Multo ng Konsensiya

Gamit ang nanginginig na kamay marahang isinuksok ni Eli sa bulsa ng kaniyang jacket ang kinuha niyang tsokolate mula sa estante.

Mayamaya ay p*tay malisya siyang lumakad palabas ng tindahan.

“Success!” maligayang sabi ni Eli sa mga kabarkada niyang naghihintay sa labas ng tindahan.

Nakipag-apir pa siya sa mga ito habang ipinagyayabang ang tsokolate na ninakaw niya.

“Paano ba ‘yan, pare? Nakumpleto ni Eli ‘yung dare so talo ka!” nakangising sabi ni Klinton kay Xavi.

“Talo si Xavi. Kaya siya ang magbabayad ng pang-toma natin, mga pare! Tsaka si Eli naman ang mag-iisip ng dare para sa kaniya!” dagdag pa ng lalaki.

“Wala pa akong naiisip, mga pare. Ang sarap kasi masyado ng tsokolate. ‘Di ako masyadong makapag-isip!” mapang-asar na banat ni Eli sa matalik niyang kaibigan na si Xavi habang nilalantakan ang tsokolateng ninakaw niya.

Inasar kasi siya nito. Akala nito ay aatras siya sa dare. “Santo” daw kasi siya. Mabait at hindi gumagawa ng kalokohan.

Advertisement

“Tara na, mga pare! Pumunta na tayo sa inuman nang makarami!” nakangising paanyaya ni Paul.

Apat silang magkakaibigan. Si Eli, Xavi, Klinton at si Paul. Mga bata pa lamang sila ay magkakakilala na sila kaya naman alam na alam na nila ang likaw ng bituka ng isa’t isa.

Nang mapadaan sila sa isang night market ay napagdesiyunan nilang tumingin-tingin muna.

Kasalukuyang tumitingin si Eli ng mga mumurahing pulseras na ibinebenta ng isang lalaki nang tawagin siya ni Klinton.

Nakita ni Eli na nakaturo ang daliri nito sa isang bonnet na kulay itim. ‘Yung klase ng bonnet na kayang takpan ang buong mukha ng nagsusuot nito at tanging mata lang ang iyong makikita.

Nakakunot ang ulo ni Eli nang tumingin siya sa kaibigan niyang si Klinton. Hindi niya nauunawaan ang gusto nitong sabihin.

“Pare, may baril-barilan ako sa kotse. Baril at bonnet. Ano sa tingin mo?” May mala-demonyong ngisi sa mga labi si Klinton. “Naku, pare, para namang sobra na ‘yan,” napapailing na sabi ni Eli sa suhestiyon ng kaibigan.

“Hindi, pare. Kailangan natin ng isang exciting na dare. Nang maiba naman! Tandaan mo. Kapag natalo si Xavi isang buwan na siya ang magpapa-gas ng kotse natin!” Patuloy ang pandedemonyo ni Klinton kay Eli.

Advertisement

Hanggang sa naisip ni Eli na mukhang magandang ideya nga na magkunwaring holdaper si Xavi. Tuluyan na siyang nakumbinsi ni Klinton.

“Cheers!” Sabay-sabay na sabi ng magkakaibigan.

“Mga pare, inom lang nang inom, ha! Huwag kayong mahihiya. Libre ‘yan lahat ni Pareng Xavi!” natatawang sabi ni Klinton.

Mag-aalas dos na nang lisanin ng magkakaibigan ang lugar kung saan sila nag-inuman.

Napahinto si Klinton nang mapadaan sila sa isang convenience store. Napatingin siya sa katabi niyang si Eli. Agad nagkaunawaan ang dalawa.

“Para sa huli nating gagawin ngayong gabi! Ang dare ni Eli para kay Xavi!”

Unti-unting itinabi ni Klinton ang minamaneho niyang sasakyan bago siya may kinuha sa maliit na compartment na nasa harapan ng passenger seat. Isang baril.

