“Sinasabi ko sa ʼyo, Manuel, pera lang ang habol sa ʼyo ng babaeng ʼyan!” halos mapatid ang litid na sigaw ni Donya Cassandra sa anak na si Manuel. Galit na galit ang ginang nang ipagtapat sa kaniya ng anak na balak na nitong ayaing pakasal ang nobya nitong napag-alaman niyang galing lamang sa mahirap na pamilya. Nakatira ito sa isang squatterʼs area sa Tondo at nakilala lamang ito ni Manuel nang minsang mapadpad ito sa palengke kung saan nagtitinda ng isda ang dalaga.
“Hindi ganoong klaseng babae si Gina, ʼma! Mabait siya, madiskarte sa buhay at sanay sa hirap. Hindi siya kagaya ng iniisip mo!” pangangatuwiran naman ni Manuel sa kaniya, na kunot na kunot ang noo.
“Pinasasakay ka lang niya, anak. Oportunista ang babaeng ʼyan! Maaaring tunay nga siyang nahulog sa ʼyo, dahil guwapo ka, pero higit pa roon ay dahil iyon sa pera mo! Ikaw ang paraan niya para makaahon siya sa maruming lugar na kinalalagyan niya. Makinig ka sa akin, anak ko,” muli ay pangungumbinsi pa rin ni Donya Cassandra sa anak na si Manuel.
Ngunit talagang determinado ang kaniyang anak. Napailing-iling ito na tila ba hindi nito nagugustuhan ang mga sinasabi niya at akma na sana itong lalabas…
“Subukan mong lumabas ng pintuang ʼyan at kalimutan mo nang may ina ka pa, Manuel! Tatanggalan kita ng lahat ng pribilehiyong nararanasan mo ngayon. Aalisin ko ang yaman mo, ang kotse mo, ang masasarap na pagkaing nakahain lagi sa ʼyong hapag. Itatakwil kitang anak!” ang nabibigla pang hiyaw ng donya, kahit ang totooʼy hindi naman iyon ang gusto niyang sabihin. Ngunit hindi na niya iyon mababawi pa ngayon.
Marahas na napalingon muli si Manuel sa kaniya at napahakbang pabalik. Hindi ito tumuloy sa paglabas, bagkus ay nagtatakbo papanhik sa kaniyang kuwarto.
Ang buong akala ng donyaʼy natauhan na si Manuel, ngunit maya-mayaʼy muli itong bumaba, bitbit na ang kaniyang maleta!
“Sa inyo na ang pera nʼyo, ʼma. Mahal na mahal ko kayo, pero hindi ko akalaing magagawa nʼyo akong itakwil nang dahil lang sa nagmahal ako.” Iyon lang at sumibat na paalis ang kaniyang anak na si Manuel. Hindi na nagawa pa ni Donya Cassandra na pigilan ito.
Ang totoo ay hindi naman niya gustong gawin ʼyon sa kaniyang anak. Nag-aalala lang siyang baka matulad ito sa kaniyang sinapit. Noon ay nagmahal din siya ng lalaking galing sa hirap—ang tatay ni Manuel—ngunit niloko lang siya nito. Hinuthot nito ang pera ng kanilang pamilya habang niloloko siya sa pamamagitan ng pambababae!
Tumulo ang luha ni Donya Cassandra. Taimtim siyang nagdasal at humingi ng tawad para sa pagmamalupit niya sa anak at sa nobya nitong si Gina…ngunit nangako siya sa Diyos, na kapag tinanggap ng babaeng iyon si Manuel, sa kabila ng pagiging mahirap nitoʼy tatanggapin na niya ng buong puso ang dalaga.
Samantala, kinakabahan si Manuel habang hinihintay ang girlfriend niyang si Gina, na matapos ito sa pagtitinda sa palengke. Sasabihin niya rito ang nangyari, pagkatapos ay aalukin niya na ito ng kasal. Malaki ang tiwala niyang hindi gagawin ni Gina ang sinasabi ng kaniyang ina…ngunit nagulat siya, dahil nagkakamali pala siya!
“Ayaw ko, Manuel, ayaw kong magpakasal sa ʼyo,” ang nayuyukong sagot ni Gina, matapos siyang ayaing pakasal ni Manuel.
“P-pero bakit? D-dahil ba, mahirap na ako ngayon?” nasasaktang sabi naman ni Manuel. Mukhang tama nga ang kaniyang ina.
“Kung ʼyon lang, kahit ako ang kumayod para sa atin, Manuel, kaya ko. Kahit maging mas mahirap ka pa sa daga, mahal pa rin kita. Pero ang hindi ko kaya ay ʼyong nag-away kayo ng mama mo dahil sa akin. Mag-isa na lang siya at ikaw na lang ang kailangan niya. Nagawa ka lang niyang itakwil dahil galit siyang sa kagaya ko lang ikaw babagsak. Balikan mo ang mama mo, Manuel. Hindi ko isasakripisyo ang relasyon nʼyong mag-ina para lang sa sarili kong kapakanan!” ang umiiyak namang bulalas ni Gina!
Pakiramdam ni Manuel ay lalo siyang nahulog kay Gina dahil sa sinabi nito. Ngunit hindi niya kayang mawala ito sa buhay niya!
Samantala, narinig ni Donya Cassandra ang lahat ng napag-usapan ni Manuel at Gina. Kanina pa kasi siya nagkukubli sa ʼdi kalayuan sa mga ito. Labis siyang humanga sa kabutihan ng dalaga. Ngayon, nakasisiguro na siyang mamahalin nito ang kaniyang anak, sa hirap man o ginhawa.
Nakangiti siyang lumabas sa pinagkukublihan at nagpakita sa dalawa. Naluluha ang kaniyang mga mata, humingi siya ng tawad sa mga ito at ibinigay ang basbas niya para sa kanilang ikaliligaya.