
Labis ang Lungkot ng Binata sa Pagkawala ng Paborito Niyang Tiyuhin; Nang Dumalaw Siya sa Burol Nito, May Kakatwang Nangyari
Nasa labas pa lamang ng bahay ng kaniyang tiyuhin ay nanginginig na ang mga paa ni Ariel.
Iyon kasi ang unang araw na dadalaw siya burol ng kaniyang Tiyo Fermin. Iyon din ang huling araw na nakaburol ang matanda.
Ilang buwan ding itong nakipaglaban sa sakit nitong kans*r bago ito tuluyang sumuko.
“Parang hindi ko yata kaya…” naluluhang bulong ng binata.
Sa lahat kasi ng tiyuhin niya ay ito ang pinakamalapit sa kaniya. Kaya naman hindi siya sigurado kung kaya niyang makita ito na nakahimlay at wala nang buhay.
Gusto niya sanang manatili ito sa alaala niya bilang isang masayahin at mapagbirong tiyuhin.
Hindi niya makakalimutan ang tiyuhin dahil kahit na may-edad na ito ay mahilig pa rin itong magsagawa ng mga nakakatawang “prank.” Kung minsan nga ay kasabwat pa siya nito, kaya naman ganoon na lamang ang lungkot niya dahil wala na ito.
Hindi niya matanggap na hindi niya na maririnig ang malulutong nitong halakhak sa t’wing may madadali ito ng nakakatawa nitong prank. Kaya naman parang ayaw niyang makita itong walang buhay.
Ngunit alam niya rin naman na hindi siya matatahimik kung hindi niya bibisitahin ang kaniyang tiyuhin sa huling pagkakataon.
“Ariel! Mabuti naman at pumunta ka. Akala namin matitiis mo na hindi dalawin ang Tiyo mo,” natutuwang bulalas ng kaniyang Tiya Dina nang makita siya nito.
“Hindi ko naman po magagawa ‘yun kay Tiyo Fermin, Tiya…” nahihiyang tugon niya. Sa mata niya ay nagbabadya na namang pumatak ang luha.
Nang mapansin ng kaniyang Tiya ang nagbabadya niyang pag-iyak ay tinapik nito ang balikat niya.
“‘Wag kang masyadong malungkot. Ngayon kasi ay nasa masayang lugar na ang Tiyo mo. Doon ay wala na siyang mararamdamang sakit,” payo ng kaniyang Tiya.
Minasdan ni Ariel ang tiyahin. Bagaman namumugto ang mata nito sa pag-iyak, nasa mata rin nito ang pagtanggap na wala na nga talaga ang asawa nito.
“Mami-miss ko po si Tiyo, lalong-lalo na ‘yung mga nakakatawa niyang biro na parang hindi nauubos. ‘Yung lagi siyang nakangiti, at lagi niya ring pinapangiti ang mga tao sa paligid niya,” umiiyak na wika niya sa kaniyang tiyahin.
Niyakap siya nito.
“Tumahan ka na. Alam kong ayaw ng Tiyo mo na makitang umiiyak ang paborito niyang pamangkin. Hala’t lapitan mo ang Tiyo mo roon. Alam mo ba na nakasimangot ‘yun sa kabaong dahil hindi mo pa siya nadadalaw?” natatawang udyok nito bago siya marahang itinulak palapit sa nakaburol.
Malakas ang dibdib ni Ariel habang papalapit siya sa paboritong tiyuhin. Hindi siya sigurado kung ano ang mararamdaman niya kapag nakita niya itong nakahimlay.
Ilang minuto siyang nanatili sa tabi ng kabaong ng tiyuhin bago siya nagkalakas ng loob na silipin ito.
Awtomatikong tumulo ang luha niya nang makita ang mukha ng kaniyang Tiyo Fermin.
Tama ang sinabi ng kaniyang tiya. Nakasimangot nga ito.
“Tito, bakit naman nakasimangot ka? Hindi ka tuloy masyadong pogi niyan,” kahit may luha ay natatawa niyang biro sa tiyuhin.
Ngunit nangilabot siya nang may marinig siyang tinig na tumatawag sa pangalan niya.
Kaboses iyon ng tiyo niya! Sa sobrang klaro noon ay tila nasa tabi lang niya ang nagsalita.
“Ariel, pamangkin ko…”
Gulat na lumingon siya sa paligid, sa pag-aakalang may tumatawag sa kaniya, o ‘di kaya’y may nagbibiro. Ngunit wala siyang nakitang malapit sa kaniya.
Ipinilig n’ya ang ulo. Marahil ay kung ano-ano nang naririnig niya dahil sa matagal niyang pag-iyak. Itinuon niya ang atensyon sa tiyuhin.
Ngunit ilang segundo pa lang siya sa roon ay muli niya na namang narinig ang tinig ng kaniyang Tiyo Fermin.
“Ariel, pamangkin ko…”
Napaatras siya sa gulat at pagkabigla. Nang lumingon siya sa paligid ay tila walang sinumang nakarinig ng kakatwang boses maliban sa kaniya.
“Minumulto ba ako ni Tiyo?” Iyon ang nasa isip g binata habang bahagyang naninindig ang balahibo.
“Ariel, pamangkin ko…”
Nang marinig niya sa ikatlong pagkakataon ay talaga namang napasigaw na siya sa takot.
“Naririnig ko si Tiyo! Naririnig ko ang boses ni Tiyo!” takot na sigaw niya.
Ngunit sa labis na gulat niya, imbes na matakot ang mga nakikipaglamay ay sabay-sabay na nagtawanan ang mga ito.
“B-bakit? B-bakit kayo tumatawa?” gulong-gulong tanong niya.
“It’s a prank!” malakas na sigaw ng mga ito.
“A-ano?”
Luminaw lang ang lahat nang lumapit ang kaniyang Tiya Dina. May ngiti sa labi nito.
“Bago pumanaw ang Tiyo mo, ipinagbilin niya na i-prank ka,” kwento nito.
“P-pero bakit po?”
Natawa ito.
“Alam mo naman ang Tiyo mo, loko-loko. Isa pa, gusto niyang maalala mo siya bilang ang Tiyo mo na mahilig magpatawa. Hindi ‘yung nakahimlay riyan,” anito.
“Alam niya na ikaw ang pinakamalulungkot aa pagkawala niya. Kaya nais niya na patawanin ka sa huling pagkakataon. Ni-record niya ang boses niya, para paglapit mo ay maririnig mo siyang tinatawag ang pangalan mo,” paliwanag nito, bago ipinakita sa kaniya ang maliit na speaker na nakatago sa likod ng larawan nito.
Sa narinig ay hindi maiwasan ni Ariel ang mapailing at matawa. Hanggang sa huli ay makulit pa rin ang Tiyo niya!
Nakangiting sumungaw siya sa nakahimlay. Ngunit sa pagkakataong iyon, kataka-takang nakangiti na ito sa kabaong.
“Tagumpay ang prank mo, Tiyo Fermin. Ikaw talaga, nabiktima mo pa ako,” natatawang bulong niya sa butihing tiyuhin.
Dahil sa nangyari, kahit paano ay nabawasan ang nararamdamang pighati ni Ariel. Alam niya kasi na umalis sa mundong ito ang kaniyang Tiyo Fermin na masaya. Kung nasaan man ito, alam niyang wala na itong nararamdamang lungkot at sakit.