“Pare, bakit may ganiyan ka?” hintakot na sabi ni Paul. “T*nga! Laruan lang ‘to!” natatawang wika ni KIinton. “Napakaduwag mo talaga!” dagdag pa ng lalaki.

Advertisement

“Ano ba ang dare ko?” mayabang na tanong ni Xavi. “Magpapanggap kang holdaper sa convenience store na ‘yun.” Turo ni Eli sa bukas na tindahan sa ‘di kalayuan.

Nagulat si Xavi. Hindi niya inaasahan na mabibigyan siya ng ganoong kahirap na dare. Pero kilala niya ang mga kaibigan niya. Walang inuurungan ang mga ito.

Kinuha ni Xavi ang iniaabot na bonnet at baril-barilan ni Klinton.

Ang plano ay sasabihin nila sa kahera na biro lang ang lahat kapag ibibigay na nito ang pera kay Xavi.

“Pare, videohan mo!” Parang batang sabik na sabik si Klinton. Hindi ito mapakali sa tabi ni Eli

Mayamaya ay pumasok na si Xavi sa tindahan.

Hagalpakan ng tawa ang tatlong magkakaibigan nang magdeklara ng holdap si Xavi.

Mukhang magiging madali ang dare para kay Xavi. May edad na kasi ang kahera. Malamang ay hindi na ito manlalaban pa. Maskulado kasi ang kaibigan nila.

Advertisement

Ngunit nagulat ang tatlo.

Ibang iba sa kanilang inaasahan ang naging takbo ng pangyayari. Dinamba ng matanda si Xavi at nagpambuno ang dalawa. Pinaulanan ng matanda ng suntok si Xavi.

Natulos si Eli sa kaniyang kinatatayuan habang kinukuhanan niya ng video si Xavi. Hindi niya na namalayang umalis na sa kaniyang tabi sina Klinton at Paul. Sumugod ang mga ito sa loob ng tindahan para tulungan ang kanilang kaibigan.

Akmang pipigilan na ni Eli ang kaniyang mga kaibigan nang makita niya mula sa camera ng hawak niyang cell phone ang paghampas ni Klinton sa ulo ng matanda gamit ang isang malaking bote ng alak.

Agad na bumagsak ang matanda. Duguan ang ulo nito.

“Klinton!” nasindak na sigaw nina Paul at Xavi.

Nabitawan naman ni Klinton ang hawak niyang bote na puno ng dugo.

Si Eli ay nanatiling nakapako sa kaniyang kinatatayuan. Wala siyang lakas ng loob na lumapit sa kinaroroonan ng kaniyang mga kaibigan. Nang matauhan na ang lalaki ay agad niyang binulsa ang kaniyang cell phone at lumapit siya sa kaniyang mga kaibigan.

Advertisement

“Anong gagawin natin?” tanong ni Eli sa kaniyang mga kaibigan.

“May nakakita ba sa nangyari?” balik tanong ni Xavi. Umiling si Eli. “Wala. Alas dos na. Tayu-tayo na lang ang nandito.”

“Mabuti naman. Wala tayong alam sa nangyari. Klinton, hanapin mo ang CCTV. Burahin mo ang mga na-record,” utos ni Xavi.

Paalis na sana ang magkakaibigan nang maalala ni Eli ang matanda. “Paano na ang matanda? Iiwan natin siya? Maaari pa natin siyang mailigtas!”

“Sige. Iligtas mo siya kung gusto mong makulong.” Blangko ang ekspresiyon ng mukha ni Xavi.

Natameme si Eli. Tiyak na lagot siya kapag nalaman ng kaniyang mga magulang na sa kaniyang dare nagsimula ang lahat.

Tahimik ang magkakaibigan nang sila ay umuwi. Walang may gustong pag-usapan ang nangyari.

“Malalampasan din natin ‘to. Isipin niyo na lang na isang masamang panaginip lang ang nangyari,” sabi ni Klinton bago naghiwa-hiwalay silang magkakaibigan.

