Inday TrendingInday Trending
Ang Palatandaan ay Simbolo ng Walang Hanggan

Ang Palatandaan ay Simbolo ng Walang Hanggan

“Ma, bakit kailangan niyo pang maghiwalay ni daddy? Hindi niyo na ba talaga maaayos ang relasyon niyo? Ngayon pa talaga kayo maghihiwalay kung kailan labing anim na taong gulang na ako,” sambit ni Neil sa kaniyang inang si Marlyn.

“Patawarin mo kami ng daddy mo, Neil. Pero ito na lamang ang tanging naisip naming paraan upang maging maayos ang aming relasyon,” paliwanag ng ina.

“Hindi niyo na po ba mahal si daddy, ma? Itatapon niyo na lang pareho ang ilang taong pagsasama niyo?” umiiyak na sambit ni Neil. “Ma, huwag niyo namang gawin sa akin ito. Paano na ko?” dagdag pa ng binata.

“Hindi ka naman namin pababayaan, Neil. Tsaka tulad pa rin naman ng dati. Dito ka sa akin. Ang daddy mo ang aalis dito sa bahay. Sanay ka na rin naman na lagi siyang wala, hindi ba?” saad ni Marlyn.

“Pero iba pa rin po iyong pakiramdam na wala nang pag-asang mabuo pa ang pamilyang ito, ma. Sana man lang bago niyo napagdesisyunan ang bagay na ‘yan ay inisip niyo man lang ako,” sambit ni Neil sa kaniyang ina.

“Patawad, Neil, pero buo na ang desisyon namin ng daddy mo. Nai-file na namin ang aming annulment. Baka bukas din ay magpunta dito ang daddy mo para kuhain ang ilang mga gamit niya. Kailangan na naming maghiwalay, anak, sapagkat marami na ang nagbago sa pagitan naming dalawa,” pagtatapos ni Marlyn.

Dalawampung taon nang magkarelasyon ang mag-asawang sina Marlyn, isang businesswoman at Arnel, isang manager ng isang kompaniya.

Dahil sa kanilang ambisyon sa kani-kanilang larangan ay tila nagkalayo ang loob ng mag-asawa. Palaging wala si Arnel sa kanilang bahay sapagkat kung saan-saan ito nadedestino. Samantalang si Marlyn naman ay ginugugol ang kaniyang panahon sa kaniyang lumalaking negosyo ng pabango.

Kahit na madalang makasama ni Neil ang kaniyang mga magulang ay mahal niya ang mga ito. Naiintindihan niyang ginagawa ng mga ito ang lahat upang mabigyan siya ng magandang buhay. Kaya laking gulat na lamang niya nang malaman niya isang araw na maghihiwalay na ang kaniyang mga magulang dahil lamang sa hindi na sila nagkakaunawaan. Magkaiba na kasi ng prayoridad ang mag-asawa kaya pinili na lamang nilang maghiwalay ng landas.

“Imposibleng walang pagmamahal na natitira sa puso ng mga magulang ko. Matagal silang nagsama at hindi basta-basta mawawala iyon nang ganoon lang. Wala naman silang ibang karelasyon. Tanging ang kanilang mga trabaho lamang ang kanilang iniisip. Kailangan ay may gawin ako,” sambit ni Neil sa kaniyang sarili.

Buong gabing nag-isip si Neil ng paraan para hindi na maghiwalay pa ang kaniyang mga magulang. Kailangan kasing makita ng mga ito ang halaga ng bawat isa nang sa gayon ay maibalik ang dati nilang pagmamahalan.

Kinabukasan ay laking gulat ni Marlyn nang matuklasan niyang naglayas si Neil. Nag-iwan ito ng isang mensahe sa kaniyang lamesita.

Ma at Dad,

Pasensiya na kayo ngunit kailangan ko itong gawin. Hindi ko kayang mawalay sa inyo ngunit kung maghihiwalay lamang po kayo ay marapat lamang na maging ako ay humiwalay na rin sa inyo. Kung nais po ninyo akong mahanap nakasulat ang address na aking tutuluyan sa isang papel na nakatago dito sa loob ng bahay. Kung mahahanap niyo po ito ay agad niyo akong matutunton.

Ang palatandaan ay simbolo ng walang hanggan.

Neil

Agad tinawagan ni Marlyn ang asawa niyang si Arnel at natatarantang ikinuwento ang nangyari. Dahil sa labis na pag-aalala ay nagtungo ang ginoo sa bahay ng kaniyang mag-ina at saka tinulungan ang kaniyang misis sa paghahanap.

Hinalughog nila ang silid ni Neil ngunit hindi nila nakita ang tinutukoy nitong papel.

Nagtungo sila sa silid nilang mag-asawa. Hinalungkat nila ang bawat lalagyan doon.

