“Sigurado ka na ba talaga riyan kay Romel? Hindi ba’t isang taon palang kayong magkarelasyon? Hindi ba masyadong mabilis para sa kasal?” tanong ni Kim sa kaniyang kakambal.
“Alam mo, Ate Kim, ito na talaga ang true love ko. Hindi mo kailangan ng matagal na relasyon para magpakasal. Pag naramdaman mo, ‘yun na ‘yun. ‘Wag ka nang malungkot, malaki ka naman na. Kayang-kaya mo na mag-isa. Isa pa, malapit lang naman dito ang lilipatan namin kaya hindi pa rin ako malalayo sa’yo,” sagot naman ni Den sa kaniya.
“Nauna ka pa sa’kin,” natawa na lang na saad ni Kim sa kaniyang kapatid. Panganay ito sa kanilang dalawa at katulad ng maraming kambal ay lumaki silang sobrang lapit sa isa’t-isa. Siya ang panakip-butas sa lahat ng kalokohan ni Den. Naging mas makulay nga buhay ng kaniyang kapatid kumpara sa kaniya kahit na may sakit ito sa puso. Simula nang maulila ang kambal ay si Kim na ang tumayong magulang sa kanilang dalawa.
“Ate, salamat ha? Salamat kasi binigyan mo ako ng masayang buhay,” yakap ni Den sa kaniya.
“Pero, may isa akong problema, ate. May kailangan kang malaman,” dagdag pa nito.
“Hoy, pinapakaba mo na naman ako sa mga ganyan mo,” mabilis na sagot ni Kim sa kaniyang kapatid sabay hampas sa mga balikat nito.
“Kasi ano, hindi ako natatakot na magpakasal pero natatakot akong magka-anak,” pahayag ni Den sa kaniya.
“Sus, akala ko naman kung ano na. Ganyan talaga, pag nandoon ka na ay makakayanan mo rin ang lahat. ‘Wag kang matakot, nandito ang ate,” sagot ni Kim.
“Hindi, kasi ano… Paano ba ‘to… Kasi nabuntis na ako, tapos nakunan ako, hindi ko sinabi sa kaniya kasi baka iwan niya ako tapos maghiwalay kami. Natatakot ako,” bulgar ni Den sa kaniya.
Hindi nakapagsalita si Kim sa kaniyang narinig.
“Gusto ko sana kapag nabuntis man ako, ikaw na ang bahala sa records ko na hindi malaman ni Romel. Hindi ko kaya ate na mawala siya,” dagdag pa ng kaniyang kapatid.
“Naririnig mo ba ang sarili mo, Den? Bakit hindi mo sinabi ‘yan sa kaniya? Dapat niyang malaman ‘yan,” baling ni Kim sa kaniyang kapatid.
“E kasi, hindi ko naman alam na buntis ako, nalaman ko na lang sa ospital na nakunan na pala ako. Akala ko simpleng dalaw lang, hindi ko alam. Nung panahong iyon hindi ko alam anong gagawin ko kasi baka iwan ako ni Romel pag nalaman niyang nawala ang bata. Kaya nga pagkatapos ng kasal ay bibigyan ko siya kaagad ng anak,” paliwanag pang muli ni Den sa kaniya.
“Nababaliw ka na, Den. Magtigil ka!” galit na sagot ni Kim
“Hindi mo ako naiintindihan, ate! Please, ito lang, please!” pagmamakaawa namang muli ng kaniyang kapatid.
“Hindi, hindi maari ‘yang sinasabi mo. Hindi ako papayag!” tanggi ni Kim dito.
“Hindi mo kasi alam ng konsepto ng pagmamahal! Wala kang puso, wala kang awa!” sigaw sa kaniya ni Den.
Saglit na natahimik si Kim sa kaniyang narinig.
“Ano ulit ang sinabi mo?” seryosong tanong nito kay Den.
“Wala kang kwentang kapatid! Wala ka kasing jowa kaya hindi mo ako naiitindihan. Akala ko pa naman ikaw ang unang makakaintindi sa akin kaya sinabi ko sa’yo. ‘Yun pala, ganito lang ang sasabihin mo sa’kin. Napakawala mong kwenta! Hindi mo ako kayang pagtakpan para man lang sa ikakabuti ko,” iyak ni Den sa kaniya.
“Anong karapatan mong sabihin sa akin ‘yan? Hindi ko alam ang pagmamahal? Bakit, Den? Sa tingin mo ba hindi kita mahal?” naiiyak na wika ni Kim sa kaniyang kapatid.
“Hindi mo ba alam na kaya wala akong sinasagot na manliligaw ko kasi natatakot akong mahati ‘yung atensyon ko na lahat na sa sa’yo?! Simula nung mawala sina mama at papa, sinong umalalay sa’yo? Hindi ba’t ako? Hindi mo nakikita kung gaano kita kamahal? Pwes ikaw ang bulag, ikaw ang walang alam sa tunay na pagmamahal,” madiing binitawan ito iyon ni Kim.
“Tanggap kita, simula sa kahinaan mo hanggang sa kagandahan mo at kung hindi ka kayang tanggapin ni Romel diyan sa sinasabi mo sa akin, pwes mag-isip ka na. Kung hindi mo rin kayang tanggapin ang sarili mo, walang ibang tatanggap sa’yo. Nandito lang ako, Den, hindi para pagtakpan ka kung hindi para mahalin ka ng buo at tanggapin ka sa lahat. Sana nakikita mo ‘yun,” huling pahayag ng dalaga saka siya lumabas ng kwarto at iniwan ang kaniyang kapatid.
Unang pagkakataon ito na nagkasagutan ang dalawa at sobrang sama ng loob ni Kim dahil hindi niya lubos akalain na napagdaanan iyon ni Den nang hindi niya nalalaman at mas masakit pa rito ay hindi pala nakikita ng kapatid niya ang lahat ng kaniyang sakripisyo sa buhay.
Sa kabilang banda naman ay parang nabuhusan ng malamig na tubig si Den sa kaniyang narinig at saka lamang nagising sa katotohanan. Tama ang kapatid niya, dapat ay matanggap siya ni Romel sa kahit ano pa man siya o ano pa man ang pinagdaanan niya. Ngunit bago niya inuna ang lalaki ay mabilis niyang inalo ang kapatid.
“Ate, patawarin mo ako. Tama ka sa lahat ng sinabi mo at kahit kailan ay hindi ko mababayaran ang mga sakripisyo mo para sa akin. Patawarin mo ako, ate,” iyak ni Den sa kapatid.
“Hindi mo ako kailangan bayaran o ano pa man, Den. Dahil iyon ang tunay na pagmamahal, walang katumbas na halaga. Mahal na mahal kita at ang tanging hiling ko lang ay ang kaligayahan mo,” sagot ni Kim dito at nagyakap ang dalawa.