Inday TrendingInday Trending

“Nay! Ano na naman bang ginawa niyo?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Ana nang gabing iyon.

Puyat na nga dahil galing sa trabaho ay doon pa niya sa presinto naabutan ang kwarenta y sinco niyang ina na si Nissa. Napasali na naman kasi ito sa away sa isang club kung saan ito nakikipag-inuman kasama ang mga kaibigan nito. Naipampyansa niya ang perang itatabi niya sanang ipon, panghanda sana sa birthday ng nakababata niyang kapatid.

“Aba aba, Ana ha! Kung makapagtaas ito ng boses eh. Bakit nagmamalaki ka na, ha?” Mataray na sagot ng ina na nanlalaki ang matang lalong pinalaki dahil sa makapal na makeup habang dinuduro-duro siya sa mukha.

“Eh hindi naman ho sa ganoon, lagi na lang kasi–” Naputol ang sasabihin niya ng halos mabingi ang kaliwang tenga niya dahil sa sampal nito.

“Hoy! Pinag-aral kita, nagsakripisyo ako ng katawan para sa inyo ng kapatid mo! Dapat lang na ako naman ang pagsilbihan mo. Mayabang na ‘to!” Sabi nito sabay talikod sa kaniya. Hinipo niya ang nasaktang pisngi at pinigil ang paghikbi.

“Ate?” Narinig niyang tawag sa kaniya ng pitong taong gulang na kapatid.

“Yannie? Oh bakit gising ka pa?” tanong niya ng yumakap ito sa bewang niya.

“Hindi po ako makatulog, sumasakit po ang tiyan ko…” sagot nito.

“Oh, parang ilang araw na ‘yan ah. Sige, bibili tayo ng gamot mo bukas. Halika na sa kama.” Sabi niya at saka marahan itong sinamahan sa kwarto.

Tila ba saglit lang siyang pumikit ay ginising na agad siya ng alarm clock niya, alas siete na kaagad ng umaga. Nagbihis siya at lumabas ng kwarto at naabutang nagkakape ang ina.

“Hoy Ana, kailangan na bayaran yung kuryente at tubig. Sweldo na ba?” walang amor na tanong nito.

“Ho? ‘Di ba nag-abot na ako nung nakaraan…” sabi niya.

“Eh.. ano. Nagkayayaan kasi nung isang araw, birthday ng ninang mo, naiabot ko pang-inom namin,” sabi nito na nakataas ang kilay. Nanlumo naman si Ana sa narinig. Hindi siya kailanman makakaipon kung paulit-ulit na ginagasta ng nanay niya sa inom at bulakbol ang perang binibigay niya.

“Ikaw, bakit ba ang yabang mo? Mana ka sa tatay mong bulok!” Patutya ang tono ng ina. Imbis na sumagot ay humugot na lang sa pitaka si Ana upang matapos na ang usapan.

“Eto ho. Ibayad niyo na agad. At saka ibili niyo na rin po ng gamot si Yannie o ipacheck-up, lagi pong nagrereklamo ng sakit ng tiyan. Una na ho ako,” sabi niya atsaka dumiretso sa trabaho bilang call center agent.

Ilang araw na siyang nag-oovertime kaya pakiramdam niya ay babagsak ang katawan niya. Simula kasi ng makapagtapos siya ng high school ay halos siya na ang bumuhay sa pamilya nila. Pero sanay na siya, dahil halos siya rin naman ang nagtrabaho para makapag-aral siya. Dahil laging nasa club at inuman ang nanay niya, siya na rin ang umako sa pagiintindi sa kapatid. Ngayong nagtatrabaho na siya ay mas lalong umariba ang nanay niya. Sobra ito kung manakit at gumasta ngunit hindi niya ito magawang iwan. Alam niyang kahit gaano pa kalupit ito ay nanay niya pa rin ito. Lumipas ang araw ay walang nagbago sa relasyon nila.

Isang gabing pag-uwi mula sa trabaho ay nagulat siya dahil sarado ang mga ilaw sa kanilang bahay. Nagtataka man ay hinanap niya ang ina ngunit ‘di niya ito makita. Dumiretso siya sa kwarto upang magbihis at halos matumba siya sa gulat nang makita ang kapatid na nakabulagta sa sahig. May tila natuyong suka sa gilid nito at pawis na pawis ito.

Mabilis ang mga pangyayari, dahil sa paghingi niya ng tulong ay nadala naman kaagad sa ospital ang kapatid. Papunta roon ay pilit niyang tinatawagan sa cellphone ang ina. Nang sa wakas ay sumagot ito.

