Inday TrendingInday Trending
Ang Batang Kolektor ng Hugas

Ang Batang Kolektor ng Hugas

Naging emosyonal ang interbyu ng isang sikat at kilalang negosyante habang nagbibigay siya ng mensahe sa namayapang personalidad sa larangan ng pagluluto.

“Kilala siya ng lahat bilang magaling na taga-luto, pero kilala ko siya bilang nanay ko…” saad ng babae. “Nais ko sanang magbahagi ng isang kwento sa inyo na labis na tumatak sa aking puso magpakailanman,” dagdag pa nito.

“Sa maliit na bayan noon nakatira ang matandang dalagang nagngangalang Letty…” panimulang kwento nito.

Sa pitong magkakapatid, tanging si Manang Letty lamang ang walang pamilya at asawa. Tumanda siyang dalaga at binuhos ang oras at panahon sa pagpapalago ng maliit na negosyong minana mula sa kaniyang magulang. Dahil siya lamang ang may taglay na kakaibang galing sa pagluluto, siya ang umako ng responsibilidad sa maliit na kainan na pinatayo ng kanyang magulang bago ito mga pumanaw.

“Ano na namang ginagawa ng bata iyon sa may kainan natin. Bakit araw-araw ko atang natatanaw iyan rito?” tila ba iritableng tanong ni Manang Letty sa kanyang waitress.

“Ah, e, nanghihingi lamang po ng tira-tirang pagkain. Kaysa itapon, ibinibigay na lamang po namin,” tugon naman ng dalaga.

“Uso ang mga masasamang loob ngayon ha? Ingatan ninyo at baka mata lamang iyan ng mga magnanakaw o holdaper,” sabi pa ni Manang Letty, habang nagpapaypay na nakatitig sa batang nakaupo sa may tapat.

Dumaan pa ang ilang araw, patuloy pa rin ang bata sa pagbalik sa kainan. Palagi itong nag-iintay ng mga hindi naubos at tira-tirang pagkain. Nairita ang matandang dalaga at agad itong kinompronta.

“Ineng, pumarito ka nga saglit!” pagkaway ni Manang Letty sa batang babae.

“A-ano po iyon, ale?” tanong naman ng bata.

“Bakit ka pa palaging napaparito? Anong pakay mo?” balik na tanong naman ng babae.

“Nangongolekta lamang po ako ng hugas at mga pagkain na hindi naubos…” sagot ng bata.

“Para saan? Bakit tila araw-araw kang kumukuha rito?” pag-uusisa pang muli ng matanda.

“S-sa mga alaga po namin na hayop. D-dagdag na pangkain lang po namin,” nauutal na sagot pa ng gusgusing bata.

Napataas naman ng kilay ang babae. “Tunay ba na iyan ang dahilan mo? Siguraduhin mo lamang, dahil pag nalaman kong kasabwat ka ng mga magnanakaw at masasamang loob, hindi ako magkakamaling ipakulong kayong lahat!” pagbabanta pa ni Manang Letty.

“H-hindi po. Pangako po. Mabait po ako,” takot na tugon naman ng bata.

Pinakuha ng matanda ang mga tira-tirang pagkain at ibinigay sa bata ang lahat ng iyon. May malaking ngiti sa mga labi na umalis ang madungis na batang babae.

Dalawang araw ang lumipas, ngunit hindi nagpakita ang bata sa kanila, na ipinagtaka naman ng matanda. Nakasanayan na kasi nitong araw-araw nagkokolekta ng tirang pagkain ang bata.

Kinabukasan matapos niyon ay bumalik ang bata. Mas madungis ito at tila ba namayat pa lalo. Nag-intay lamang ito na salinan ang maliit na timbang dala ng mga hugas.

May kung anong nagtulak kay Manang Letty na sundan at matyagan ang bata kung saan nito dinadala ang mga tirang pagkain.

Pasimpleng sumunod ang matanda at sinigurong hindi siya mahahalata ng batang babae. Ilang pasikot-sikot pa at ilang kanto pa ang kanilang nilagpasan, napadpad siya sa isang masukal na lugar. May isang maliit na bahay na nakatayo doon, gawa sa pinagtagpi-tagping yero at kahoy.

Pumasok ang bata sa looban habang minamasdan ni Manang Letty ang paligid. Walang mga alagang hayop doon tulad ng sinasabi ng bata. Lalo tuloy lumakas ang kutob niya na baka sindikato or magnanakaw nga ang may hawak sa bata.

Ilang hakbang pa palapit, laking gulat ng matanda na lumabas ang bata na may dalang maruming pitsel. Agad niya itong hinarang at kinausap.

“Nene!” pagtawag ng ale, “bakit ka nag sinungaling sa akin ha? Para saan ang mga hugas na kinukuha mo sa amin?” galit na tanong ng matanda.

