“Pinapamukha mo ba talaga na mas matalino ka kaysa sa’kin? Por que tapos ka na sa pinapagawang report sa’yo ni mommy, ibabalandra mo d’yan sa lamesa ang mga natapos mong dokumento? Gusto mo bang mapagalitan na naman ako dahil hindi pa ako tapos?” mataray na sambit ni Jedah sa kaniyang kapatid, isang umaga bago siya mag-almusal.
“Hindi naman sa ganoon, nagkataon lang na nailapag ko d’yan ang mga dokumentong ‘yan. Nagmamadali kasi ako kanina kumain, eh, nakalimutan ko pala d’yan,” sagot ni Janine saka dinampot ang mga ginawang dokumento, tila nag-init naman ang kaniyang ulo, pakiramdam niya kasi, nagyayabang ito.
“Nagdadahilan ka na naman, bakit ayaw mo na lang amining gusto mong lagi akong napapagalitan? Huwag ka na magpanggap na mabait!” bulyaw niya dito saka niya unti-unting hinigit ang buhok nito.
“Aray ko! Wala naman akong intensyong makipagkumpetensya sa’yo! Ginagawa ko lang ang trabaho ko! Aray!” paliwanag pa ng kaniyang kapatid ngunit hindi man lang niya ito pinakinggan at patuloy na sinabunutan ang kapatid.
Halos buwan lamang ang tanda niya sa nakababatang kapatid. Limang buwan siya noong mabuntis ang kaniyang ina dahilan upang akalain silang kambal ng nakararami. Sabay na rin kasi silang ipinasok sa paaralan ng ina, parehas kung manamit at higit sa lahat, parehas kung kumilos, kaya nga lang, tila nagka-iba sila sa pag-uugali.
Kilalang prangka’t bungangera ang dalagang si Jedah habang tahimik at mahinhin ang kaniyang kapatid na si Janine. Mas lalong nakita ang pagkakaiba sa ugali ng dalawa nang magsimula na silang magtrabaho sa kumpanya ng kanilang ina.
Mas nakita kasi ang pagiging responsable sa trabaho ng kaniyang kapatid kumapara sa kaniya na labis niyang ikinakainis. Madalas siyang mabungangaan ng ina dahil palaging huli sa itinakdang oras kung siya’y magpasa ng mga dokumentong pinapaasikaso sa kaniya.
Noong pagkakataong ‘yon, inis na inis siya sa kaniyang kapatid. Pakiramdam niya kasi, pinapamukha ng kaniyang kapatid na mahina ang kaniyang utak at intensyon nitong mapagalitan na naman siya dahilan upang ganoon na lamang siya manggalaiti.
Mahigpit niyang hinigit ang buhok ng kaniyang kapatid upang mailabas lahat ng galit na nararamdaman niya dito. Ngunit laking gulat niya nang higitin din nito ang kaniyang buhok dahilan upang mas lalo siyang magalit.
Hiniklat niya ng isang kamay ang damit ng kaniyang kapatid habang hila-hila pa rin sa isang kamay ang buhok nito dahilan upang bahagya itong mapayuko. Doon na siya nagkaroon ng pagkakataon na muli itong sabunutan ng dalawang kamay ngunit akma pa lang niyang hahablutin ang buhok nito, biglang nandilim ang kaniyang paningin at ang tanging narinig niya na lamang ay ang sigaw ng kaniyang kapatid, “Mommy, si Jedah!”
Hindi niya na alam ang mga sumunod na nangyari. Nagising na lamang siyang nakahiga na sa kama ng ospital. Nakita niyang nakatungo sa gilid ang kaniyang ina, kaya naman agad niya itong tinawag upang isumbong ang kaniyang kapatid.
“Mommy, alam mo ba na si Janine ang may kasalanan nito?” mahinang sambit niya ngunit laking gulat niya nang biglang umiyak ang kaniyang ina, “Ba-bakit po, mommy?” tanong niya dito.
Doon na ikinuwento ng kaniyang ina ang pagbubuwis ng buhay ng kaniyang kapatid para sa kaniya.
“Pasensya ka na, kung itinago namin sayo ang sakit mo, pero bata pa lang kayo, nagdesisyon na ang kapatid mo na kapag inatake ka, puso niya ang ipapalit sa’yo,” hikbi nito, tila hindi naman siya makapaniwala sa mga nalaman, hindi man lang siya makaiyak sa sakit at pagkakonsensyang nararamdaman, “Sa totoo lang, mag-iisang buwan ka nang walang malay, nailibing na rin ang iyong kapatid,” dagdag pa nito.
Doon na napagtanto ni Jedah ang lahat ng kaniyang pagkakamali. Labis ang kaniyang pagsisisi, ang inakala niyang kapatid na nais siyang ipahamak, ito pa ang nagligtas sa kaniyang buhay noon pa man.
Gusto niya mang makabawi sa kapatid niyang ito, hindi niya na alam kung paano. Dito na siya nagpasiyang bumawi sa kaniyang ina, ‘ika niya, isang araw nang dalawin niya ang puntod ng kapatid, “Alam kong makikita mo lahat ng gagawin ko, nawa’y sa simpleng pagbawi ko kay mommy, makabawi na rin ako sa’yo.”
Simula noon, malaki ang kaniyang pinagbago. Ang dating prangka’t bungangera, naging isa na ngayong dalagang puno ng kabaitan sa puso katulad ng yumao niyang kapatid.
Masakit man para sa kaniya ang nangyari dahil hindi man lang siya nakabawi, inisip niya na lamang na paraan ito ng Diyos upang bigyan siya ng aral.
Minsan talaga, kung sino pa ang tinuturing mong mahigpit na kaaway, ito ang siyang tutulong at magliligtas sa’yo.