Isa si Eddison sa mga head ng kanilang team. Dahil bago pa lang para sa kaniya ang mamuno, madalas ay nagkakaroon ng kaunting problema sa kanilang trabaho. Kaya madalas, ang buhos ng galit ng kanilang mga boss ay sa kaniya napupunta.
Madalas din tuloy uminit ang ulo nito sa kaniyang mga katrabaho.
“Ano na naman ‘tong kapalpakan na ito? Inaraw-araw na lang natin yung problema,” galit na sabi ni Eddison sa kaniyang mga katrabaho.
Napapansin rin ng kanilang boss na sa tuwing magpapaliwanag si Eddison tungkol sa kanilang pagkakamali ay lagi niyang ibinabalik sa kaniyang mga empleyado ang sisi.
“Mister Eddison, bakit may mali na naman nangyari? May naisip ka na ba na paraan para maiwasan ‘to?” pagtatanong ng boss ni Eddison sa kaniya.
“Paano ba naman sir, hindi kasi inaayos ni Gilbert ang trabaho niya. Ayan tuloy nagkamali na naman. Hayaan niyo pagsasabihan ko at sisiguraduhin na matatakot na siyang magkamali ulit,” mayabang na sagot ni Eddison.
Lingid sa kaalaman ni Eddison ay inoobserbahan na pala siya ng kaniyang boss. Dahil nga sa pangit na performance ng kanilang team, inoobserbahan nito kung saan nagmumula ang problema o kung mayroong nakakaapekto sa kanilang team.
Palaging naging ganoon ang gawain ni Eddison. Kahit na siya ang nagkakamali, sa iba pa rin niya ibinabaling ang sisi.
“Girly, bakit hindi mo pa ito natatapos? Ilang linggo na ‘yan sayo?” masungit na tanong nito.
“Sir Ed, hinihintay ko pa po kasi na mapiramahan niyo po ‘yan bago ko po mapagpatuloy na ipasa sa accounting,” sagot ni Girly.
“Eh, bakit ngayon mo lang kasi binigay sa akin?” pagtatanong ni Eddison.
“Noong nakaraang linggo ko pa po naibigay po sa inyo. Akala ko po kasi ay sinisigurado niyo lang po kung tama kaya natagalan, hindi ko na po kayo kinulit,” mahinahong sagot ni Girly.
“Sa susunod kasi wag mo basta-bastang inaabot sa akin. Alam mo naman na marami akong ginagawa, malamang matatabunan lang ‘yan sa lamesa o kung saan ko na lang mailalagay,” wika ni Eddison na halatang isinisisi pa rin kay Girly ang kaniyang pagkukulang.
“Eh kung nilagay mo sa lamesa ko, tapos finollow up mo rin agad noong araw na ‘yon, panigurado mapipirmahan ko. Sa susunod, Girly ha. Maging alerto,” patuloy nito.
Kahit na may kaunting inis na naramdaman si Girly pilit niya pa ring inunawa ito, lalo na at mas nakakataas pa rin ito ng posisyon. Nasanay na rin sila sa ganitong pag-uugali ni Eddison.
Subalit nabahala na ang boss ni Eddison sa kaniyang pag-uugali, kaya nang minsan nang magdahilan na naman ito, kinausap na niya si Eddison.
“Ed, pagkatapos ng meeting na ito, kapag wala ka nang gagawin, dumaan ka sa office ko, may importante lang akong sasabihin sa ‘yo,” wika ng boss ni Eddison.
Nang matapos ang gawain niya, agad siyang nagtungo sa opisina.
“Ed, ayaw ko sanang masamain mo ang sasabihin ko sa ‘yo. Pero gagawin ko ito para sa ‘yo. Mahalaga sa akin na bilang mas nakakataas sa ‘yo ay magabayan kita sa pamumuno sa iyong team,” panimula ng kaniyang boss na may seryosong tingin sa kaniya.
