Inday TrendingInday Trending
Umuwi Ka Sa Tamang Oras!

Umuwi Ka Sa Tamang Oras!

Nagmamadaling lumabas si Terrence sa eskwelahan upang umuwi. Ayaw niyang makagalitan na naman ng kanyang ina kapag nahuli siya sa pag-uwi. Mahigpit na bilin kasi nito na dapat nasa tamang oras ang pag-uwi niya at hindi kung saan-saan pa nagpupupunta.

Naalala niya na noong umuwi siya ng lagpas sa oras ay abot-abot na sermon ang tinanggap niya sa ina. Lumaki sa disiplinadong pamilya ang kanyang inang si Erminda kaya gusto nito na lumaking disiplinado rin ang mga anak.

“Kailangan ko na magmadali. Baka sermunan na naman ako ni inay,” bulong niya sa sarili.

Nagmamadali niyang binagtas ang mahabang eskinita papunta sa sakayan ng jeep. Sa paglalakad pa lang ay ilang minuto na agad ang nauubos kaya halos patakbo na siya kung maglakad.

Nang marating ang sakayan ay napakunot-noo siya dahil sa dami ng mga pasahero na nag-aabang.

“Naku, ang dami ko na namang kaagaw. Bahala na, kung kakailanganing sumingit o sumabit ay gagawin ko, makasakay lang,” sabi niya sa isip.

Para hindi mainip ay naupo muna siya sa bench na naroon at nakinig ng music gamit ang kanyang cell phone. Habang naghihintay ay napansin niya ang isang babae at isang batang lalaki na nag-aabang rin ng jeep na masasakyan. Gaya niya ay estudyante rin ang bata na kalalabas lang sa ekswelahan kasama ang ina nito na sumundo rito. Sa tantiya niya ay halos magka-edad lamang sila ng batang iyon.

“Mukhang nagmamadali na rin ang ale at anak niya na makauwi,” patuloy na sabi niya sa isip.

Sa unang tingin palang ni Terrence, kitang-kita niya na masama ang pakiramdam ng bata.

“Aba, namumutla iyong bata.”

Narinig pa niya ang ina nito na nagsalita.

“Inay, masakit po ang ulo ko!” sabi ng bata.

“Huwag kang mag-alala anak at makakauwi na tayo para makapagpahinga ka na at makainom ng gamot,” wika nito.

Tama nga ang kanyang hinala na masama ang pakiramdam ng bata. Maya-maya ay tumayo ang mag-ina sa tabi niya upang mag-abang din ng sasakyan. ‘Di naman nagtagal ay may humintong jeep sa kanilang harapan. Dahil sa dami ng nag-aabang na pasahero ay nag-unahan ang mga iyon sa pagsakay sa jeep. Gustuhin man niyang makasingit ay pawang malalakas ang mga pasahero na pilit na nakikipagbunuan para makasakay lang. Ano nga naman ang laban niya na isang bata lamang.

“Ang laki ng katawan ng mga mamang ito, paano ba naman ako makakasingit dito?” sabi pa ni Terrence sa sarili.

Halos mapuno na ang jeep at dalawang pasahero na lang ang kailangan para mapuno ito.

“O, dalawa na lang, dalawa na lang at aabante na!” sigaw ng drayber.

Akala ni Terrence ay hindi na siya makakasakay ngunit nagkaroon siya ng pagkakataon dahil may dalawa pang bakanteng pwesto. Sasakay na sana siya subalit nakita niya na nahihilo na ang bata na may kasamang ale. Nag-aalala na rin ang babae sa kalagayan ng anak nito.

“Malapit na tayong umuwi anak. Pagdating natin sa bahay ay makakainom ka na ng gamot,” wika ng babae na nangangatal na ang boses.

Tiningnan ni Terrence ang suot na wristwatch. Mag-a-alas-sais na ng gabi. Malapit na sa takdang oras ng kanyang pag-uwi. Tiyak na magagalit na naman sa kanya ang ina kapag lumagpas siya sa itinakdang oras ngunit nakaramdam ng matinding awa si Terrence sa kapwa bata.

“Kawawa naman iyong bata. Kailangan na nilang makauwi ng nanay niya para makainom na siya ng gamot at makapagpahinga,” aniya sa sarili.

Nilapitan niya ang mag-ina at kinausap.

“Ale, Ale! Sumakay na po kayo! Kanina ko pa po kasi napapansin na masama ang pakiramdam ng inyong anak kaya sumakay na po kayo sa jeep para po makauwi na kayo at makapagpahinga na siya!” hayag niya sa mag-ina.

“Naku, maraming salamat iho. Nakakahiya naman sa iyo, e ikaw ang nauna rito kaysa sa amin,” sagot ng babae.

“Ayos lang po ako. Ang mahalaga po ay makainom na po ng gamot at makapagpahinga sa bahay ang inyong anak,” tugon niya.

“Ang bait mong bata. Sige, salamat ha?” ganting sagot ng ale.

“Salamat bata!” sabad naman ng batang lalaki na nagpasalamat din sa kanyang kabutihang loob.

Sumakay na ang mag-ina sa jeep at bago ito tuluyang umalis ay kumaway pa ang dalawa sa kanya na tanda ng pamamaalam.

Naisip niya na mas kailangan ng mag-ina na makasakay kaagad, kaya ipinaubaya na niya sa mga ito ang natitirang pwesto na para sana sa kanya. Naghintay siyang muli nang masasakyan na masaya ang kanyang pakiramdam dahil nakatulong siya sa kapwa kahit na sa munting paraan lang.

Pag-uwi niya sa kanilang bahay ay agad siyang nagpaliwanag sa ina kung bakit hindi siya nakauwi sa takdang oras. Laking tuwa niya dahil naintindihan nito ang nangyari at ikinatuwa pa nito ang ginawa niyang pagtulong sa kapwa.

Advertisement