Pagod galing sa trabaho si Nestor kaya hapong-hapo na ang kaniyang pakiramdam. Punuan at siksikan pa ang mga jeep, kaya walang magawa si Nestor kung ‘di ang sumakay na lamang sa bus.
“Excuse muna, padaan,” wika ni Nestor habang pilit na pinagkakasya ang sarili sa makipot na daanan ng bus dahil sa mga nakatayo na ring mga tao.
Nang sa wakas ay nakahanap na siya ng perpektong pwesto’y agad niyang ipinikit ang napapagod na mga mata habang nakahawak ang kanang kamay sa hawakan ng bus at ang kaliwang kamay naman ay nasa itaas ng upuan.
Saglit na naidlip si Mang Nestor ng bigla na lang magising dahil sa isang matining na sigaw ng babae.
“Mamá ihinto niyo ang bus na ito! Hoy! Many*kis na matanda kanina ka pa ah! Kanina mo pa idinidikit iyang manoy mo sa’kin!” nanggagalaiting wika ni babae.
Naaalimpungatan pa si Nestor dahil hindi niya naiintindihan ang nangyayari. Siya ba ang dinuduro-duro ng babae? Siya ba ang many*kis na tinatawag nito? Hindi niya maintindihan ang babaeng ito.
“Many*kis ka talaga! Matanda ka na! Ano wala ka bang anak na babae? Ang lakas mong mambastos ah!” patuloy pa ring galit na wika ng babae.
Inihinto ng drayber sa gilid ang bus at kinausap sila ng kundoktor at ng mismong tsuper.
“Ano ba ang nangyayari dito, miss?” mahinahong tanong ng tsuper, habang pinapakalma naman ng kundoktor ang babae. Panay naman ang bulungan ng mga pasaherong nakatingin lamang sa kanila.
“Kanina pa niya sinasagi ang manoy niya sa balikat ko, tapos may papikit-pikit pa siyang nalalaman!” galit pa ring wika ng babae.
Nilingon naman siya ngayon ng tsuper. “Totoo ba ‘yon manong, na minamany*k mo siya? Kung totoo iyon ay ako na mismo ang maghahatid sa’yo sa barangay.”
“Oo tama iyan Manong Tsuper, ipa-barangay mo ang many*k na ‘yan! Para makulong,” sang-ayon ng babae.
“Huwag naman pong umabot sa ganun,” nakikiusap na wika ni Mang Nestor. “Sa totoo lang po ay wala akong maintindihan sa sinasabi niya. Pagod na pagod po ako sa trabaho, kaya agad akong nakaidlip kahit nakatayo lang ako. Kung nasasagi ko man siya, iyon ay dahil sobrang sikip ng pwesto ko,” mahinahong paliwanag ni Nestor.
“Papalusot ka pang gurang ka!” wika ng babae.
“Hindi ako nagsisinungaling miss,” sagot naman ni Nestor.
“Oh! Tama na ang bangayan,” pagitnang muli ni Manong Tsuper. “Ayokong umabot pa tayo sa barangay, pero kung doon ang gusto ninyo’y wala namang problema sa’kin.”
Nilingon ni Manong Tsuper ang babae at mahinahong kinausap. “Hindi ka minamany*k ni manong, hija. Kung nasasagi ka man at akala mo minany*k ka na ay ako na mismo ang humihingi ng pasensya. Iwasan natin ang ating pagiging sensitibo. Isipin mong maigi, ito ang laging nangyayari sa mga commuters na tulad mo. Kung ang lahat ng babae katulad mo’y nakakaawa naman kaming mga lalaki dahil pwede niyo kaming ipabugbog dahil lamang sa maling paratang ninyo,” mahabang paliwanag ni Manong Tsuper.
“Pasensya ka na hija kung akala mo minany*k kita. Hindi ko talaga alam dahil nakaidlip ako. May mga anak din akong babae at ayokong nilalapastangan sila ng ibang tao kaya hinding-hindi ko gagawin ang mga bagay na ayokong mangyari sa mga anak ko,” segundang paliwanag naman ni Nestor.
“Miss, kung ayaw mong nasasagi ka at pakiramdam mo kaagad ay minany*k ka na. Mag-taxi ka na lang po,” wika ng isang pasahero.
“Tama. Sa taxi, espesyal ka. Walang ibang taong makakadikit sa’yo doon,” seguda naman ng ilan.
Walang magawa ang babae kung ‘di ang bumalik sa kaniyang upuan dahil pinagtulungan na ito ng mga pasaherong kasama nila. Habang si Manong Nestor naman ang inalalayan ng Kundoktor na maupo sa unahang bahagi ng bus na katabi ng tsuper.
“Iwasan natin ang mga paghihinala. Hangga’t wala tayong pruweba na binabastos tayo, huwag tayong basta-basta nambibintang. Lalo na’t rush hour ngayon, talagang siksikan! Kaunting unawaan na lamang para walang gulo. Lahat tayo ay pagod na at nais nang makauwi pamilya natin,” malakas na wika ng kundoktor sa lahat ng pasahero. Pero higit na mas pinapatamaan nito ang babaeng nagreklamo kani-kanina lang.
Sa panahon ngayon marami nang nangyaring mga hindi pagkakaunawaan sa loob ng pampublikong sasakyan. Nangyayari ang kung ano-anong reklamo, bangayan, minsan pa nga ay sakitan. Udyok ng galit kaya’t umaabot sa ganoon. Lawakan ang pang-unawa at habaan ang pasensiya upang makaiwas sa dagdag pang abala.