Bona, hintayin mo, tiyak, mapapaiyak ka sa sarap!” magiliw niyang wika sa anak na nagbigay lalo ng kasiglahan dito.

Ilang oras pa ang lumipas, saktong pagkatapos nilang maghapunan, matigas na ang naturang ice cream at kaniya nang ibinigay sa anak.

Walang mapaglagyan ang sayang naramdaman niya nang makita niya kung gaano nasarapan ang anak niya.

“Grabe, mama! Panigurado, mas masarap po ito kaysa sa binebenta sa labas ng paaralan namin! Lasang-lasa ko po ang prutas, mama! Itinda kaya natin ‘to roon, mama?” sabi nito na talaga nga namang lalo niyang ikinatuwa.

“Oo, ba! Tutulungan mo ba ako?” sagot niya rito.

“Opo! Hihikayatin ko ang mga kaklase ko, mama!” tugon nito saka siya niyakap nang mahigpit.

Katulad ng napag-usapan nilang mag-ina, tinuloy niya ang paggawa ng ice cream na iyon. Inutang man niya ang pinangpuhunan niya at nakikilagay lang sa ref ng kapitbahay, malakas ang pag-asa niyang maraming tatangkilik ditong mga estudyante.

At hindi nga siya nagkamali dahil unang araw pa lang ng pagtitinda nilang mag-ina roon, agad itong naubos sa loob lamang ng sampung minuto!

“Sabi sa’yo, mama, eh, magiging mabenta po ang gawa niyong ice cream!” sabi ng anak niya habang sila’y nagbibilang ng kanilang kita.

Nagpatuloy ang kanilang pagtitinda hanggang sa siyang makabayad sa kaniyang pinagkakautangan at makabili ng sarili nilang maliit na refrigerator.

Tumigil man siya sa pagtitinda ng prutas, siya’y labis na natutuwa dahil mas malaki ang kinikita niya rito.

Hindi pa roon natatapos ang biyayang natanggap nila dahil may mga negosiyanteng gustong kumuha ng bultuhang ice cream sa kaniya at nang sabihin niyang wala pa siyang pangpuhunan sa bultuhang paggawa ng ice cream, nagbayad na ang mga ito kaagad para lamang makagawa na siya na labis niyang ikinasaya.

Sa ganoong paraan, unti-unting nakilala ang kaniyang produkto sa kanilang buong lalawigan hanggang sa makapagpatayo siya ng sariling bahay at isang maliit ng tindahan na araw-araw dinudumog ng mga tao.

“Hindi ko akalaing sa paggawa ko ng paraan upang matugunan ang kagustuhan ng anak ko, magkakaroon ako ng ganitong klaseng negosyo. Kapag talaga inuna mo ang anak mo, hindi ka magsisi sa kahihinatnan,” sabi niya sa sarili, isang araw nang makita niya kung gaano na kalaki ang perang mayroon siya sa kaniyang bangko.

Advertisement