Inday TrendingInday Trending
Ang Reklamadorang Anak

Ang Reklamadorang Anak

“Alis na po ako,” matabang na paalam ni Krissa sa kaniyang ina na naglalaba sa tapat ng kanilang bahay.

“Mag-ingat ka, anak,” sabi naman ng ama ng dalaga.

Marahang naglalakad si Krissa sa daan nang marinig niya ang nagmamadaling pagtawag ng kaniyang ina. “Krissa! Ang baon mong pagkain naiwan mo!”

Huminto ang dalaga sa paglalakad at iritadong nilingon ang kaniyang ina. Mas matinding pagkainis ang naramdaman niya nang mapansin niyang wala itong suot na tsinelas.

“Nay, ano ba naman ‘yan? Iniwan ko talaga ‘yan sa bahay kasi alam kong sardinas na naman ‘yan o ‘di kaya, eh, tuyo! Mapapahiya na naman ako sa eskuwelahan! Magpapakagutom na lang ako kaysa sa kainin ‘yan!” asik ni Krissa sa kaniyang ina.

Pilit na iniaabot ng ina ang baonan kay Krissa. “Naku, anak! Huwag ka naman magpakagutom! Magkakasakit ka niyan!” May pagsusumamo sa boses nito.

Hindi sinasadyang napalakas ang tabig ni Krissa sa kamay ng kaniyang ina kaya naman aksidenteng nahulog ang hawak nitong baonan. Kumalat ang malansang amoy ng sardinas.

“Nay! Ang kulit mo kasi! Tignan mo ang nangyari!” paninisi ni Krissa sa kaniyang ina.

Bago pa man makabawi ang ina ng dalaga sa pagkabigla ay tinalikuran na siya ng kaniyang anak.

Walang pakialam si Krissa sa naaawang titig na ibinibigay ng ilang napapadaan sa kinaroroonan ng kaniyang ina na kasalukuyang iniimis ang kalat.

“Anak!” Hindi pa nakakalayo si Krissa nang muli itong tawagin ng kaniyang ina.

“Ano na naman ba ‘yun, nay?” Nilingon ng dalaga ang kaniyang ina.

Dali-daling lumapit ang ale habang dumudukot sa kaniyang bulsa. “Ito ang bente pesos. Pandagdag sa baon mo. Pangkain mo mamaya para hindi ka malipasan ng gutom.”

Napatirik ang mata ni Krissa sa inis.

“Ano ba ang mararating ng bente?” Hindi niya na iyon isinatinig. Kinuha na lamang niya ang pera na inaabot ng nanay niya at walang lingon-likod na naglakad palayo.

Napabuga ng hangin si Krissa habang siya ay naglalakad. Sira na naman ang araw niya.

Sawang-sawa na si Krissa sa buhay nila. ‘Yung buhay na isang kahig, isang tuka. ‘Yung hindi niya magawang makipagsabayan sa mga ka-edaran niya pagdating sa mga hilig at gusto.

Ni hindi siya makabili ng kolorete sa mukha. Siya lang din yata ang kaisa-isang tao sa kanilang eskuwelahan na wala pang selpon.

Pabigat pa ang ama niya. Baldado na kasi ito matapos nitong mahulog mula sa pinagtatrabahuan nitong construction site limang taon na ang nakakalipas.

Sa kabuuan, ang nanay niya lang ang kumikita ng pera para sa kanilang pamilya mula sa paglalabada nito.

“Bakit ba kasi kailangang sa ganitong pamilya ako ipinanganak at lumaki?” himutok ni Krissa.

Oras na ng hapunan. Kagaya nang nakasanayan na ni Krissa ay tinapa ang pagkaing kasalukuyan nilang pinagsasaluhan.

“Napakalalim naman ng buntong-hininga mo, Krissa. Igalang mo naman ang biyaya. Nasa harap ka ng hapag-kainan,” puna ng ama ng dalaga.

“Biyaya ba ‘yan?” bulong ni Krissa na hindi naman nakaabot sa pandinig ng kaniyang mga magulang.

Habang natutulog si Krissa ay bigla siyang napabalikwas mula sa kaniyang pagkakahiga. May narinig kasi siyang tila bumagsak na kung ano. Baka ang tatay niya na naman ‘yun. Minsan kasi ay nagigising ito upang magbanyo at dahil nahihiya itong gisingin ang kaniyang ina ay pinipilit nitong magbanyo mag-isa.

Dumako si Krissa sa maliit nilang sala.

Ganoon na lamang ang kaniyang pagkagulat na imbes na ang kaniyang ama ang kaniyang mabungaran ay isang ‘di kilalang lalaki ang kaniyang nakita.

“Magnanakaw!” sigaw ng isip niya.

Malakas siyang tumili kaya naman tinakbo ng lalaki ang kanilang distansiya at tinakpan nito ang kaniyang bibig. Kinagat ni Krissa ang kamay nito kaya nagpambuno sila.

Mayamaya ay may dinukot ang magnanakaw sa bulsa at nanlaki ang mata ni Krissa nang kumislap ang talim ng kutsilyong hawak nito.

Akmang itatarak na ng magnanakaw sa dibdib ni Krissa ang patalim nang may biglang humampas sa ulo nito.

Nakita ni Krissa ang kaniyang ina sa likod ng magnanakaw na may hawak na kawali. Sinamantala ng dalaga ang pagkakataon at tinadyakan niya ang magnanakaw bago siya patakbong lumapit sa kaniyang ama.

Agad namang pinapunta ng lalaki sa kaniyang likuran ang kaniyang anak. Handa siyang depensahan ang kaniyang anak kahit na naka-wheelchair siya.