Advertisement

Hapon na nang magising si Eli. Kumakain siya nang ipalabas sa telebisyon ang balita tungkol sa isang matandang namat*y sa isang convenience store. P*tay malisyang nagpatuloy ang lalaki sa pagkain.

“Sa mga gumawa nito sa tatay ko, lumabas na kayo!” umiiyak na sabi ng babaeng anak ng pumanaw na matanda.

May naramdamang kudlit ng konsensiya si Eli ngunit ‘di niya ito pinansin. Alam niyang lilipas din ito.

Tuwing maliwanag ang buong kalangitan ay ipinagpapatuloy ni Eli ang kaniyang buhay na para bang wala siyang nagawang kasalanan. Pero pagsapit ng dilim, sa tuwing mahimbing na ang tulog ni Eli, muling naglalakbay ang diwa ng lalaki sa malagim na gabi kung kailan nagpanggap na holdaper ang kaibigan niyang si Xavi.

“Maawa kayo sa akin! Wala naman akong kasalanan!” pagmamakaawa ng matandang duguan.

Tinadyakan lamang ito ng Klinton. Pinaghahampas ito ni Xavi. Tumatawa lamang ang mga kaibigan ni Eli!

Napatingin si Eli sa humawak ng kaniyang paa.

Ang matanda!

Advertisement

“Isa ka sa kanila!” sigaw ng duguang matanda. May poot sa mga mata nito.

Humihingal na napabalikwas ng kama si Eli. Alas dos na ng madaling araw. Napanaginipan na naman niya ang lahat. Nakahinga siya ng maluwang.

Nang biglang umihip ang malakas na hangin ay napalingon ang lalaki sa bukas niyang bintana.

Nagtaka si Eli. Ang pagkakatanda niya ay isinara niya ito. Lumapit siya sa bintana.

Ganoon na lang ang pagkagimbal ng lalaki nang makita niya sa repleksyon ng salamin ng kaniyang tokador malapit sa bintana na may tao sa kaniyang likuran.

Ang matanda!

Nagtatakbo si Eli palabas ng kaniyang kwarto dahil sa matinding takot.

Nang umaga ding iyon ay tinipon ni Eli ang kaniyang mga kaibigan. Halos pare-pareho sila ng itsura. Magulo ang buhok, nangangalumata at mukhang pagod na pagod.

Advertisement

“Mga pare, hindi ko na kaya,” umiiyak na sabi ni Eli sa kaniyang mga kaibigan. “Susuko na ako. Minumulto ako ng matanda.”

“Ikaw din?” Halos sabay-sabay na nagsalita ang tatlo niyang kaibigan kaya naman nagkagulatan sila.

“Kayo din?” tanong ng magkakaibigan sa isa’t isa.

“Hindi naman tayo masasamang tao,” malungkot na sabi ni Paul.

Inakbayan ni Eli ang kaniyang kaibigan. “Itatama natin ang ating mga pagkakamali, Paul.”

Sumuko ang apat na magkakaibigan sa pulis. Inimbestigahan ng mga pulis ang nangyari gamit ang video na isinuko nila. Napatunayang hindi nila sinasadya ang pagkakapat*y nila sa matanda dahil wala naman silang motibo para tapusin ang buhay nito. Gayunpaman ay kailangan pa rin nilang pagdusuhan sa kulungan ang kanilang nagawa.

Taos puso silang humingi ng tawad sa mga naulila ng matanda kahit na alam nila na walang kapatawaran ang kanilang ginawa. Dadalhin nila habang buhay ang nagawa nilang kasalanan.

Simula nung umamin ang magkakaibigan sa nagawa nilang kasalanan ay hindi na nila muling nakita pa ang matanda. Marahil ay totoo ang sinasabi ng iba na wala nang mas nakakatakot pa na multo kaysa sa sarili mong konsensiya.