Inday TrendingInday Trending
Noong Una’y Hindi Binili ng Ginang ang Bestidang Gusto ng Kaniyang Ina; Bakit sa Huli ay Nagdesisyon Siyang Bilhin Din Iyon?

Noong Una’y Hindi Binili ng Ginang ang Bestidang Gusto ng Kaniyang Ina; Bakit sa Huli ay Nagdesisyon Siyang Bilhin Din Iyon?

Kasalukuyang namimili si Misha sa mall kasama ang kaniyang dalawang anak. Kasama niya rin ang kaniyang ina na si Carolina.

“Mommy! Gusto ko ‘tong laruan na ‘to!”

“Mommy! Bili mo ako ng shoes!”

Natawa na lamang ang ginang nang halos sabay pang umungot ang dalawang bata. Napangiwi man siya nang makita ang presyo ng mga iyon ay wala naman siyang magawa kundi ang bilhin ang gusto ng mga anak niya.

Maya-maya ay tinawag siya ng kaniyang ina. Hawak-hawak nito ang isang puting bestida.

“Anak, gusto ko ito. Bilhin natin. Dadating naman na ang pensyon ko sa susunod na linggo,” hiling nito.

Awtomatikong napasimangot si Misha. Ipinakita niya sa ina ang laruan at sapatos na ipinabibili ng dalawang anak.

Nakakaunawang tumango naman ito.

“Mahal na ‘tong bibilhin ko, ‘Nay. Marami ka pa namang nasusuot, hindi ba? Sa susunod na lang,” katwiran niya pa.

Tila napapahiyang yumuko naman ito bago tumango.

“Marami ka nang nagastos sa pensyon mo ‘Nay. Mga gamot mo pa lang, kulang na. Kaya ‘wag ka nang masyadong magastos. Hindi pa man dumarating ay ubos na,” pangaral niya pa sa matanda.

Nang matapos nilang magbayad ay nagtatatalon ang dalawa niyang anak sa saya.

Napailing na lamang si Misha. Kailanman talaga ay hindi niya kayang hindian ang dalawa. Nang lingunin niya ang kaniyang ina ay wala naman siya nakitang pagtatampo sa mukha nito, lalo pa’t nakangiti lang nitong pinagmamasdan ang mga apo.

Tuluyan na siyang nakampante. Ayaw niya rin naman na sumama ang loob ng kaniyang ina. Mabuti na lamang at madali itong pakiusapan.

Kalat na ang liwanag nang makauwi sila sa bahay. Sa biyahe pa lang ay tulog na ang dalawa niyang anak. Magkatulong nilang binuhat ang dalawang bata papasok ng bahay.

“‘Nay, magpahinga na po kayo,” udyok niya sa ina nang makita ang matinding pagod sa mukha nito.

“Sige nga, anak, Hapong-hapo nga ang pakiramdam ko. Ikaw na ang bahala sa mga apo ko ha,” anito bago pumasok na rin sa silid nito.

Kinabukasan, nagulat si Misha nang hindi niya maabutan ang ina sa kusina. Araw-araw kasi ay ito ang naghahanda ng almusal nilang mag-anak.

“Naku, napagod yata si Nanay.” Iyon ang nasa isip niya habang nagluluto.

Halos isang oras din ang ginugol niya sa pagluluto nang mapagdesisyunan niyang gisingin na ang lahat para mag-almusal.

Una niyang ginising ang ina lalo na’t kailangan nitong uminom ng gamot. Ngunit nakailang katok na siya ay hindi pa rin ito sumasagot. Takang pinihit niya ang seradura ng pinto ng silid nito.

Nang silipin niya ang ina ay tulog na tulog pa rin. Nilapitan niya ang ina upang tapikin ngunit nagulat niya nang maramdamang malamig ito.

Sinalakay ng kaba ang dibdib niya. Noon niya na niyugyog nang malakas ang balikat ng ina. Subalit nanatiling nakapinid ang mata nito.

“‘Nay!” kabadong sigaw niya. Idinampi niya ang kamay sa pulso nito.

Nang maramdaman niya na wala itong pulso ay dali-dali siyang tumawag ng ambulansya upang isugod ang kaniyang ina sa ospital.

Walang patid ang pagdarasal ni Misha habang sakay na ambulansya. Mahigpit ang kapit niya sa malamig ng kamay ng kaniyang ina.

Ngunit nang dumating sila sa ospital ay hindi niya napaghandaan ang sinabi ng doktor.

“Wala na ang nanay mo. Inatake siya sa puso. Ilang oras na siyang walang buhay noong dalhin n’yo siya sa ospital. Hindi na namin siya kayang iligtas.”

Humahaguhol na napaupo na lamang siya sa isang sulok. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay nawala ang kaniyang ina nang ganun-ganun na lang.

Tulala niyang dinala sa punerarya ang labi ng kaniyang ina upang maihanda ito sa burol.

“Ma’am, dalhan n’yo na lang po ng damit ang nanay n’yo. ‘Yung damit na isusuot natin sa kaniya para maganda siya sa kabaong,” bilin ng babaeng taga-punerarya.

Mugto ang matang umuwi siya. Tinungo niya ang silid ng kaniyang ina upang kumuha ng damit na maaari nilang ibihis dito.

Ngunit tumulo ang luha niya nang makita ang karamihan sa mga damit ng matanda. Karamihan kasi sa mga iyon ay luma na at halos kupas na.

“Kaya pala nagpapabili siya ng damit…” umiiyak na bulalas niya.

“Sana pala sinunod ko na lang ang gusto ni Nanay. Kung alam ko lang na huli na pala iyon!” sising-sising bulalas ni Misha.

Sa huli ay ginawa niya ang nararapat. Binili n’ya ang damit na nais ng kaniyang ina.

Napaluha siya. Bagay na bagay kasi rito ang damit na binili niya. Habang minamasdan ang ina na nakahimlay sa kabaong nito ay isang bagay ang napagtanto niya.

Dapat pala nating pagtuunan ng pansin ang mga taong nasa paligid natin. Bago pa mahuli ang lahat at mapansin lang natin kapag wala na sila.

Advertisement