Ayaw ng Ina sa Ibong ‘Parrot’ na Tinulungan at Inampon ng Kaniyang Anak; Lingid sa Kaalaman Niya’y Ito Pala ang Magliligtas sa Kaniyang Buhay

Ayaw ng Ina sa Ibong ‘Parrot’ na Tinulungan at Inampon ng Kaniyang Anak; Lingid sa Kaalaman Niya’y Ito Pala ang Magliligtas sa Kaniyang Buhay

InspiringMiracleStories

Maaga pa at bago pa lang sumisikat ang araw nang umagang ’yon. Nasa kalagitnaan ng pagja-jogging ang binatilyong si Jasper sa isang parke, na nasa loob lamang din naman ng subdivision kung saan sila nakatira, nang mapansin niya ang isang makulay at magandang ibon na nakadapo sa isang mababang poste sa naturang lugar.

Likas na mahilig sa hayop si Jasper. Kaya nga lamang ay hindi pabor ang kaniyang ina na mag-alaga siya nito. Tuloy, ay buong kasabikan niyang nilapitan ang namataang ibon at doon niya nalamang isa pala itong parrot. Ngunit napansin niyang tila may iniinda itong pinsala. May sugat ang ibon sa kaliwa nitong pakpak na siyang dahilan kung bakit hindi ito makalipad.

Isinama ni Jasper pauwi ang parrot. Nagawa niya itong ipuslit sa ina at doon niya ito ginamot sa kaniyang kwarto. Matindi ang pinsala sa pakpak ng nasabing ibon kaya naman alam ni Jasper na imposible nang makalipad pa ito. Dahil doon ay nagpasya na lamang siyang ampunin ito at alagaan. Pinangalanan niya itong Maliksi, dahil sa pagiging maliksi nito sa kabila ng pagkakaroon ng kapansanan.

Iyon nga lang, hindi nagtagal at nalaman din ng kaniyang ina ang tungkol sa parrot na si Maliksi. Galit na galit ito at pinipilit si Jasper na itapon na lang ang nasabing ibon.

“Hindi ba at sinabi ko sa ’yo na ayoko ng kahit na anong hayop sa bahay na ito, Jasper?!” galit na anas ng kaniyang ina sa binatilyo. Paano kasi, noong bata pa ang inang si Aling Helena ay nagkaroon ito ng hindi magandang karanasan sa mga hayop nang minsan itong dumalaw sa isang Zoo. Simula noon ay ayaw na nitong lumapit sa kahit na anong uri ng hayop.

“P-pero, ’Ma, mabait naman po si Maliksi, e! Pangako, hinding-hindi ko po siya palalapitin sa inyo. Please, payagan n’yo lang po akong alagaan siya!” pagmamakaawa naman ng binatilyo sa ina. Magkasalikop pa ang mga palad at halos maglumuhod na para lang pagbigyan siya.

Naawa naman si Aling Helena sa anak na si Jasper. Kalaunan ay napabuntong-hininga na lang siya at pumayag.

Naging napakasaya ni Jasper matapos siyang payagan ng inang tuluyan nang ampunin si Maliksi. Lalo na nang madiskubre niyang kaya pala nitong magsalita. Mayroon kasing napanood si Jasper na isang documentary tungkol sa mga katulad ni Maliksi. Maaari pala itong turuang magsalita kaya naman nag-aral siya kung paano ito tuturuan.

Hindi nagtagal ay natuto ngang magsalita ang ibon. Madalas pa nga nitong gayahin ang mga palabas na napapanood nito sa tuwing manunuod si Jasper ng iba’t ibang videos sa kaniyang selpon. Ngunit sa kabila ng pagiging nakakatuwa ng ibon ay nanatiling mailap dito ang kaniyang ina. Hanggang ngayon ay ayaw pa rin nito sa kaniyang alaga.

Hanggang isang araw…

Nasa labas noon ang anak na si Jasper at nakikipaglaro ng basketball sa kaniyang mga kaibigan. Ang kaniyang ama naman ay nasa trabaho. Mag-isa lang si Aling Helena sa bahay at ang tangi niyang kasama roon ay si Maliksi.

Tahimik ang loob ng bahay kaya’t lingid sa kaalaman ni Aling Helena ay pinasok na pala siya ng isang kawatan. Akala kasi nito ay walang tao sa bahay, kaya naman nagkagulatan sila nang magkasalubong sila sa salas!

Nataranta ang magnanakaw nang makitang may tao pala sa bahay, lalo na nang sumigaw si Aling Helena upang humingi ng tulong. Naglabas ng patalim ang kawatan at akmang uundayan ng saksak ang ginang nang bigla na lang magsalita ang parrot na si Maliksi…

“Itaas ang mga kamay at huwag kang kikilos ng masama! Pulis ’to!” panggagaya nito sa isang napanuod na palabas dahil sa pag-aakalang nakikipaglaro sa kaniya si Aling Helena. Dahil hindi nakikita ng lalaki kung sino ang nagsasalita ay sinunod nito ang sinabi ng tinig. Itinaas nito ang dalawang kamay sa ere.

“Itapon mo ’yang hawak mo!” mando pa rin ni Maliksi sa kawatan na agad naman nitong sinunod. Itinapon ng kawatan ang hawak na patalim na agad namang pinulot ni Aling Helena.

Siya namang dating ng mga kapitbahay nilang nakarinig sa sigaw ng ginang. Naabutan nila ang nangyayaring sitwasyon at huli na para mapagtanto ng kawatan na tanging isang ibong parrot lamang ang inaakala niyang pulis.

Kinuyog ng mga tao ang kawatan kaya naman gul*pi-sarado na ito bago pa madala sa presinto. Habang si Maliksi naman ay hinangaan ng kanilang mga kapitbahay, lalong-lalo na ni Aling Helena. Lubos ang pasasalamat niya sa alaga ng kaniyang anak. Iniligtas ng matalinong ibon ang kaniyang buhay. Simula noon ay nagbago na ang pakikitungo niya kay Maliksi at itinuring na itong parte ng kanilang pamilya.

Marami rin tuloy sa kanilang mga kapitbahay ang nahikayat na mag-alaga ng mga ligaw na hayop. Naging malaking inspirasyon si Jasper at Maliksi upang pahalagahan ng ibang tao ang mga hayop na nangangailangan ng tulong.

More Stories