Samantala, ang ina naman ni Krissa ay nakalabas na ng bahay para makahingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

“May sugat ka ba, anak?” nag-aalalang tanong ng ama ni Krissa. Umiling si Krissa.

Mayamaya ay nanlaki ang mata ng dalaga nang makitang sumusugod na ang magnanakaw sa kanila at tila siya ang pinupuntirya nito.

Mabilis na itinulak si Krissa ng kaniyang ama sa loob ng kwarto bago nito mahigpit na niyakap ang magnanakaw upang hindi ito makalapit sa kaniya.

“Krissa, i-lock mo ang pinto!” sigaw ng ama ni Krissa.

“Pero, ‘tay, paano ho ka…”

“Basta i-lock mo ang pinto!” bulyaw ng ama ng dalaga.

Umiiyak na sinunod ni Krissa ang kaniyang ama.

Sa labas ng kwarto ay narinig ni Krissa ang pagpapambuno ng dalawang lalaki. Napasigaw pa siya nang marinig niya ang tila pagbaon ng kutsilyo sa kung saan.

Mayamaya ay may mga narinig na siyang boses ng mga tao kaya dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng kwarto.

“Tay!” palahaw ni Krissa nang makita niyang duguan at nakahandusay ang kaniyang ama.

“Tumawag kayo ng ambulansiya! Dalhin natin sa ospital ang tatay ko!” sigaw ng dalaga.

Nilapitan si Krissa ng kaniyang ina at pinakalma siya nito. “Anak, may ambulansiya na sa labas. Dadalhin na nila ang tatay mo.”

“Nay, ano pong mangyayari kay tatay?” Panay ang pagtulo ng luha ni Krissa. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa nangyari sa kaniyang ama. “Magiging okay ang tatay mo. Huwag kang mag-alala,” tugon ng ina ng dalaga.

Ilang minuto pa ang lumipas at sa wakas ay bumabiyahe na ang ambulansiya patungong ospital.

Habang nasa biyahe ay hindi binibitawan ni Krissa ang kamay ng kaniyang ama. Paulit-ulit na bumabalik sa kaniyang isipan ang pagsasakripisyo nito para maging ligtas lang siya.

Ang ina naman ng dalaga ay nananatiling kalmado. Marahil ay ayaw nitong ipakita sa anak ang tunay na nararamdaman.

“Misis, marami hong dugo ang nawala sa asawa niyo. Kung hindi siya masasalinan ng dugo agad ay maaaring hindi na magtagal ang kaniyang buhay,” malungkot na pahayag ng doktor.

Napaupo sa sahig ang ina ni Krissa. Inalalayan naman ito ng dalaga na umupo sa isang bakanteng bangko. “Nay, ako po ang magdo-donate ng dugo para kay tatay. B negative ka, hindi ba? Eh, ‘di si tatay ang kadugo ko. Huwag na po kayong mag-alala,” wika niya sa kaniyang ina.

“Hindi, anak,” pagpigil kay Krissa ng kaniyang ina.

“Bakit po? Ano bang blood type ni tatay?” tanong ng dalaga. “O,” tugon ng ina.

“Nay, imposible. AB ako, eh,” naguguluhang saad ni Krissa.

“Krissa.” Hindi maituloy ng ina ng dalaga ang kaniyang sasabihin.

Napahinto si Krissa. “Nay?” May hinalang namumuo sa kaniyang isipan. “Posible kayang hindi sila ang tunay kong mga magulang?”

“Patawarin mo kami, anak. Hindi ko gustong malaman mo sa ganitong paraan,” umiiyak na sabi ng ina ni Krissa.

Nakumpirma ni Krissa na tama ang kaniyang hinala nang umiyak ang kaniyang ina. May nadama siyang galit. Galit hindi para sa mag-asawa na umampon sa kaniya kung ‘di sa kaniyang sarili.

Naalala niya ang mga sakripisyo ng kaniyang ina para sa kaniya. Ang pagbubuwis ng buhay ng kaniyang ama para sa kaniya. Ngunit hindi siya kadugo ng mag-asawa.

Naalala din ni Krissa ang mga maaanghang na salitang binitawan niya sa kanila.

Bumalong ang masaganang luha sa kaniyang mga mata. Malaki ang pagsisisi ni Krissa sa mga nagawa niyang kasalanan sa kinikilala niyang mga magulang.

Sa awa ng Diyos nakahanap pa rin sila ng taong magbibigay ng dugo para sa lalaki. Kinabukasan ay inilipat na ito sa kwarto para magpagaling.

Nang magising na ang lalaki matapos ang operasyon nito ay lumuhod si Krissa sa harap ng mga kinikilala niyang magulang.

Una, upang humingi ng tawad para sa mga maling nagawa niya noon. Ikalawa, para magpasalamat dahil kahit hindi siya anak ng mag-asawa ay itinuring pa rin nila siyang tunay na anak.

Simula nung araw na iyon ay mas pinahalagahan na ni Krissa ang kaniyang mga magulang. Mas ginagalang na niya ang kaniyang nanay at tatay. Hindi na siya nagrereklamo kahit sardinas at tuyo lang ang pagkain nila tatlong beses sa isang araw. At higit sa lahat ay hindi na siya nagrereklamo na isang kahig, isang tuka lang ang kanilang pamumuhay. Sa halip ay araw-araw siyang nagpapasalamat dahil kahit hindi siya kadugo ng mag-asawa ay itinuring pa rin siyang anak ng mga ito at hindi siya pinabayaan.

Advertisement