Isang kahon ang kanilang nakita. Agad binuksan ng mag-asawa ang nasabing kahon at nakita nila ang mga damit na isinuot nila nung araw ng kanilang kasal.

Maging ang mga litrato ng kanilang pag-iisang dibdib ay naroon.

Isa-isa nilang tinignan ang mga ito. Tila bumalik sa kanila ang mga magaganda nilang alaala.

“Natatandaan mo ba ang araw ng kasal natin? Sumakit ang tiyan mo sa sobrang kaba. Ang akala ng lahat ay tinakasan mo ako. Ang hindi nila alam ay nasa banyo ka at tinatawag ng kalikasan,” natatawang kuwento ni Arnel kay Marlyn.

“Oo nga! Tapos halos ayaw mo nang ituloy ang mga programa kasi gutom na gutom ka na!” natatawang sambit naman ni Marlyn.

Nagpatuloy sa pagtingin ng mga larawan ng kanilang kasal ang mag-asawa. Unti-unti nilang sinariwa ang mga alaalang naibaon nila sa limot.

“Pero ang hindi ko malilimutan ay nung binenta mo ang paborito mong kotse para lang ibigay sa akin ang pinapangarap kong kasal,” saad ni Marlyn.

“Mas mahalaga ka kaysa sa kotse ko, Marlyn. At lahat ay gagawin ko para lang mapaligaya ka,” sambit ni Arnel.

“Ano nga ba ang nangyari sa atin, Marlyn. Dati ay puno ng pagmamahalan ang ating relasyon ngunit naglaho ang lahat ng ito. Sa totoo lang, Maryn, ay hindi naman talaga nawala ang pag-ibig ko sa iyo. Natabunan lang ito ng pagnanais kong mapunan ang lahat ng pangangailangan natin,” sambit ni Arnel.

“Iyon din ang nais ko, isang magandang buhay para sa ating pamilya. Ngunit habang mas iniintindi ko ang aking negosyo ay hindi ko man lang namamalayan na nasisira na pala ang ating relasyon. Tama ang ating anak. Dapat ay pinag-isipan muna natin ito ng mabuti, Arnel. Kung tutuusin kasi ay magpahanggang ngayon ay ikaw pa rin naman ang nais kong makasama,” saad ni Marlyn.

Nagyakapan ang mag-asawa. Binura ng yakap ang mga panahong naging malupit sila sa damdamin ng isa’t isa. Isang halik ang tumapos sa kanilang hindi pagkakaintindihan.

Ngunit hindi pa rin nila nahahanap ang papel na iniwan ni Neil upang siya ay matagpuan.

“Ang palatandaan daw ay simbolo ng walang hanggan. Ano kaya ang ibig sabihin ng ating anak sa bugtong na iyon?” tanong ni Marlyn.

Napaisip ang dalawa.

Naisip ni Arnel na maaaring hugis bilog ang tinutukoy ng kaniyang anak sapagkat wala itong hanggan. Hinanap nila sa kahit na anong hugis bilog na matatagpuan sa kanilang bahay ang papel ngunit hindi pa rin nila ito mahanap-hanap.

“Alam ko na kung nasaan ang papel, Arnel,” sambit ni Marlyn tsaka nito tinungo ang malaking wedding picture nila na naka-display sa kanilang sala.

Nung tignan ng dalawa ang likuran ng kuwadro ay nakita nila ang papel na itinago ng kanilang anak.

Agad nilang pinuntahan ang address na nakalagay sa papel para mapuntahan na nila si Neil. Nung makarating na sila sa lugar na nakasaad sa papel ay nagulat ang mag-asawa.

Napalilibutan ng mga ilaw ang buong lugar. Napakaromantiko ng pagkakaayos ng lahat. Puno ng bulaklak ang paligid at may tumutugtog din ng musika.

Mayamaya ay dumating na si Neil.

“Ginaya ko ang unang date ninyo, ma at dad. Inihanda ko ang lahat ng ito para nang sa ganoon ay makapag-date kayong muli. Sana ay maunawaan niyo na kayo pa rin ang nakatadhana para sa isa’t isa. Sana ay bumalik sa inyong alaala ang panahon kung kailan kayo nagsimulang magmahalan,” saad ng kanilang anak.

Napaluha ang mag-asawa sa ginawa ni Neil. Hindi nila akalain na dahil sa ginawa ng kanilang anak ay magbabago muli ang kanilang isipan at pipiliin nila ang kanilang itinaguyod na pamilya.

Hindi naglaon ay iniatras nina Arnel at Marlyn ang kanilang petisyon na ipawalang bisa ang kanilang kasal. Muli silang nagsama sa iisang bubong. Nangako ang dalawa na sisikapin nilang magkaroon ng oras para sa isa’t isa.

Laking tuwa naman ni Neil sa naging desisyon ng kaniyang mga magulang sapagkat hindi na mawawasak pa ang pamilyang lubusan niyang minamahal.

Advertisement