Hindi Naniniwala ang Dalaga sa Sabi-sabi na may Kapre Malapit sa Ilog; Ano ang Gagawin Niya Kung Siya Mismo ang Makakita sa “Kapre?”
Isang gabi ay nagkayayaan ang tatlong magkakaibigan na sina Joanna, Eloida, at Jessica na tumambay sa ilog.
“Naku, ayoko. Hindi ba’t may usap-usapan na may kapre raw na naninirahan malapit sa ilog?” nakangiwing tanggi agad ni Joanna. Sa tatlong magkakaibigan ay ito ang pinakamatatakutin.
Napahalakhak nang malakas si Eloida sa sinabi ng kaibigan.
“Joanna, naniniwala ka pa riyan? 2021 na, itigil mo na ang paniniwala sa kapre!” payo niya rito.
“Oo nga, Joanna. Saka maraming naliligo sa ilog. Wala tayong dapat ikatakot,” sulsol pa ni Jessica.
Sa huli ay walang nagawa ang matatakutin na si Joanna kundi ang magpatianod sa nais ng mga kaibigan.
Bitbit ang kani-kanilang mga panligo, pasado alas siyete nang makarating ang tatlo sa ilog.
Nang dumating sila ay kasalukuyang naliligo ang mga dalaga na taga-bayan din nila. Gabi na ngunit maliwanag dahil sa sinag ng bilog na bilog na buwan.
Malamig ang gabi ngunit talong-talo iyon ng mainit na tubig ng ilog. Maingay ring nagtatawanan ang iilan habang nagtatampisaw sa tubig. Kahit paano ay napanatag ang loob ni Joanna.
Sa isang panig ng ilog pumwesto ang tatlong magkakaibigan. Sa isang banda kung saan hindi matao. Masayang naghuhuntahan ang tatlo nang walang ano-ano’y gumalaw nang kusa ang puno na malapit sa ilog.
“Ano ‘yun?” takot na tanong ni Joanna.
“‘Wag mong alalahanin ‘yun. Baka may hayop lang. O ‘di kaya’y dahil malakas ang hangin,” paliwanag ni Jessica.
Hindi umimik si Joanna ngunit nanatiling nakapako ang tingin ng dalaga sa puno. May pag-aalala pa rin sa mata nito habang hindi inaalis ang tingin sa puno.
Nang mapansin ni Eloida na hindi mapalagay ang kaibigan ay tinanong niya ito.
“Ano bang problema? Gusto mo bang lapitan natin ang puno para masiguro na wala kang dapat ikatakot?” pakli niya sa kaibigan.
Kiming tumango ito.
Sabay-sabay na umahon mula sa tubig ang tatlo, at naglakad papalapit sa naturang puno. Habang papalapit si Eloida sa puno ay may naamoy siyang tila amoy ng sigarilyo. Pamilyar iyon sa kaniya dahil iyon ang sigarilyo na madalas ipabili ng Tatay niya sa tindahan. Ngunit bago pa sila makalapit ay sumigaw na si Joanna.
“Nakita ko ‘yung tabako na may sindi! May kapre! Totoo ang kapre!” malakas na tili nito bago ito kumaripas ng takbo.
Sumunod dito si Jessica na tila natakot na rin.
Isa-isang umahon ang mga kadalagahan sa tubig at nagkani-kaniyang takbo habang nagtitilian.
Tila natulos sa kinatatayuan niya si Eloida. Marahil dahil sa takot ay natulala siya at hindi agad nakatakbo. Nang sipatin niya ang paligid ay wala nang katao-tao.
Siya na lamang ang nag-iisang natira sa ilog!
Nang muling gumalaw nang marahas ang puno ay saka lamang niya naisip na kumaripas ng takbo. Halos magkandarapa siya.
“Marahil ay kapre nga iyon!” takot na bulong niya. Nagsisisi siya na hindi siya nakinig sa sabi-sabi.
Ngunit hindi pa man siya nakalalayo ay isang kakaibang tunog ang narinig niya. May bumahing!
Napahinto siya. Hindi siya sigurado sa narinig niya noong una, ngunit nang muling may bumahing ay saka niya lamang nakumpirma ang narinig.
“May kapre bang bumabahing?” takang bulong niya.
Bahagyang nabawasan ang takot ng dalaga. Dahan-dahan siyang lumakad pabalik. Kinuha niya ang kaniyang selpon at binuksan ang flashlight noon.
“May tao ba riyan?” lakas-loob na sigaw niya.
Noon ay may hinala na siya na baka hindi kapre ang kinatatakutan sa baryo nila. Kilala niya ang amoy ng sigarilyo at bahing ng tao na narinig niya.
Sa ikatlong pagkakataon ay nakarinig siya ng pagbahing. Lakas loob na inilawan niya ang puno na kanina lang ay kinatatakutan ni Joanna.
Nanlaki ang mata niya sa natagpuan. Imbes kasi na isang nakakatakot na nilalang ay tao ang nakita niya—hindi lang basta tao kundi isang taong kilalang-kilala niya!
Ang nakita niya kasi ay ang binatilyong si Elias, ang nakababatang kapatid ni Joanna!
“Elias?” takang-takang bulalas niya.
Nang makababa ito sa puno ay yukong-yuko ito. Tila nahihiya na natuklasan niya ang ginagawa nito.
“A-ate E-eloida,” utal-utal na sabi nito.
Nakapamaywang na kinompronta n’ya ang binatilyo. “Anong ginagawa mo rito?” Dumako ang tingin niya sa hawak-hawak ng binatilyo.
“At bakit may hawak-hawak kang sigarilyo?” taas kilay na usisa niya. Halos kapatid na rin ang turing niya rito dahil bata pa ito ay magkaibigan na sila ni Joanna.
“N-natambay lang ako p-para mag-yosi, Ate. Dito lang kasi walang tao. Bawal pa akong mag-yosi, kasi 17 pa lang ako,” paliwanag nito.
Lalong tumaas ang kilay niya.
“Sigurado ka? ‘Yun lang ang ginagawa mo? Hindi ka naninilip sa mga dalagang naliligo?” hindi kunbinsidong tanong n’ya sa binatilyo.
Namula ang mukha nito sa hiya.
“Hindi, Ate Eloida! Muntik nga akong mahulog kanina kasi tumalikod ako noong dumating kayo nila Ate, eh,” paliwanag nito.
Minasdan niya ang mukha ng binatilyo. Mukha naman itong nagsasabi ng totoo.
Inagaw niya ang hawak nitong sigarilyong may sindi bago iyon binali.
“Dahil sa’yo, kinatatakutan ng mga tao ang ilog! Gusto mo bang isumbong kita kay Joanna?” kastigo niya kay Elias.Sunod-sunod na iling ang isinagot nito.
“‘Wag naman, Ate… Yari ako kay Tatay…” pakiusap nito.
Itinaas niya ang hawak na sigarilyo.
“Hindi ka na maninigarilyo ulit?” aniya.
“Hindi na po. Hindi na,” pangako nito.
Nang makuntento sa sagot nito ay sabay silang naglakad pauwi. Habang pauwi ay patuloy ang pagsesermon niya binatilyo.
Hindi na ulit niya nayaya pa ang mga kaibigan na tumambay sa ilog. Ngunit sa t’wing nababanggit ng mga ito ang kapre, hindi niya maiwasang matawa. Gusto niya mang sabihin na hindi totoo ang kapre ay hindi niya magawa.
Dahil sa pangakong binitawan niya, ang sikreto ng “kapre” sa ilog ay mananatiling sikreto!