“Nay! Si Yannie, bilisan mo! Please puntahan mo kami sa hospital… bilisan mo!” Sabi niya habang hagulgol ang iyak.

“Ha? Ano? Teka, maingay rito sa club. Mamaya ka na tumawag! Istorbo, bwisit na ‘to–” rinig niya sa kabilang linya.

Ilang ulit niya pa itong tinawag at tinext ngunit naoperahan na’t lahat lahat ang kapatid niya ay wala pa rin ito. Mayroon daw komplikasyon sa sikmura ang kapatid niya kaya kinailangan na operahan kaagad. Dala daw iyon ng sobrang pagkain ng nga maaalat at mga instant noodles, at malamang ay madalas din daw nalilipasan ng gutom. Mukhang matagal na daw malala ang sakit nito kaya nagtataka ang doktor kung bakit hindi agad nila naagapan.

Naging ligtas ang operasyon at halos hindi umalis sa tabi ng kapatid si Ana. Paumaga na nang dumating doon ang ina. Humahangos ito, magulo ang buhok, at hulas ang makeup.

“Yannie..” sabi nito at akmang lalapit sa natutulog na bata.

“Ang sabi ko ho sa inyo ibili ng gamot si Yannie. O di kaya’y ipacheck-up na. Saan mo dinala yung pera?” malamig niyang sabi. Sasagot sana ang ina ngunit muli siyang nagsalita.

“Sabi ng doktor kakakain daw ng maaalat, tapos mga instant noodles. Madalas din daw nalilipasan ng gutom. Bakit nay?” sabi niya sa nanginginig na boses saka tumingin dito. “Kulang ba pera na ibinibigay ko? Saan mo dinadala? Bakit pinabayaan mong magutom ang kapatid ko?!” tuluyan nang sumabog ang emosyon niya.

“Wala akong pinagdamot sa iyo! Pero nay si Yannie… Inuna mo pa yang bulakbol at mga inuman mo, anong klase kang ina?!” iyak niya.

Nagpasya siyang tuluyan nang iwan ang ina. Wala siyang ibang importanteng bagay sa buhay kung hindi ang kapatid niya. Ayaw niyang mabuhay ito sa mapanakit at palalong ina tulad ng naranasan niya.

Mabilis ang paggaling ni Yannie matapos ang tatlong buwan. Nagpasya siyang magtrabaho mula sa bahay pansamantala dahil gusto niyang siya mismo ang tumingin dito. Wala siyang balita sa ina hanggang isang gabi ay tinawagan siya ng kaibigan nito. Lasing na lasing daw ang ina at pinapasundo sa kaniya. Wala siyang nagawa kung hindi puntahan ang bar kung nasaan ito.

Inakay na niya ang makulit na ina at inuwi. Pagdating sa bahay ay bigla itong umiyak.

“Ana.. anak ko. Namimiss na kita. Patawarin mo ko Yannie… walang silbi, walang pinag-aralan kasi itong nanay niyo eh.” Paulit-ulit itong humingi ng tawad at nakatulog sa pag-iyak.

Kinabukasan ay nagulat siya nang maabutan itong naghahanda ng almusal. Pagkakita sa kaniya ay ngumiti ito.

“Ana. Nakakahiya mang sabihin, ngunit sana ay mapatawad mo ko. Simula ngayon ay gagawin ko ang lahat upang maging mabuting ina sa inyo ni Yannie. Sa mga panahong wala kayo, wala pala talaga akong pamilyang matatakbuhan. Nakakahiya na kung kailan ako tumanda ay doon pa ako naging palalo. Patawarin mo ‘ko, pipilitin kong magbago.”

Lubhang nanibago si Ana sa ina pagkatapos noon. Lumambot na din ang kaniyang puso nang makitang ginagawa nito ang sinabi nito. Pinupos sila nito ng pag-aalaga at nagpumilit pang magtrabaho para sa kanila.

Dumating din ang araw na tuluyang tinanggap ni Ana ang pagmamahal ng ina. Walang saysay na itulak niya ito palayo lalo na ngayong naranasan niya ang saya ng pagkakaroon ng inang mapag-aruga. Lubos ang pasalamat niya sa Diyos dahil sa wakas ay naging buo at maayos na ang munti nilang pamilya. Natutunan niyang sa huli ay pagpapatawad at pag-ibig pa rin ang dapat panaigin, dahil lagi itong magbubunga ng lubos na kaligayahan.

Advertisement