“Alam mo naman kung gaano ako kabilib sa galing at diskarte, maging sa pagiging matalino mo. Kaya nga, ikaw ang una kong naisip nang nagkaroon ng promotion. Alam ko kasi na kaya mo. Pero tulungan mo ako na patunayan sa kanilang na katapatdapat ka talaga sa kinalalagyan mo ngayon,” dagdag pa ng boss nito.
Nang mga sandaling ‘yon, alam na ni Eddison na importante at seryoso ang bagay na kanilang pinagusapan, kaya nakinig ito ng mabuti.
“Napapansin ko na hindi ka katulad ng dati, handa umako sa pagkakamali at handang umisip ng paraan upang maayos ang pagkakamaling ito. Madalas ay isinisisi mo na lamang ang mga pagkakamaling ito sa mga tao mo. Bilang isang lider, responsibilidad mo na maging responsable sa magiging pagkakamali ng iyong mga miyembro, ikaw man o hindi ang may gawa o sanhi nito,” pangangaral ng kaniyang boss.
“Alam ko, Eddison na isa kang magaling na lider, kailangan mo lang maging mabuti at responsableng lider upang tunay kang maging magaling na pinuno,” patuloy na wika nito.
“Pasensiya na po, sir. Tama po kayo. Tila nalilimutan ko na pong maging lider sa aming grupo. Masyado na po akong naging makasarili na balewalain sila at tumutok lamang sa sarili ko,” malungkot na sagot ni Eddison.
“Tandaan mo, Ed. Ikaw ang magsisisimula ng pagbabago at kaayusan ng iyong team. Sa ‘yo mismo dapat nagsisimula ang motibasyon at inspirasyon, upang mas pag-igihan nila ang kanilang trabaho,” bilin nito kay Eddison
“Kumbaga Ed, ‘wag kang tumulad sa mga talangka, na walang ginawa kundi hilahin ang kanilang kasama upang makaakyat sa timba para makatakas. Kung ganon ang isang lider, pare-pareho kayong hindi magtatagumpay sa inyong gawain,” patuloy na bilin ng kaniyang boss.
“Mas okay pa na gayahin mo ang mga langgam! Tulong-tulong, sama-sama. Diba?” pagbibiro nito kay Eddison dahil bakas na sa mukha nito ang labis na pagkadismaya sa kaniyang sarili.
“Pero para sa akin, Ed. Maging si Ed ka lang, alam ko na magaling ka at matagal ko ng nakikita sayo na kaya mong maging magaling na lider. Alam mo sa sarili kung ano ang tama at nakakabuti, hindi lamang para sa ‘yo, kung ‘di para rin sa iyong mga kasamahan,” huling bilin nito kay Ed.
Tumagos kay Eddison ang lahat ng pangaral ng kaniyang boss, ngayon ay napagtatanto niya na baka kaya patuloy na nagkakamali ang kaniyang mga kasama ay dahil hindi niya ito tinutulungan at ginagabayan. Na imbis na maging lider siya ay ginagawang na lamang niyang robot ang mga ito.
Mula noon, binago ni Eddison ang kaniyang sarili.
“Sir, pasensiya na po sa nangyari. Inaako ko po ang kasalanan dahil hindi ko po napaalala ng maigi sa kanila ang importansiya ng proyekto na ito. Handa po akong harapin ang ano mang parusa,” buong tapang na sinabi ni Ed nang minsan ay nagkaproblema ang kanilang team.
Inaako na nito ang responsibilidad at imbis na pinaggagalitan ang mga kasama, ay mas tinututukan nito na gumawa ng paraan upang maiwasan na ang ganitong pangyayari.
Hanggang sa unti-unti ng tumitibay ang kanilang samahan at hindi nila namamalayan na sa loob ng isang taon ay hindi na sila muli nagkaroon pa ng palpak at problemadong trabaho.
Isa-isa ay nabibigyan na rin ng oportunidad ang mga ito na ma-promote sa mas mataas na posisyon, at isa na rito ay si Eddison.
Baon-baon ni Eddison ang pangaral ng kaniyang dating boss, at patuloy na nagiging huwarang lider sa kaniyang mga kasama.