“P-pasensya na po kayo. Hindi ko po sinasadyang magsinungaling sa inyo. Kailangan ko lamang po talaga,” maluha-luhang sabi ng bata.

“Kung gayon, para saan ang mga tirang pagkain na kinukuha mo?” muling tanong ng matanda.

“Saglit lamang ho. Pangako babalik po ako. Kailangan ko lang po kumuha ng tubig,” nagmamadaling sabi ng bata. At saka nagbomba ng tubig mula sa makalawang na poso.

Ilang saglit pa bumalik ang bata at sumenyas na sundan siya ng matanda. May pag-aalinlangan man, sumunod pa rin ang matanda. Laking gulat niya sa nakita.

“Diyos ko po…” bulong ng matanda. “I-ito ba ang ginagawa niyo sa tirang pagkain?” napaluha na lamang si Manang Letty.

“Opo. Eto po ang pantawid gutom namin ni nanay. Wala na po kasi akong tatay tapos malala po ang sakit ng nanay ko kaya ako na po ang naghahanap ng pagkain araw-araw.

Kaya labis po ang pagpapasalamat po sa inyo kasi nakakakain po kami palagi,” malungkot na tugon ng batang babae.

Hindi na nakakatayo ang nanay ng bata at payat na payat na ito. Bakas ang kahirapan sa buhay ng mag-ina.

“H-halika. Ipapatingin natin ang nanay mo sa ospital. Ako na ang bahalang sumagot sa lahat,” pag-aalok ni Manang Letty.

Umaliwalas ang mukha ng bata at bumakas ang maganda ngiti sa mga labi nito. Dinala nga nila ang ginang sa ospital at doon pinabigyang lunas. Ngunit sa kasamaang palad, tatlong araw matapos noon, binawian ng buhay ang ina ng bata.

“Kasama na ng Panginoon ang nanay mo. Kaya wag ka nang malungkot ha?” bulong ni Manang Letty sa bata.

“Paano na po ako? Saan na po ako pupunta? Ano na pong mangyayari sa akin?” umiiyak na tanong ng batang babae.

“Anong pangalan mo ineng?” tanong ng ale.

“Shirley po.”

“Shirley, simula ngayon, ako na ang kukupkop sa iyo. ‘Wag kang mag-alala, aalagaan kita at ituturing na parang isang tunay na anak,” saad ni Manang Letty at saka niyakap ang bata.

Tunay ngang kinupkop ng matandang dalaga si Shirley. Binihisan niya ito, inalagaan, pinag-aral at minahal na para bang tunay na mag-ina. Hindi naman nagsisi si Manang Letty dahil napakabait at matalino ang bata.

Sinuportahan ng matanda si Shirley hanggang sa makapagtapos ng kolehiyo sa kursong Business Management. Ngunit may kakaibang suwerte atang taglay si Shirley. Lumago pa lalo ang negosyo ni Manang Letty. Ang maliit na kainan ay naging restawran. Hindi pa dito natapos ang lahat, naging matagumpay na negosyante si Shirley kaya’t ang “Letty’s Kainan” ay lumago pa at nagkaroon ng apat pang branches sa buong Luzon.

Pero taong 2019, binawian ng buhay si Manang Letty habang payapang natutulog. Ngunit sa kanyang pag-alis, maligaya siyang bumalik sa kaharian ng Panginoon, dahil sa batang kinupkop niya noon, nagkaroon ng kulay ang kanyang buhay, naranasan niyang maging ina at naramdaman niya ang wagas na pagmamahal sa itinuring na anak.

Doon tinapos ng babae ang kanyang kwento habang iniiterbyu. Ang mga media at mga taong nanonood noon ay napaluha sa kwento ng buhay ni Manang Letty.

“Ang batang nangongolekta ng hugas noon ay walang iba kundi ako… ako ang batang hinubog ni Nanay Letty para maging matagumpay na negosyante ngayon. Lahat ng mayroon ako ngayon ay dahil sa malasakit ng isang tao na hindi ko kadugo, ngunit binuksan ang kanyang puso para sa isang kagaya ko na hindi niya kaano-ano,” pahayag pa ng babae. Labis na ikinagulat ng mga tao ang rebelasyong iyon.

“Ang tunay na pamilya ay hindi lamang sa dugo, kundi sa kung sino ang bukas na mga kamay na tatanggap at magmamahal sa atin sa mga panahong wala na tayong patutunguhan. Hindi-hindi ko makakalimutan si Nanay Letty at patuloy kong sasariwain sa aking puso at alaala ang kabutihan at pagmamahal na ipinakita niya sa akin,” pagtatapos na mensahe ni Shirley sa kanyang interbyu.

Dahil kay Manang Letty, ang ulilang bata noon ay may pinatunguhan at nahubog upang maging mapagmahal at masigasig. Dahil sa kabaitan ng matanda, isang buhay ang nabago magpakailanman.

Advertisement