Inday TrendingInday Trending
Tulong Mula sa Tinulungan

Tulong Mula sa Tinulungan

Simula nang lumipat ang pamilya nina Kristel sa Bulacan ay nakikita na niyang nagtitinda ng turon ang matandang si Lola Guada, na laging nakaupo sa hagdanan ng isang commercial building, at katabi ng isang sikat na fast food chain. Sa tuwing dumaraan si Kristel sa tapat ng gusali, napapansin niya ang matamis na ngiti sa mga labi ng matanda kahit na alam niyang nahihirapan ito sa kaniyang ginagawa. Sa edad nito, dapat ay nagpapahinga na lamang ito sa bahay o kaya ay naglilibang na lamang.

Minsan, sinubukang bumili ng turon ni Kristel sa matanda, kahit hindi naman talaga siya kumakain ng turon. Gusto lamang niyang makakuwentuhan ito. Malapit kasi ang loob niya sa mga matatanda. Naaalala niya ang kaniyang yumaong lola.

“Nay, pabili po ng tatlong turon,” nakangiting sabi ni Kristel sa matandang tindera. Sumilay ang matamis na ngiti sa kulubot na mukha ng matanda. Kinuha nito ang isang labong plastik, isinuot sa kanang kamay, at kumuha ng tatlong pirasong malalaking turon at isinilid sa isa pang plastik na may dahon ng saging. Iniabot ng matanda ang supot na may lamang turon kay Kristel.

“Matagal na po kayong nagtitinda ng turon?” untag ni Kristel sa matanda.

Muling ngumiti ang matanda kay Kristel.

“Oo, ineng. Kailangan eh. Binubuhay ko ang sarili ko.”

“Bakit po? Nasaan po ba ang pamilya ninyo?” tanong ni Kristel.

“Mahabang kuwento, ineng. Hindi na ako nakapag-asawa kaya ako na lang ang bumubuhay sa sarili ko. Kaya ko naman, paminsa’y sinusumpong lang ako ng rayuma ko,” sagot ng matanda.

Simula noon ay lagi nang bumibili si Kristel ng turon sa matanda. Hindi lumilipas ang araw na hindi bumibili ng turon si Kristel. Parang kinasanayan na niya. Hindi naman niya kinakain ang turon. Ibinibigay niya ito sa mga batang lansangan, o pulubi na kaniyang nakakasalubong. Kaya siya bumibili ay upang hindi naman umuwing walang kita ang kaawa-awang matanda.

Minsan, binibigyan niya ng prutas ang matanda. Maligaya na siyang makita ang mukha ni Lola Guada. Sa tuwing nakikita niya ang ningning sa mga mata nito kapag bumibili siya, napapanatag ang kaniyang kalooban. Minsan, sinusulyapan ni Kristel ang mga paninda ni Lola Guada. Kapag ang bilang ng piraso ng turon ay nasa 30 hanggang 40, ibig sabihin ay wala pang bumibili rito at hindi pa kumikita ang matanda. Kaya, binibili na lamang niya ang mga ito.

Makalipas ang ilang buwan, isang virus ang bigla na lamang nanalasa sa Pilipinas at sa buong mundo. Dumating sa puntong isinailalim ang bansa sa lockdown. Nagsarado ang mga negosyo at establisyimiento upang hindi na lumabas ang mga tao. Nag-alala si Kristel. Paano na si Lola Guada?

Isang araw, lumabas ng kaniyang bahay si Kristel upang kumustahin si Lola Guada. Gusto niyang makita ang kalagayan nito. Tiyak niyang hindi ito makakapagtinda at wala itong ikabubuhay. Pagdating sa puwesto nito, nalungkot si Kristel dahil hindi niya nakita ang matandang tindera, na ilang buwan din niyang sinuportahan sa pamamagitan ng pagbili sa mga turon nito.

Ipinasya niyang bumalik na sa kaniyang bahay. Subalit bago pa man siya makahakbang, naulinig niya ang usapan ng dalawang babae. “Grabe talaga ang mga pulis, ang higpit nila. Nagtitinda lang naman yung matanda eh.”

Agad na tinanong ni Kristel ang dalawa. “Sino pong matanda?”

Inginuso ng isa ang direksyon ng mga pulis na nagtatanod upang mapanatili ang kaayusan habang lockdown. “Hayun ohhh…”

Sinundan ng mga mata ni Kristel ang itinuturo ng babae. Nakita niya ang mga pulis na may pinagagalitang matanda. Walang iba kundi si Lola Guada. Hawak ng isang pulis ang tray na kinalalagyan ng mga paninda nitong mga turon. Agad na napatakbo si Kristel sa direksyon ng mga pulis.

“Mga boss tsip, ano pong problema rito?” untag ni Kristel. Nakita ni Kristel ang naluluhang si Lola Guada.

“Nagtitinda pa kasi si Lola. Bawal na…”

Sa pakiusap ni Kristel, hindi na dinala pa si Lola Guada sa kuwartel.

“Lola, bawal na po magtinda. Kasi kailangan po nating sumunod sa ipinag-uutos ng ating pamahalaan para hindi na kumalat pa ang virus. Ako na lang po ang bibili ng mga paninda ninyo,” masuyong sabi ni Kristel at inabutan ng pera ang matanda.

“Napakabuti mo sa akin ineng, simula umpisa. Hindi ko alam kung paano kita mapapasalamatan,” naiiyak na sabi ni Lola Guada.

Bumunot pa ng ekstrang pera si Kristel mula sa kaniyang pitaka at ibinigay sa matanda. Dinagdagan niya ng panggastos ito dahil alam niyang halos isang buwang hindi makapagtitinda si Lola Guada ng mga turon. Niyakap siya ng matanda sa labis na katuwaan.

Makalipas ang limang araw, muling lumabas si Kristel upang mamili ng kaniyang mga kailangan sa grocery. Hindi pa man siya nakapapasok sa loob, napansin na niya si Lola Guada na may tangang tray. Nagtitinda ba siya? Nilapitan niya ang matanda na noon ay nasa mga pulis.

“Ginawan ko sila ng turon ineng para hindi sila magugutom. Gusto kong ibigay sa kanila ang kabutihan na ibinigay mo sa akin,” nakangiting sabi ni Lola Guada. Masayang-masaya naman at nagpapasalamat ang mga pulis na ipinagluto ni Lola Guada ng masarap na turon. Nagalak naman si Kristel sa kabutihan ng pusong ipinakita ni Lola Guada.

Advertisement