Inday TrendingInday Trending
Ninakaw ng Dalagang Ito ang Akdang Kanta ng Katrabaho; Tuluyan Niya Kayang Malusutan ang Ginawang Kasalanan?

Ninakaw ng Dalagang Ito ang Akdang Kanta ng Katrabaho; Tuluyan Niya Kayang Malusutan ang Ginawang Kasalanan?

“Sigurado ka bang ito ang gagamitin nating kanta sa nalalapit na patimpalak? Hindi kaya matanggal tayo kapag nalaman ng mga hurado na hindi natin orihinal na akda ‘to?” pag-aalinlangan ni Gino habang binabasa ang kantang kanilang kakantahin sa nalalapit na patimpalak.

“Hindi naman siguro nila malalaman ‘yon. Pwera na lang kung magrereklamo si Cindy. Siya ang nagsulat at naglapat ng tono sa kantang ‘yan, eh,” kumpiyansadong sagot ni Kashie habang tinotono ang gagamitin niyang gitara.

“O, paano kung ganoon? Baka mabuwag pa ang banda natin kapag nagreklamo ‘yon! Magsulat na lang kasi tayo ng kanta para wala tayong aalahanin!” pag-aalala pa ng isa nilang kabanda na ikinasimangot niya.

“Kulang na nga sa oras, ‘di ba? Saka, hindi naman makakaalma sa akin ‘yon si Cindy. Pinandidilatan ko lang ‘yon ng mata sa trabaho, nanginginig na ‘yon!” pagmamalaki niya pa saka sinimulan ang pagtugtog ng gitara.

“Sabi mo ‘yan, ha? Ikaw ang sisisihin namin kapag nabisto tayo!” wika ni Gino na talagang kaniyang ikinatawa.

“Walang problema! Kahit sa akin niyo pa ipabayad lahat ng ginastos natin sa pambili ng mga instrumentong ‘to!” pagyayabang niya pa saka agad nang niyayang mag-ensayo ang dalawang kabanda.

Gusto makuha ng dalagang si Kashie ang kahit ano mang pagmamay-ari ng kaniyang katrabahong si Cindy. Simula kasi nang pumasok ito sa kumpanyang pinagtatrababuhan niya, agad na siyang naetchapwera.

Kung dati’y siya ang palaging bida sa kanilang trabaho dahil bukod sa madali niyang natatapos ang kaniyang trabaho, maganda at galing pa siyang kumanta, kaya lang ngayon, siya’y palagi nang mag-isa. Ang mga katrabaho niyang dati’y lagi niyang kasama, ngayo’y ang bagong empleyadong si Cindy na ang hinihila kung saan-saan pagkatapos ng kanilang trabaho.

Ito ang dahilan para palagi niya itong pandilatan ng mata, irapan, at sabihan ng mga masasakit na salita at ni minsan, hindi ito umalma at palagi lamang nakatungo kapag dadaan siya.

Kaya naman, nang malaman niyang mahilig din itong kumanta katulad niya at nagsusulat pa ng mga kanta, lalo siyang nakaramdam ng insekuridad dito. Lalo pa nang marinig niya kung gaano kaganda ang kantang sinulat nito.

At dahil nga may sasalihan silang patimpalak ng mga kabanda niya, agad niyang naisip na nakawin ito upang sila’y manalo. Masusi niyang pinakinggan ang kantang ito na naka-upload sa social media ng dalaga upang makopya niya ang tono at mga lyrics nito.

Alam man niyang maaari silang mapahamak dito, ginawa niya pa rin ito dahil malaki ang potensyal na manalo sila kapag ito ang kanilang binidang kanta.

Simula nang araw na ‘yon, araw-araw na silang ensayo ng dalawa niyang kabanda gamit ang kantang iyon. May kaba man siyang nararamdaman dahil nga sinabi niyang siya ang magbabayad ng mga binili nitong instrumento kung sakali sila’y mabibisto, kinakalma niya ang sarili sa paniniwalang kaya niyang takutin ang dalagang pinagnakawan niya.

Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na ngang dumating ang araw ng patimpalak na kanilang sasalihan.

Maaga silang nagpunta sa lugar kung saan sila magpapakitang gilas upang maayos nila ang kanilang mga instrumento at mayamaya pa, nagsimula na nga ang programa at sila ang unang magtatanghal.

“Paano ba ‘yan? Ito na ‘yon, mga utol, galingan natin, ha? Sayang ang malaking papremyo rito!” sabi niya sa dalawa niyang kabanda.

“Oo, naman!” sabay na sagot ng dalawa.

Pag-akyat niya pa lang ng entablado, agad na niyang nakita ang katrabahong si Cindy. Kasama nitong nanunuod ang iba pa niyang katrabaho dahilan para biglang bumilis ang tibok ng puso niya.

Lalo pa siyang nakaramdam ng kaba nang magsimula nang tumugtog ang kanta at nakita niyang napatayo ang katrabaho niyang ito.

Kitang-kita niya ang pagkagulat sa mukha nito na talaga nga namang nakapagpablanko sa isip niya.

“Kanta na, Kashie! Kanina ka pa dapat kumakanta!” sigaw ng isa niyang kabanda dahilan para siya’y mapalingon dito.

Ngunit bago pa man siya muling makatingin sa mga manunuod, umakyat na sa entablado ang katrabaho niyang ito at pinagpatuloy ang pagkanta na ikinagulat ng mga manunuod.

“Siguro po nagtataka kayo bakit alam ko ang kantang tinugtog nila, ‘no? Ako po kasi ang may akda ng kantang ito, hindi sila,” sabi nito sa madla matapos kumanta dahilan para sila’y kagalitan ng mga manunuod, “Hindi ako umaalma sa’yo sa trabaho dahil nakikisama ako. Pero ngayong ninakaw mo ang akda ko, ibang usapan na ‘to!” sabi pa nito sa kaniya na labis niyang ikinapahiya.

Katulad ng kinakatakot ng kaniyang mga kabanda, natanggal nga sila sa patimpalak na iyon.

Labis man siyang humingi ng tawad sa naturang dalaga, siya’y hindi na nga kinikibo nito, galit pa sa kaniya ang iba nilang katrabaho.

Umingay din sa social media ang ginawa niya na talaga nga namang nagresulta ng pagkabuwag ng kanilang banda.

“Pasensya na, Kashie, hindi ko na kayang matiis ang mga sinasabi ng iba. Ikaw nang bahalang magbayad ng mga ito, ha?” sabi ni Gino sa kaniya saka iniwan sa bahay niya ang mga instrumentong binili nila.

Labis na pagsisi ang naramdaman niya ng mga araw na ‘yon. Nais man niyang ituwid ang pagkakamali, hindi niya alam kung papaano dahil wala na siyang masandalan.

Kapag talaga inggit ang nanalatay sa ugat mo, kapahamakan ang siguradong maghihintay sa’yo.

Advertisement